Sapat, kaaya-ayang pasilidad para sa Artlets

0
1151

NGAYONG taon ay pinasinayaan ang programang Creative Writing ng Faculty of Arts and Letters (Artlets). Kilalang minsang naging tahanan ang Unibersidad ng tatlong Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan—Bienvenido Lumbera, F. Sionil Jose at ang namayapang sina Cirilo Bautista at Rolando Tinio.

Tunay na nakasasabik malaman na may kakayahan ang Unibersidad na tumanggap ng mga mag-aaral para sa bagong programang ito at humubog ng mga maaaring sumunod sa yapak ng mga manunulat na malaki ang naiambag pagdating sa panitikan ng bansa.

Sa kabilang banda, kaakibat ng pag-alok ng programa ay ang pagdagdag ng populasiyon ng mga mag-aaral sa Artlets. Mangangailangan ito ng karadagang pasilidad at silid na magsisilbing lugar ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Marahil ay hindi na bago ang isyung ito. Mula nakaraang taon, maraming problema pa rin ang kinaharap ng Artlets pagdating sa kulang silid at mga pasilidad.

Noong 2014, may mga klase ng mga mag-aaral sa ikatlo at ikaapat na taon ang umukopa ng mga silid-aralan sa noo’y katatapos lang na gusaling Buenaventura G. Paredes O.P.
Ngunit sa paglunsad ng Senior High School, napilitan bumalik ang mga klaseng ito sa gusaling St. Raymund de Peñafort. Bunga nito, may mga kinailangan magdaos ng mga klase sa mga silid ng Tan Yan Kee (TYK) Student Center at Thomas Aquinas Research Complex.

Sa isa sa mga kurso namin noong nakaraang semestre, naranasan namin ang paggamit ng isa sa mga silid sa ikaapat na palapag ng TYK. Nagsilbi itong silid namin sa buong semestre, at napilitan kaming magtiis sa mainit at masikip na espasyo na iyon habang nagsasagawa ng talakayan, pagsusulit at iba pang mga gawain. Naging mahirap din sa amin ang paglipat mula sa silid na iyon sa TYK at sa silid ng aming susunod na kurso sa St. Raymund’s.

Bukod pa sa pagdaraos ng mga klase sa ibang gusali, madalas din na may mga nakakanselang mga klase sa Artlets sanhi ng paggamit ng mga silid para sa mga pagpupulong at ibang mahahalagang gawain at pagdiriwang. Ang mga kanselasiyon naman na ito ay kabilang sa mga nagiging dahilan kung bakit hindi natatapos o naaantala ang pagtalakay ng ilang mga aralin.

Sa 13 na programa, tumanggap ngayong taon ang Fakultad ng 1, 299 (bilang matapos ang taunang Thomasian Welcome Walk) na mag-aaral para sa unang taon—higit na mas marami ng 190 kumpara sa naunang batch na dumaan sa K to 12 program.
Itinayo ang gusaling St. Raymund de Penafort noong 1955. Nagsilbi na itong tahanan ng Artlets mula pa noong pagsasama ng noo’y Faculty of Philosophy and Letters at ng College of Liberal Arts noong 1964.

Sa pag-abot nito ng 54 na taon, kailangan tumugon ng Fakultad sa hamon ng pagbabago at pagdami ng populasyon nito. Sapagkat, nagiging hamon para sa mag-aaral ang pagtutuon ng pansin sa mga aralin dahil sa mga kulang at hindi maayos na mga silid at pasilidad.

Walang masama sa pag-alok ng Fakultad ng mga bagong programa. Huwag lang sanang kalimutan ang katotohanang mahalagang sukatan ng kalidad ng edukasyon ang pasilidad na mayroon ang mga unibersidad at kolehiyo.

Ang hamon para sa Artlets ay tugunan ang patuloy na idinadaing ng mga mag-aaral—ang pagkakaroon ng sapat at kaaya-ayang mga silid at pasilidad.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.