Ang patuloy na paglaban at paninindigan

0
1966

SA MGA polisiyang ipinatutupad nito, lantarang ipinakikita ng administrasyong Duterte ang kawalang pakialam nito sa kapakanan ng mga kabataan. Sa kabila nito, mas kinakailangang magpakatatag at patuloy na manindigan ang mga kabataan para sa tama at sa katotohanan.

Tatlong taon mula nang maluklok ang pangulo, patuloy ang pagdanak ng dugo ng mga napapatay sa laban kontra iligal na droga. Patuloy ang pagkadamay ng mga menor de edad tulad ni Kian Loyd de los Santos at iba pang mga kabataan na direksyon ang kinakailangan at hindi balang ibinabaon ng kapulisan sa kanilang mga katawan.

Sa katatapos na halalan, nakagugulat ang harap-harapang garapalan sa pulitika sa pagkapanalo ng “Duterte Youth” bilang isang party-list group sa Kongreso.

Sino naman kaya ang kinakatawan nito, gayong hindi naman bulag ang kabataan sa mga aksyong ginagawa ng pamahalaan? Sila ay mulat sa patuloy na kawalan ng katarungan sa lipunan at kani-kanilang mga pamantasan. Ang tanging kinakatawan ng Duterte Youth ay ang mga pilit na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa hinaing ng mga mahihirap at naaapi ng pasistang estado na pinamumunuan ni Duterte.

Bukod pa rito, ang Duterte Youth ay pinangungunahan ng dating tagapangulo ng National Youth Commission na si Ronald Cardema. Kanyang pilit dine-depensahan ang mga polisiya ng kaniyang pangulo at sumuporta pa nga sa pagpapabiling sa dating diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Isang bahid sa reputasyon ng mga kabataan na sila at katawanin ng Duterte Youth, isang grupong pinaglalaban lamang ang kagustuhan ng kanilang sinasambang diyos at tagapagligtas na si Duterte.

Ang grupong ito ay walang imik sa mga buhay ng kabataan na nalalagas sa “Tokhang” ni Duterte, sa mga kabataang nauulila dahil napagbibintangan ang kanilang mga magulang, at sa mga kabataang nais ipakulong ng estado sa pagbababa ng edad ng criminal responsibility sa bansa.

Nakaatang sa mga nakatatanda ang responsibilidad na gabayan ang mga kabataan nang hindi sila malihis ng landas na tinatahak sa buhay. Tulad na nga ng kasabihan, ang ginagawa ng matatanda ay nagiging tama sa mata ng mga bata. Kaya naman dapat mas magsumikap din ang nakatatandang henerasyon na mag-iwan ng tamang ehemplo sa mga pag-asa ng bayan.
Tulad ng lipunang Filipino, hindi rin nawawala ang mga kaso ng kawalang hustisya sa Unibersidad.

Kasama na rito ang kaso ni Hannah Rondilla, isang freshman mula sa College of Education na pinatawan ng parusang suspensyon sa pagsubok niyang mag-organisa ng isang samahan ng mga organisasyon sa Unibersidad at ng diskurso sa mga isyung panlipunan tulad na lang ng pagbaba ng edad ng criminal responsibility.

Hindi nabigyan ng patas na proseso ang mag-aaral dahil walang nakadalong magulang at abogado sa pagdinig na ginanap sa Student Welfare and Development Board ng kaniyang kolehiyo, kahit na pinakiusapan niya ang administrasyon na bigyan pa siya ng panahon upang siya ay maikakatawan ng maayos.

‘Di naman makalilimutan na noong nakaraang taon ay kinailangan pang magkaroon ng pangalawang kaso ng pisikal na pang-aabuso laban sa mag-aaral mula sa College of Science na si Kyle Viray, upang siya ay mapatalsik sa Unibersidad.

Sa kasalukuyan naman, suspendido pa rin ang mga operasyon ng mga fraternities at sororities sa Unibersidad sa bisa ng isang utos mula sa Office for Student Affairs matapos ang pagkamatay ng Civil Law freshman na si Horacio “Atio” Castillo III mula sa hazing sa kamay ng Aegis Juris Fraternity.

Umalma na ang mga samahan mula sa Faculty of Medicine and Surgery dahil hindi na nito maipagpatuloy ang medical missions nito sa pagsunod sa nasabing suspensyon. Isa rin itong halimbawa ng kawalan ng hustisya, dahil nadamay ang mga fraternities na sumusunod sa mga alituntunin ng Unibersidad at tumutulong pa nga sa kapuwa. Ang kailangan ng kabataan ay paggabay, at hindi paghihigpit.

Panahon na para matigil ang nangyayaring pagbubulag-bulagan sa mga sumusubok “magrepresenta” sa mga kabataan sa ating bansa.

Hindi pa huli ang lahat para bawiin ang sira nating bansa ngunit magsisimula lamang ito kung tayo mismo ang gagalaw at kokontra sa mga nakikita nating kasamaan sa paligid.
Maaari nating matawag ang sarili natin na “woke” o may sapat na kaalaman sa mga nangyayaring hindi maganda sa ating kapaligiran ngunit dapat may aksyon din na kailangang gawin para hindi masayang ang kaalaman na ito.

***

Lubos akong nagpapasalamat sa Varsitarian dahil kung hindi rito ay hindi ako mamumulat sa mga dinaranas na pagsubok ng kabataang Filipino sa lipunan, lalo na’t kung aamin ay wala akong masyadong interes noon sa mga ganitong bagay.

Dahil sa ‘V,’ nabigyan ako ng pagkakataong makapagsulat ng mga balitang maaaring nakapagmulat sa kabataang Tomasino sa kung ano ang dapat ipaglaban at ipanindigan.

Ang pananatili ko sa opisyal na pahayagang pang mag-aaral ng Unibersidad ay isang malaking parte ng buhay ko na lagi kong tatanawin na puno ng pasasalamat.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.