Ang magmulat sa pag-uulat

0
1126

NAKALULUNGKOT. Siguro mas tama ang salitang nakakatakot. Nakakatakot mang balikan, Agosto noong nakaraang dalawang taon ay narinig o nabasa ng bayan ang dalawang sa pinakakontrobersyal na balita sa madugong gyera laban sa ilegal na droga ng kasalukuyang administrasiyon.

Dalawang taon na ang nakalilipas nang pumutok ang balita tungkol sa pagkamatay ni Kian de los Santos, isa sa mga pinaka pinag-usapang biktima ng extrajudicial killings o EJK na nag-ugat sa war on drugs. Kasabay rin nito ang balitang “one time, big time” province-wide police operation sa Bulacan kung saan nakapagtala ang Philippine National Police ng 32 patay sa loob lamang ng bente-kwatro oras na operasyon. 

Ang balita sa pagkamatay ni Kian, isang menor de edad, ay nagpamulat sa marami sa kung gaano nga ba kalaki ang butas at ang problemang dulot ng bara-barang pagpatay ng mga pulis sa kung sino man ang mapagbintangang tulak ng ilegal na droga. Samantala, ang balita naman sa Bulacan kung saan 32 ang patay sa magkakasunod na 66 police operations sa iisang araw ay nagbigay-daan para tingnan ng mundo ang sitwasyon ng bansa sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Ganitong klaseng mga ulat ang nagpapamulat sa mga mamamayan sa kung ano nga ba ang tunay na sitwasyon ng ating bansa. Sa panahon kung kalian talamak na ang mga peke o minamanipulang istorya, kailangan pa lalong paigtingin ng mga peryodista ang pagpapatibay ng demokrasya sa pamamagitan ng paghahatid ng wasto at makatarungang balita.

Ngunit habang tumatagal ang gyera kontra droga ng administrasyong Duterte ay tila nananawa na ang mga mamamahayag sa araw-araw na pagbabalita ng mga biktima ng EJK. Dahil sa pauilit-ulit na kwento, kung saan dumidipensa ang pulisya at sinasabing nanlaban daw ang kanilang target at dinidipensahan lamang umano nila ang kanilang sarili, ay tila paulit-ulit na lamang din ang balita sa diyaryo, online o TV: Pinaghihinalaang tulak ng droga, patay.

Dahil sa nasasanay na ang bayan sa patayan ay tinitingnan na lamang ang mga biktima ng EJK bilang statistics at sinasabi na lamang sa balita kung ilan ang namatay at saan napapatay ang mga ito. Ngunit hindi dapat natatapos sa numero ang kwento — may buhay na nawala, may pamilyang naulila.

Hindi dapat nananawa ang mga peryodista sa paulit-ulit na pagbabalita ng patayan sa bansa, hindi dapat mapagod ang mga mamamahayag sa patuloy na paghahanap at pagbabalita sa totoong kwento sa likod ng mga numero, dahil ang pag-uulat ang magmumulat sa publiko na hindi normal ang pagpatay at hindi dapat masanay ang bayan sa patayan.

Hindi man ito maintindihan ng lahat, ganito kahalaga ang papel na ginagampanan ng peryodismo sa pagpapatakbo ng demokrasya kaya’t mataas ang pagtingin ko sa mga mamamahayag na patuloy na ginagampanan nang masigasig at tapat ang kanilang bokasiyon.

Sa hirap ng landas na tinatahak ng mga mamamahayag, napakainam na mayroong mga platapormang humuhubog sa kabataang nagnanais tahakin ang mundo ng pagbabalita, at sa mahigit siyam na dekadang pagsisilbi ng The Varsitarian sa Unibersidad, maswerte akong napabilang ako sa piling mga estudyanteng minulat ng ‘V’ sa realidad ng pagbabalita at maswerteng tinuran kung paano mag-ulat para sa Unibersidad at magmulat ng mga kapwa Tomasino sa mga napapanahong isyu.

Sabi nga ni Manuel Mogato, isang Filipinong mamamahayag na naparangalan ng prestihiyosong Pulitzer Prize for International Reporting dahil sa kaniyang istorya patungkol sa mga nangyaring patayan sa bansa nang magsimula ang war on drugs, “Journalism is at its purest in the campuses.” At dahil sa karanasan ko sa ‘V’, ako ay lubos na naniniwala dito.

Sa pahayagang ito ko nakilala ang mga taong handang ialay ang sarili para lamang sa pagbabalita, ang mga taong hindi nadadala sa takot o hindi napanghihinaan ng loob sa tuwing may kinahaharap na problema, at ang mga taong handang lumaban bitbit lamang ang prinsipyo at matinding respeto sa peryodismo.

At sa pagtahak namin sa mas matinding mundo ng pamamahayag sa labas ng Unibersidad ay hindi namin makalimutan ang lahat ng aral na natutuhan sa Varsitarian at mas mapaigting pa ito habang pinagsisilbihan ang bayan sa iba’t ibang plataporma ng peryodismo.

Salamat sa pagmamahal at pagtitiwala. Minsan, mananatili.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.