Hinirang na salita ng taon ang “selfie” sa Sawikaan 14, ang kumperensiya ng Filipinas Institute of Translation (FIT) bilang isang masinsinang talakyan na naglalayong maitanghal ang pinakanatatanging salitang namayani sa diskurso ng sambayanan sa nakalipas na taon. Idinaos ang kumperensiya noong ika-25 hanggang ika-27 ng Setyembre sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, University of the Philippines – Diliman.

Ang salita ay lahok nina Jose Javier Reyes, propesor sa De La Salle University, at Noel Ferrer, propesor sa Ateneo De Manila University, sa kanilang papel na pinamagatang “Selfie-selfie ‘Pag May Time: Ang Kultura ng Selfie, ang Selfie sa Kulturang Filipino.”

Ang selfie ang tawag sa pagkuha ng isang tao ng retrato ng kaniyang sarili sa harap ng salamin o sa pamamagitan ng isang smartphone o webcam at karaniwang pinamamahagi (“upload”) sa isang social media website.

Bagaman unang nabanggit ang salitang selfie noong 2002, bago pa man nagkaroon ng Facebook, popular na ang pamamahagi ng mga sariling kuha ng larawan sa MySpace.

Ayon kay Reyes, malaki ang naging gampanin ng teknolohiya sa pag-usbong ng salitang selfie nang maimbento ang mga mobile photo applications tulad ng Instagram at ng Visual Supply Co.

“Ang pagpapakilala sa merkado ng mga smartphones na may kakabit nang kamera ang sadyang nag-angat sa selfie sa kasikatan,” aniya.

Narsisismo

Sa isang banda, nabibigyan ng “sense of empowerment” ang mga tao na ibahagi ang kanilang sense of aesthetics sa iba sa pamamagitan ng selfie.

“Ang selfie bilang isang photography ay nagbibigay ng kontrol sa taong nagse-selfie dahil may kakayahan siyang pumili ng larawang gusto niyang ibahagi at piliin din ang hitsura niya sa larawang kaniyang napili,” ani Ferrer.

READ
Sining bilang pasismo

Sa kabilang banda naman, maituturing na isang kabalintunaan ang konsepto ng selfie sapagkat kasabay ng pagkonekta sa publiko sa pamamagitan ng social media ang pagkadiskonekta sa publiko ng taong gumon sa selfie.

“Kadalasang wala nang paki-alam ang kumukuha ng sariling larawan sa mga taong kasama niya o sa mga nangyayari sa kaniyang paligid,” anina Reyes at Ferrer.

Dagdag pa nito, isinawalat ni Reyes na isang matingkad na manipestasyon ng kultura ng narsisismo o ang labis na paghanga sa sariling katangian ang pagse-selfie. Pagsasalaysay niya minsan nang winika ni Bishop Teodoro Bacani na ang narsisismo ang kulturang nagsusulong ng pagkamakasarili.

“Ang narsisistang kultura ay iyong bawat gawain at ugnayan ay nakabatay sa pangangailangang magtamasa ng mga simbolo ng yaman at kapangyarihan. Sa ganitong lipunan, ang kompetisyon ay walang katapusan,” giit ni Reyes.

Sa kabila nito, malaki rin ang naiaambag ng selfie sa pagtatampok ng mga propesyon at negosyo, sa pagbabalita at sa pagsulong ng mga partikular na isyu o galaw ng pulso ng bayan sa tulong ng social media.

‘Selfie capital’

Ayon sa isang artikulong inilabas ng Time Magazine noong Marso, nangunguna ang Filipinas sa larangan nang pagkuha ng selfie.

Nagtala ang bansa ng may pinakamaraming selfie sa buong mundo na aabot sa 4,155 na mga selfie ng 2,915 na mga taong gumagamit ng mga gadget tulad ng camera, smartphone at iba pa.

Pagpapaliwanag ni Ferrer, naging instrumental ang paglaganap ng reality shows sa telebisyon sa paglakas ng kultura ng selfie.

“Lahat na siguro tayo ay nangarap maging isang artista o star ng kani-kaniya nating buhay. Sa pamamagitan ng pagse-selfie, naipapakita natin na kahit papaano, tayo mismo ang bida, kumbaga nais nating maging kilala ng tao,” aniya.

READ
GenEd dept's to transfer to Artlets, Education

Pinaalalahanan din niya ang mga Filipino na higit na unawain ang konsepto ng selfie lalo na ang mga bunga nito sa kanilang pagkatao.

“Bagaman ang selfie ay nagpapahiwatig ng mga di-kanais-nais sa kultura ng ating henerasyon—pagiging indibidwalistiko, narsisismo, konsumerismo—lalong higit na kailangang unawain at angkinin ang salita upang magkaroon ng kritikal na kamalayan ang mga Filipino sa hatid na panganib at pangako, pinsala at posibilidad ng salitang ito,” paglilinaw ni Reyes.

Dinamismo

Idinaos ang Sawikaan 2014 sa pangunguna ng FIT at kaisa ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), National Commission for Culture and the Arts , Kolehiyo ng Arte at Literatura, Commission on Higher Education, at Department of Education.

Naniniwala ang FIT at KWF na ang paglulunsad ng Sawikaan kada-dalawang taon ay isang malikhain at mabisang pamamaraan upang mapatampok ang dinamismo ng wikang Filipino.

Maaaring inomina para sa salita ng taon ang mga salitang bagong imbento, bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika, luma ngunit may bagong kahulugan o patay na salitang muling binuhay.

Ayon kay Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining at tagapangulo ng KWF, bagaman hindi purong Filipino at maaaring kolokyal na mga salita ang itinatanghal sa Sawikaan, masasabing hango pa rin ito sa mga pangyayaring tunay na nakaaapekto sa kamalayan ng mga Filipino.

"Marami sa mga nominadong salita ay bunga ng pangyayari na masyadong naapektuhan ang ating consciousness," aniya.

Ilan sa mga salitang itinampok ang salitang “Endo” nina David Michael San Juan at John Kelvin Briones na nagkamit ng ikalawang gantimpala habang ikatlong gantimpala naman ang salitang “Filipinas” ni Rebecca Añonuevo-Cuñada.

READ
Museum displays rich history of UST Medicine

Kabilang din sa mga nominadong ang “Bossing” ni Frederick Perez, “CCTV” ni Christoffer Mitch Cerda, “Hashtag” ni Mark Angeles, “Imba” ni Xavier Roel Alvaran, “Kalakal” ni Christine Maria Magpile, “PDAF” ni Jonathan Vergara Geronimo, “Peg” ni Jethro Tenorio, “Riding-in-tandem” ni Joselito de los Reyes, “Storm Surge” ni Carlo Arcilla na ipinirisinta ni Roy Rene Cagalingan at “Whistle Blower” ni John Enrico Torralba. Maria Koreena M. Eslava at Kimberly Joy V. Naparan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.