ISANG tanyag na direktor at Tomasino, si Cesar Hernando ang naglunsad ng eksibisyon ng kaniyang mga litrato na pinamagatang Mula sa Mga Aninong Gumagalaw: Behind The Scenes 1971-2001 sa Bulwagang Fernando Amorsolo ng Cultural Center of the Philippines (CCP) mula Hulyo 15 hanggang Agosto 28.
Ang exhibit ay nagpakita ng 31 na retratong kinuha mismo ni Hernando sa loob ng tatlong dekadang pagtatrabaho niya sa likod ng kamera.
Ang koleksyon ay mula sa taong 1971 nang nagtrabaho si Hernando bilang assistant director kay National Artist for Cinema Ishmael Bernal sa kanyang debut film na “Pagdating sa Dulo,” hanggang sa taong 2001.
Ipinakita sa isang larawan mula sa “Kung Mangarap Ka’t Magising (1977)” ang aktres na si Hilda Koronel na tumitingin sa salamin at nag-aayos habang naghihintay sa kanyang eksena. Makikita sa likod niya ang kaakit-akit na kapaligiran ng Sagada sa Mt. Province.
Samantala, si Bing Pimentel naman ay nakunang nakaupo sa isang marangyang kama at gumagawa ng kaniyang takdang aralin habang nagpapahinga sa set ng pelikula ni Mike de Leon, ang “Ako Batch ’81 (1982).” Ipinakita naman sa isang imahe si Johnny Delgado na naka-pormal na damit sa gitna ng matinding init ng panahon sa Pampanga noong ginagawa ang “Aliwan Paradise (1992).”
Mula naman sa “Bayaning Third World (2000)” ay isang retrato ni Nor Domingo na gumanap bilang Jose Rizal. Dito makikitang umiidlip ang aktor habang nakagapos pa rin ang kaniyang mga kamay.
Samantala, ang mga aktres naman na sina Vilma Santos at Laurice Guillen ay makikitang naghahanda sa set ng pelikulang “Sister Stella L (1984),” kung saan si Santos ay may hawak na clapperboard habang nakangiti sa kamera at si Guillen naman ay tila may ibang iniisip at nakatingin sa ibang lugar.
Ang isang eksena ni Vilma Santos habang kahalikan si Joey Marquez sa ilalim ng artipisyal na ulan ay makikita habang inire-rekord ito ng cameraman na si Ely Cruz. Ito ay mula sa pelikula ni Maryo de los Reyes na “Tagos ng Dugo (1987).”
Nagtapos ng Bachelor of Fine Arts, unti-unting nakilala si Hernandez sa pagkamit ng mga gantimpala sa larangan ng pinilakang tabing, maging mainstream man o independent. Gumawa rin siya ng mga maiikling feature films gaya ng “Maalinsangan ang Gabi (1993),” “Motorsiklo (2001),” at “Kagat ng Dilim (2006).”
Maliban sa pagiging isang artist at photographer, si Hernando ay isa ring graphic designer at propesor sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas.