Ganito ako pinalaki ng ‘V’

0
814

DALAWANG taon na ang lumipas noong sinubukan kong maging manunulat ng Varsitarian at ang unang pagkakamali ko ay ang pag-aakalang pagsusulat lamang ang ginagawa rito. Higit pa pala roon ang trabaho ko at higit pa sa kasanayan sa pagsusulat ang natutuhan ko. 

Pumasok ako nang walang ibang bitbit kung hindi ang tiwala sa sarili ngunit wala pang isang buwan ay napuno na ako agad ng pagdududa kung kaya ko ba talaga. 

Naramdaman kong walang-wala ako kung ikukumpara sa lahat ng mga kasama kong hamak na mas magagaling at mas may mga kasanayan sa pagsusulat.

Pero sadyang may kakayahan ang ‘V’ para ipaintinding ang pagdududa ay hindi kahinaan, bagkus isang oportunidad upang magpakumbaba at amining hindi mo alam lahat.

Pinalaki ako ng ‘V’ bilang isang manunulat na marunong tumanggap ng kritisismo mula sa iba, na ang tunay na magaling na manunulat ay nakikinig sa mga payo at pagpuna ng kanyang mga kapwa manunulat.

Tinulungan ako nitong mas maging mulat sa katotohanan ng buhay at tunay na takbo ng realidad sa mundo. Sinagip ako ng ‘V’ sa kamangmangan ko at kawalang-malasakit sa lipunan at sa ibang tao. Sa pakikisalamuha ko sa ibat-ibang mag-aaral mula sa ibat ibang kolehiyo, natutuhan ko kung paano makisama at makibagay.

Pinalaki ako ng institusyong ito bilang isang taong hindi marunong sumuko. Lumaki ako na “hindi puwedeng hindi puwede” at “lahat ng bagay ay ginagawan ng paraan.” Walang lugar dito ang mga walang kapararakan na palusot at mahihinang loob. 

Higit sa pagiging isang newsroom o opisina, tahanan ito para sa mga batang gustong matuto, matitibay ang loob at handang mag-sakripisiyo.

Tinuruan ako nito kung paano panindigan ang mga responsibilidad na nakakabit sa pagiging miyembro ng Varsitarian.

Natuto akong huwag iwanan ang trabaho at magbigay ng higit pa sa hinihingi. Ang mga katagang “kung walang gagawa, ako na” ang naging prinsipyo ng bawat miyembro para walang trabahong hindi magagawa.

Tunay na trabahong maituturing ang mga responsibilidad sa ‘V’ at hindi biro ang pagsabayin ang pag-aaral at ang pagiging isang staffer. Tinaya ko rito ang oras, pagod, luha at lahat ng natutuhan ko at talagang sinubukan nito ang kakayahan at pasensiya ko, pero sigurado akong hindi ako nagsisising tumaya ako. 

Marami akong isinakripisyo noong paulit-ulit kong piniling manatili rito, tulad ng oras sa pamilya at sarili, ngunit alam kong wala ako pinagsisisihan dahil dito ko natutunan kung paano makita ang mga bagay na nararapat ipaglaban.

Utang ko sa ‘V’ ang mga natutuhan ko tungkol sa sarili ko noong una nito akong pagkatiwalaan. Nang dahil dito, marami akong nagawang mga bagay na hindi ko aakalaing kaya ko palang gawin. 

Tinuruan ako nito kung paano hindi magpadaig sa pagdududa at magpalugmok sa sariling lungkot. Kasama ng trabaho ang pag-iyak, pero hindi kasama ng trabaho ang pagsuko.

Hiram lamang ang oras at bilang ang mga araw ko ngunit alam kong marami akong babaunin na aral mula sa dalawang taong pagsusulat at pagiging miyembro ng ‘V.’

Bilang huling pagkakataon ko na ito, nais kong pasalamatan ang mga taong naging kaagapay sa paglalakbay na ito:

Kina G. Joselito Zulueta, G. Felipe Salvosa at G. Christian Esguerra, sa walang sawang paggabay at pagtulong sa aming mga naghahangad na maging mga manunulat. Lahat ng aral ay aming babaunin sa aming pagsabak sa totoong mundo ng peryodismo.

Sa aking mga magulang, hindi ko mararanasang maging bahagi ng ‘V’ kung hindi dahil sa hindi natitinag na suportang ibinigay niyo lalo na noong pinili kong pasukin ang magulong mundo ng pamamahayag. Atin ang tagumpay na ito.

Sa aking mga kaibigan, matagal na siguro akong sumuko kung hindi dahil sa inyo. Sa mga pagkakataong pinanghinaan ako ng loob, sa mga araw na naramdaman kong parang pasan ko ang bigat ng mundo, salamat sa hindi pag-iwan. Utang ko sa inyo ang mga masasayang araw ko sa ‘V.’

At panghuli, sa Varsitarian, laging magiging kulang ang pasasalamat sa tiwala, sa pagiging tahanan sa dalawang taon at sa mga espasyong inilaan mo para sa lahat ng gusto kong sabihin. Ikaw, lagi’t lagi. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.