NINAKAWAN ng mga dayuhan ng katauhan at kayamanan ang Filipinas noong World War 2. Panahon naman ng Martial Law, muling ninakawan at ibinaon pa sa utang ang mga Filipino ng isang “mautak” na diktador.
Ngayon nama’y hinaharap natin ang isa pang uri ng magnanakaw—ang dakilang kawatan ng konsiyensya na hindi lamang kumukunsinti sa mga kurakot na opisyales at mga dayuhang nais makinabang sa likas na yaman ng bansa, kundi harap-harapang gumagawa ng taliwas sa sensibilidad ng isang matinong tao.
Marahil, ang tanging kayamanang di mananakaw sa atin bilang mga Filipino ay ang ating kultura. Subalit mahirap kilanlin ang sariling kultura sa kasalukuyang panahon kung saan nangingibabaw ang layunin ng globalization. Ang buong pang-unawa ng mga tao, lalo na ng kabataan, ay gayahin kung anuman ang uso sa ibang bansa.
Hindi naman ito masama. Sa katunayan, kailangang matutong tumingin at makibagay sa kasalukuyang panahon – ito ay layunin ding masigasig na sinikap kamtin ng “pambansang bayaning Filipino” na si Gat. Jose Rizal, isang espesyalista sa mata, inhinyero, pintor at atleta, at bukod pa roon, isang makabayang manunulat na kinilala at hinangaan sa buong mundo.
Ngunit si Rizal ‘din ang nagsabi na “ang hindi marunong magmahal ng sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.” Bagama’t marami tayong napupulot at natututuhan sa pagsisikap nating pumantay sa kung anumang nakikita natin sa ibang bansa, mahalaga pa ring simulan ang pakikinig sa sariling kultura. Ang ating wika ang kaluluwa ng ating kultura. Sa pagmamahal natin sa sarili nating wika, inilalapit tayo sa pag-unawa sa sarili nating kultura.
Ano ba ang kulturang Filipino?
Ito ba ay ang kulturang makikita natin sa mga katutubo at mga lumad lamang?
Sa larangan ng musika, maraming iskolar ang magsasabi na ang musikang nauukol sa mga katutubo ng bawa’t rehiyon, ang mga musikang ginagamit sa mga seremonya at rituwal, ay ang orihinal na musikang Filipino.
Isang departamento sa kolehiyo ng musika ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ang nagpapakadlubhasa sa pag-aaral ng musikang katutubo.
Dapat lamang nating pag-aralan ang mga ito, ngunit ang kabuuan ng musikang Filipino ay higit na mas malawak dito. Sa higit tatlong-daang taong kolonisasyon sa atin ng España, ang musika ng Filipinas ay nahaluan ng mga musikang uso sa Europa.
Isa sa pinaka-sikat na pinagdedebatehan ay kung Filipino nga ba ang kundiman, isang uri ng awiting romantikong napulot ng mga Filipino sa mga Kastila sa panahong sinakop ng Espanya ang Filipinas. Hindi naman maitatanggi na mayrong mga pagkakatulad ang kundiman sa ritmiko at istraktura ng mga katutubong musika o sayaw ng mga Kastila, gaya ng mga pandangguhan, valse at iba pang sayaw na galing sa Europa.
Ngunit ang kundiman, base sa mga bagong pag-aaral, ay nanggaling sa isang awiting matatagpuan sa mga lugar sa tabing-ilog ng Pasig – ang tawag dito ay “Kumintang.” Sa mga awiting Tagalog mahahanap ang ugat ng kundiman. Ito ay kinakanta ng mga dalaga sa katagalugan para sa mga naglalakbay sa ilog Pasig, o kaya para lamang sa kanilang katuwaan. Ang kundiman ay hindi purong Filipino ngunit ito’y naging bahagi na ng ating kultura.
Sa kasalukuyang panahon naman ay pinagdedebatihan kung ano ang tunay na OPM – ito ba’y nabuhay lamang sa mga tugtugan noong 1970s at 80s katulad ng mga awitin ng bandang “Hotdog” at “Asin,” o kaya mga kanta ng folk singers na sina Florante at Freddie Aguilar? Hindi na ba OPM ang mga kinakanta ngayon tulad ng mga awitin ng “Maybe the Night” ng folk-pop na bandang Ben&Ben o ang “Buwan” ni Juan Carlos Labajo?
Bilang isang mag-aaral ng musika, naniniwala akong ang mga awitin at musikang naglalaman ng sentimiyento at karanasang Filipino ay bahagi ng kabuuan ng musikang Filipino, gaya rin ng musikang katutubo. Mahaluan man ang mga ito ng “dating” na dayuhan, katanggap-tanggap pa rin ito bilang Filipino.
Ang ating musika, tulad ng iba pang aspekto ng ating kultura, ay patuloy na nililikha ng iba’t-ibang Filipino– ito’y uusbong at yayaman habang patuloy ang mga lumilikha. Buhay ang kultura, at ang mga mamamayan ang nagdadala at nagbibigay-hugis sa kani-kanilang mga kultura. Bunga ito ng kanilang mga karanasan at pagmumuni-muni sa buhay. Kung ang wika ang kaluluwa ng ating kultura, kultura naman ang kaluluwa ng ating pagkatao.
Dapat nating patatagin ang ating pang-unawa sa ating sariling kultura, lalo na’t nahaharap tayong muli sa ibat-ibang uri ng magnanakaw –lalo’t higit sa mga magnanakaw ng kaluluwa na nagbabalatkayong kaibigan o di kaya’y…presidente.
Bago ako matapos, nais ko lamang magpasalamat sa lahat ng mga gumabay sa akin sa aking pagpupumilit na magsulat, sa wikang Ingles man o Filipino; sa Varsitarian at sa lahat ng mga nakilala ko dito, kina Sir Lito, Sir Ipe at iba pang mga advisers, kina Deips at Klimier, at sa seksyong Mulinyo at sa mga manunulat nitong sina Kat, Jayce, Bea at Neil. Isama ko na rin sa buong staff; marami akong napulot sa inyong lahat.
Labis akong nagpapasalamat sa aking mga magulang na hindi ipinagkait sa akin ang mga natutuhan nila sa pagmumuni-muni’t pagdanas nila sa buhay – siguro’y nairaos ko ang column na ito dahil sa inyo, at dahil sa inyo’y patuloy kong hahanapin ang aking lugar bilang alagad ng sining.