TULAD ng naging pakay ng pagbisita ng Santo Papa Juan Pablo II noong 1995, iikot din sa kabataan ang pagdalaw ni Papa Francisco lalo pa’t ipagdiriwang ang ika-20 anibersaryo ng World Youth Day (WYD) sa kaniyang pagdating.

Makalipas ang 14 na taon mula noong 1981, dumalaw muli sa Filipinas si Juan Pablo II upang makasama ang mga kabataan mula sa ibat-ibang panig ng mundo sa pagdiriwang ng ika-10 WYD kasabay ng panlimang International Youth Forum (IYF) noong Enero 12-16, 1995.

Noong Enero 15, 1995, idinaos sa Rizal Park ang huling Misa, kung saan itinalaga ng Papa ang mga kabataan ayon sa tema ng WYD: “As the Father sent me, so am I sending you.” Limang milyong tao ang dumalo, halos mga kabataan. `Di naglao’y nagtala ito ng world record na pinakamalaking pagtitipon sa kasaysayan.

Hindi magkamayaw ang mga taong dumalo upang makiisa sa hangarin ng pagdiriwang, lalo na ang mga kabataan. “The largest mission land of the world is in need of workers, and the Church constantly prays the Lord of the harvest to send them, to send us, to send you,” wika ng Papa sa Rizal Park.

Matapos niyang mabisita ang Pangulong Fidel Ramos sa Malacañang, nagpunta siya at ang 233 na delegado ng International Youth Forum sa Central Seminary Chapel.

Nagkaroon ng Misa noong Enero 13, 1995 sa UST Seminary Chapel na naging eksklusibo sa mga delegado ng IYF. Matapos ang Misa, nagbigay ng talumpati ang Santo Papa sa 200,000 na estudyante at propesor sa UST Grandstand at Parade Grounds.

Nagmula sa halos 100 na iba’t ibang bansa katulad ng Bosnia, Egypt, India, Lithunia, Ukraine, Cuba, Zaire, at Sudan ang mga kabataang dumalo na may gulang na 13-39.

Nagkaroon ng dalawang kinatawan ang bawat bansa o organisasyon na inimbitahan ng Pontifical Council for the Laity, maliban sa Filipinas na nagkaroon ng walong delegado.

Pinangunahan ng IYF ang WYD kung saan ibinahagi ng mga delegado ang kanilang mga karanasan at mga istorya ng pananampalataya sa kontemporaryong mundo.

Naging tagapangulo ng forum ang noo’y rektor P. Rolando de la Rosa, O.P. at chief operating officer naman si Prop. Giovanna Fontanilla ng Public Alumni Affairs Office. Dahil naiintindihan pa rin ang nais ipabatid kahit hindi pare-pareho ang wika, inihalintulad ni De la Rosa ang forum sa “Tower of Babel” at “Miracle of Tongues.”

Sa naganap na IYF, nakausap ng mga piling delagado ang Papa at personal na nakatanggap ng komunyon sa kanya. Erika Mariz S. Cunanan

Mga Sanggunian:

The Varsitarian Archives Tomo LXVIBlg. 8, November 29, 1994

The Varsitarian Archives Tomo LXVI Blg. 11, January 23, 1995

Nakuha 2014 mulasahttp://papalvisit.ph/past-papal-visits/

Nakuha 2014 mulasa http://triviamatters.blogspot.com/2014/12/popes-visits-philippines.html

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.