‘Pilipinong’ bersiyon ng pederalismo, isinulong

0
3137

 

IMINUNGKAHI ng isang dating senador ang pagkilala sa katutubong kultura sa pagsulong ng administrasiyong Duterte sa pederalismo bilang bagong sistema ng pamahalaan.

Iginiit ni Aquilino “Nene” Pimentel Jr. na dapat magkaroon ng “sariling bersiyon” ng pederalismo ang bansa batay sa kultura ng bawat rehiyon.

Paliwanag niya, magsisilbing batayan lamang ang ilang “bahagi” ng pederalismong umiiral sa Estados Unidos at iilang bansa sa Europa sa pagbuo ng Pilipinas ng sarili nitong sistema.

“Let us get the best features of federalism in countries like US and Europe and apply them to our own situation. Let us not copy for the sake of copying,” sabi ni Pimentel sa Varsitarian matapos ang “Federalism in Focus,” isang panayam sa ABS-CBN News Channel (ANC), ika-24 ng Agosto.

Dagdag pa ni Pimentel, dating pangulo ng Senado at isang masugid na tagapagtaguyod ng pederalismo sa bansa, matutugunan ng panukalang sistema ang mga suliraning pangkapayapaang gumugulo sa Mindanao.
Pagbabago sa Konstitusiyon

Ayon kay Francisco Magno, pangulo ng Philippine Political Science Association, kinakailangang baguhin ang Konstitusiyon bago maisakatuparan ang pag-iral ng pederalismo sa bansa.

“Constitutional change is an important mechanism for the establishment of a federal state,” ani Magno.

Tumutol naman si Harry Roque, kinatawan ng Kabalikat ng Mamamayan party-list, sa pagpalit ng sistema ng pamahalaan at sinabing hindi pa handa ang bansa para dito.

“There is not even a public clamor for a change to federal state. We need to know why they need to shift the government [to federalism] and why the urgency,” ani Roque.

Nauna nang ipahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte ang hangaring paglipat sa sistemang pederalismo, kung saan mahahati ang bansa sa mga desentralisadong estado, sa kaniyang unang State of the Nation Address noong ika-25 ng Hulyo.

Ayon sa pangulo, magaganap ang isang “plebiscite,” o botohan para aprubahan ang isang bagong Konstitusiyon, sa loob ng dalawang taon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.