ISA NA siguro sa pinakamagandang katangian ng mga Filipino ang pagka-sensitibo sa mga bagay-bagay. Likas sa mga Filipino ang kakayahang makaramdam sa kapwa tao lalo na sa kanilang pangangailangan. Kaya nga hindi na bago para sa atin ang makakita sa telebisyon ng bayanihan sa tuwing ang isang komunidad ay nalulugmok sa hirap dulot ng kalamidad.
Oo, madali tayong makaramdam. Madaling maapektuhan ang mga Filipino ngunit hindi lamang sa magandang paraan, kundi pati na rin sa pangit at minsan ay nagbubulag-bulagang paraan.
Kamakailan lamang ay muling nasangkot sa kontrobersiya si Willie Revillame matapos niyang ipatanggal ang coverage ng libing ng yumaong Corazon Aquino na ipinalalabas kasabay ang kaniyang noontime show. Sa ere ay nagsabi si Revillame na tanggalin ang live video ng libing dahil ‘diumano kawalan ito ng respeto sapagkat habang ang bayan ay nagluluksa, sila naman daw ay nagpapakasaya.
Marami ang nagtaas ng kilay sa ginawa ni Revillame. Napilitan pa ang host na mag-leave sa kaniyang programa dahil sa nangyari. Ngunit bagaman sinasabi ni Conzoliza Laguardia ng Movie and Television Review and Classification Board na nilabag ni Revillame ang ethical standards sa telebisyon, nanatiling mariing ang pagsasabi ni Revillame na walang mali sa kaniyang ginawa. Siya naman ay sinuportahan ng kaniyang mga fans at ng ABS-CBN kung saan ipinapalabas ang kaniyang programa.
Hindi ako fan ni Revillame, pero masasabi kong naging “OA” ang mga Filipino sa pag-react sa ginawa niya. Natawa ako dahil kahit sa Internet ay isinusulong ang pagpapatalsik kay Revillame ng dahil sa ano? Dahil nagsabi siya ng excuse me po? Kailan pa naging kawalan ng respeto iyon?
Heto na nga ba ang problema sa ating mga Filipino. Masyadong mataas ang emosyon kaya hindi na umaandar ang utak. Kung ako ang tatanungin, nadala lamang ng kanilang emosyon ang mga taong nagrereklamo sa ginawa ni Revillame. Madalas mas pinapansin kasi ng Filipino ang nakakasakit sa kanya o sa kapwa niya kaysa isipin kung may kuwenta ba ang nagdulot ng sakit na iyon. Hindi makapag-isip ng tama, at baluktot ang pagtingin sa mga bagay. Higit sa lahat hindi tumatanggap ng kahit na anong paliwanag. Iyan ang sintomas ng “sakit” na maramdamin. Ang masama, madalas ay hindi ito napapansin ng taong may dala nito.
Kamakailan lamang ay sinabi ni Rep. Roilo Golez ng Paranaque na maaaring manalo sa kahit na anong posisyon si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino sa eleksyon, maski para pa pangulo. Ito ay dahil daw sa pagmamahal at suporta na ipinapakita ng publiko sa kanya at kaniyang pamilya ngayong kamamatay lamang ni Mrs. Aquino. Muli, tinutukoy ni Golez dito ang dali ng pagkaapekto ng mga Filipino. Ika nga, affected lang tayo.
Marahil ay nawawala na nga ang kinang ng popularidad pagdating sa eleksyon pero kung damdamin ang paiiralin, maski ang pinaka-laos na artistang namatayan ng isang maimpluwensyang kamag-anak ay mananalo ng malaki. Ang akin lamang, sana kung tatakbo si Noynoy sa eleksyon, ito ay dahil sa gusto niya at kaya niya, hindi dahil nadala lamang siya ng kaniyang emosyon at ng suporta ng taong-bayan para sabihin sa kanila na ipagpapatuloy niya ang nasimulan ng kaniyang ina.
Sa mga kapwa Filipino ko naman, isang maagang paalala para sa eleksyon: wag sana tayong magpapadala. Bagaman kahinaan ng damdamin ang tinalakay ng pitak na ito, wala pa ring makakatalo sa pagiging affected natin mga kababayan nating naghihirap at nagugutom. Nawa’y gamitin natin ito para makapagdesisyon ng tama sa susunod na halalan.
Kaya raw nilagay ang utak sa itaas na bahagi ng ating katawan ay para mag-isip muna tayo bago tayo kumilos.
Hindi po ako kakandidato, affected lang talaga.