KASABAY ng patuloy na pagsulong sa agham at teknolohiya sa akademiya noong 1934, hinimok ni P. Serapio Tamayo, noo’y rektor ng Unibersidad, ang mga Tomasinong nagsipagtapos na panatilihin ang kanilang espirituwal na katayuan sa labas ng Pamantasan.
Sa kaniyang talumpati sa pagtatapos ng akademikong taon 1933-1934, idiniin niyang mahalagang ipagpatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang pananampalataya sa Diyos kasabay ng kanilang paglisan sa Unibersidad. Makatutulong ito, wika niya, sa pagpapalaganap nila ng kabutihan at katotohanan sa kanilang paninilbihan sa bansa.
Nilinaw naman niyang hindi ito nangangahulugang hadlang ang agham sa pagpapahalaga ng mga Tomasino sa kanilang pananampalataya. Isinaad niyang bilang mga “pinuno ng kinabukasan,” dapat nilang bigyan ng pantay na halaga ang dalawang larangan sapagkat sa ganitong paraan nila matatamasa ang kanilang mga natutuhan sa Unibersidad.
Itinuring niyang malaking hamon sa mga nagsipagtapos ang mga suliranin sa lipunan lalo na sa mga aspektong politikal at pang-ekonomiya. Iminungkahi niyang dapat maging handa ang mga Tomasino na mailangkap ang kanilang mga kaalaman sa paglutas ng mga suliranin sa bansa.
Sa kasalukuyan, patuloy na kinikilala ang Unibersidad sa pantay na pagpapahalaga nito sa sining, agham at moralidad—isang katangiang likas din sa mga Tomasinong nagtatapos dito.
Tomasino siya
Pinili ni Cristina Hendrix, isang beteranong nars, ang mga matatandang pasyente upang pagtuunan ng kaniyang kalinangan sa larangan ng nursing.
Taong 1991 nang magtapos siyang cum laude sa nasabing kurso sa Unibersidad. Kalaunan, nagtungo siya sa Estados Unidos upang kumuha ng degree sa Master of Science in Nursing-Family Nursing Practitioner sa University of Alabama.
Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa Louisiana State University kung saan nagtapos siya ng Doctor of Nursing in Science at sa Duke University School of Nursing naman kung saan nakamtan niya ang titulong Post-Master’s Gerontological Nurse Practitioner.
Sentro ng disertasiyon ni Hendrix ang mga institusiyong nag-aalaga sa mga matatandang pasyente na may depression. Nagsagawa rin siya ng mga pagsasanay para sa mga caregiver ng mga matatandang may kanser at Alzheimer’s disease.
Dahil sa kaniyang mga saliksik at kahusayan bilang gerontological nurse, o tagapangalaga ng mga matatandang maysakit, naging matunog ang pangalan niya sa ilang mga institusiyon at organisasiyon na may kinalaman sa kaniyang larangan.
Nasungkit niya noong 1991 ang gintong medalya para sa titulong Best in Clinical Practice na iginawad ng Unibersidad. Sa parehong taon, nakamit niya ang ikaanim na ranggo sa Philippine Nurses Board Examination kung saan humigit-kumulang 20,000 ang kumuha ng pagsusulit.
Sa mga sumunod na taon, tumanggap si Hendrix ng mga parangal sa labas ng bansa. Noong 2002, ipinagkaloob sa kaniya ng Epsilon Nu Sigma Theta Tau International Honor Society of Nursing sa Estados Unidos ang Distinguished Graduate Award. Kinilala rin siya bilang Nurse Researcher of the Year ng Philippine Nurses Association of America noong 2009. Bukod pa rito, napabilang si Hendrix sa mga pinarangalan sa The Outstanding Thomasian Alumni Awards noong nakaraang taon.
Sa kasalukuyan, bahagi siya ng American Association of Nurse Practitioners, Gerontological Society of America at Southern Nursing Research Society.
Inaasahang pamumunuan din niya simula sa susunod na buwan ang Clinical Health Systems and Analytics Division ng Duke University School of Nursing, kung saan kasalukuyan siyang naninilbihan bilang kawaning propesor.
Tomasalitaan
pusag (pangngalan) – ang malikot na paglangoy ng mga isda sa tubig.
Hal.: Sa tuwing pinagmamasdan ko ang pusag ng mga maliliit na isda sa loob ng salaming ito, bumabalik ang pagnanais kong mamuhay nang simple karatig ang karagatan.
Mga Sanggunian
TOTAL Awards 2016
The Varsitarian Tomo VIII Blg. 8, Abril 16, 1934; 1933-1940, p.207