Dibuho ni Fritzie Marie C. AmarKASABAY ng pagsailalim sa mga pagbabago nitong dekada 2000, matapang na nagsiwalat ang Varsitarian ng ilang mga kontrobersiyang ginulat hindi lamang ang buong Unibersidad kung hindi ang buong bansa.

Sa pagsisimula ng dekada, nilathala ng pahayagan noong Pebrero 2001 ang mga katiwalian sa Reserve Officers Training Corps (ROTC) ng UST. Sumabog ang isyu matapos ang pagpatay kay Mark Welson Chua, na nasa ikalawang taon sa Faculty of Engineering at isa sa mga nagsiwalat ng katiwalian sa UST-ROTC. Dahil sa krimen, pinangunahan ng UST ang pagsasagawa ng isang panawagan na buwagin o gawing optional ang ROTC. Dahil dito, naisapabatas ang Republic Act 9163 o National Service Training Program Act of 2001 kung saan maaaring mamili ang mga mag-aaral kung alin sa Civic Welfare Training Service, Literacy Training Service, at ROTC ang kanilang kukunin.

Taong 2001 nang tumanggap ang Varsitarian ng grant mula sa Truth Awards ng The Fund for Investigative Journalism kung saan isiniwalat ng pahayagan ang mga paglabag sa zoning ordinance at building code sa lungsod ng Maynila. Halimbawa na rito ang paglipana ng mga bilyaran, computer shops at bars malapit sa mga paaralan.

Noong Setyembre 2007, inilabas ng “V” ang artikulong “Shake-up shocks UST” matapos magbitiw ang tatlong pinakamatataas na opisyal ng Unibersidad dahil sa pagkakasangkot sa kontrobersiyang bumalot sa UST Hospital. Samantala, lakas-loob na inilathala ng pahayagan nitong Oktubre 2009 ang ulat tungkol sa pagnanais ng UST na pamunuan ang multi-deck carpark matapos masangkot diumano sa problemang pinansiyal ang Selegna Holdings Corp. na siyang operator nito.

Nakibahagi rin ang Varsitarian sa iba’t-ibang makabuluhang pangyayari sa bansa gaya ng ikalawang People Power noong 2001 na payapang nagpatalsik sa noo’y pangulong Joseph Estrada. Naging maingay ang pagkondena ng pahayagan sa House Bill 5042 o ang Reproductive Health Bill ni Rep. Edcel Lagman, habang buo naman ang pagsuporta nito sa Tomasinong si Rodolfo Noel “Jun” Lozada, ang whistleblower sa National Broadband Network controversy. Nakisabay rin ito sa pagluksa sa pagkamatay ng Santo Papa Juan Pablo II, noo’y Arsobispo ng Maynila Jaime Cardinal Sin, at dating Pangulong Corazon Aquino.

READ
Church says no to texting, Internet surfing during Lent

Kasabay ng pagyabong ng paggamit ng Internet, inilunsad noong Hulyo 2000 ang opisyal na website ng Varsitarian na umani ng mga papuri hindi lamang sa mga Tomasino kung hindi pati na rin sa mga mag-aaral mula sa iba’t ibang unibersidad. Hunyo 2009 naman nang simulan ang paglalabas ng breaking news sa website kung saan ibinalita ang unang kaso ng A(H1N1) sa UST. Nasundan ito ng pagkakaroon ng comment box at downloadable PDF file ng pahayagan sa website.

Sa kauna-unahang pagkakataon din sa kasaysayan ng pahayagang mag-aaral sa Pilipinas, inilimbag ng Varsitarian noong 2002 sa tulong ng UST Publishing House ang The UST Varsitarian Campus Press Stylebook at Heaven’s Kitchen Compilation.

Naglunsad din ang Varsitarian ng iba’t-ibang extra-editorial activities tulad ng National Campus Investigative Journalism Awards sa pangunguna ng abogado at noo’y punong patnugot ng Varsitarian na si Julio Macaranas, Jr. mula 2001 hanggang 2005 at Cinevita Film Festival na sinimulan noong Marso 2007 at naglayong magpalabas ng mga makabuluhang pelikula. Noong nakaraang taon naman inilunsad ang kauna-unahang Cinevita Award na iginawad sa Tomasinong direktor na si Brillante Mendoza dahil sa pagkakapili sa kaniyang pelikulang Serbis sa prestihiyosong Cannes Film Festival. D.T. Lubang

Tomasalitaan: Masikóg (png) – buntis.

Halimbawa: Masikóg ang aking kaibigan kaya kapansin-pansin ang kaniyang pagtaba.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo LXXII, Blg. 3, Agosto 7, 2000

The Varsitarian: Tomo LXXIV, Blg. 7, Nobyembre 15, 2002

The Varsitarian: Tomo LXXIV, Blg. 8, Disyembre 14, 2002

The Varsitarian: Tomo LXXVIII, Blg. 5, Oktubre 5, 2006

The Varsitarian: Tomo LXXIX, Blg. 9, Pebrero 27, 2007

READ
UST is oldest, period

The Varsitarian: Tomo LXXIX, Blg. 4, Setyembre 26, 2007

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.