‘Konsistensi, pagiging maingat, mahalaga sa pagsasaling teknikal’ – Almario

0
3084

IGINIIT ng tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na mahalaga ang konsistensi at pag-iingat sa mga salitang gagamitin sa pagsasaling teknikal.

“[A]ng magagawa natin sa ating pagsasalin ay simulan natin ‘yong mas eksakto ang ating gamitin. [W]alang kapalit ang pagiging maingat… bukod sa pag-iingat ay konsistensi,” wika ni Virgilio Almario sa isinagawang seminar tungkol sa pagsasalin ng Konstitusyong 1987 ng Filipinas noong ika-25 ng Nobyembre sa tanggapan ng KWF sa Maynila.

Dagdag pa niya, kailangang mapanuri sa mga pagbabago sa wika dahil may mga salita na nagkakaroon na ng ibang gamit sa kasalukuyan.

Binigyang-diin din ni Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, ang tatlong antas ng pagbibigay ng katumbas ng isang salita: hindi mali o tama, hindi angkop, at eksakto.

Kailangang maunawaan ang iba’t ibang klase ng pagsasalin: teknikal, emosyonal, at literal, ayon pa kay Almario.

Dapat ring suriin ang mga bantas pagdatig sa pagsasaling teknikal, aniya.

“Maraming bantas na nawawala. Sa batas lalo na, ang comma, ang semicolon, napakahalaga, lalo pa ‘yong nawawalang period,” wika ni Almario.

Ipinaalala rin niya na isang “highly technical skill” ang pagsasalin at hindi karaniwan.

“Ito ay isang hindi [kilalang larangan]. E kasi… walang professionalization. Kailangang tumaas yung kakayahan nila. Akala ng iba karaniwan o ordinaryong skill lang ‘yan,” wika ni Almario sa isang panayam sa Varsitarian.

Winika rin ni Almario na hindi sapat ang bilang ng mga tagasalin sa bansa.

Noong Agosto, nagsimula ang gawain ng Sentro ng Salin at Araling Salin sa Unibersidad. Sa pakikipagtulungan sa KWF, nagsasagawa ang Sentro ng mga workshop at seminar tungo sa propesyonalisasyon ng pagsasalin.

Isasagawa sa ika-10 ng Disyembre ang “Sipat-Salin 2019: Mga Perspektiba sa Pagtuturo ng Pagsasalin sa Filipino sa K-12 at GEC,” isang seminar tungkol sa pedagohiya ng pagsasalin. C.D.A. Contreras at B.A.P. Domingo may ulat mula kay Joselle Czarina S. de la Cruz

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.