‘Mga mag-aaral, ligtas sa drug operations’ -CHEd

0
4513

TINIYAK ng Commission on Higher Education (CHEd) na ligtas mula sa drug-related police operations ang mga mag-aaral na magtatala ng positibong resulta mula sa mandatory drug tests na isasagawa sa mga kolehiyo at unibersidad.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpataw ng parusa sa mga mag-aaral na positibong gumagamit ng ipinagbabawal na droga, ayon kay Ronaldo Liveta, hepe ng CHEd Office for Student Development and Services.

Hindi rin daw maaaring magkaroon ng drug operations ang Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency at iba pang law enforcement agencies sa loob ng mga unibersidad at kolehiyo.

“Nakatala sa isang provision ng bagong drug test memorandum na hindi papayagan ng kolehiyo o unibersidad ang pagsagawa ng drug-related operations ng law enforcement agencies nang walang coordination at walang prior written approval,” wika ni Liveta sa isang panayam sa Varsitarian.

“Kung ang resulta ay positibo, pwedeng maisulong ng higher education institutions na hindi na dapat bigyan ng penalty o suspensyon ang estudyante,” dagdag niya.

Nakasaad sa Dangerous Drugs Board Regulation No. 6, series of 2003, na kailangang bigyang halaga ang guidance, counseling at rehabilitation sa implementasiyon ng drug testing, alinsunod sa karapatan ng mga mag-aaral na makatapos sa kanilang pag-aaral.

Inaprubahan ng CHEd ang Memorandum No. 64 series of 2017 noong ika-2 ng Agosto na nagtatakda ng mandatory drug testing sa lahat ng pribadong institusiyon bilang requirement para sa pagtanggap at retensyon ng mga mag-aaral para sa Akademikong Taon 2018-2019.

Tatanggap naman ng sanctions mula sa student handbook ng pribadong unibersidad at kolehiyo sa mga mag-aaral na tumanggi sa mandatory drug testing.

‘Striktong drug testing sa UST’

Paiigtingin ng Unibersidad ang implementasiyon ng sapilitang drug testing sa freshmen at random drug testing, ayon kay Rhodora de Lean, direktor ng UST Health Service.

“Ang tanging makakaalam ng resulta ng drug test ay yung patient, magulang ng patient at yung [administrasiyon ng] kolehiyo o fakultad ng mag-aaral,” wika ni de Leon. “Tatantiyahin kung magpapatuloy pa ang estudyante sa pag-aaral pero naka-depende ito sa uri ng rehabilitasiyon ng mag-aaral.”

Isinasagawa naman ng UST Health Service ang random drug testing sa mapipiling 10 porsiyento ng mag-aaral sa bawat section ng kolehiyo o fakultad.

Dagdag pa ni de Leon, sa kanyang pamamahala sa Health Service, isa o dalawa pa lamang na estudyante ang nakakuha ng positibong resulta sa paggamit ng ilegal na droga.

Binibigyang respeto ng CHEd ang “academic freedom” ng UST sa drug testing.

“Ang mga pampubliko at pribadong institusiyon ay may kakahayang mag-design ng programa na ukol sa pangangailangan ng industriya at ng mga estudyante, at mayroon din silang kakayahan kung ano ang ilalaang requirements sa pagtanggap ng mag-aaral. Kasama ang mandatory drug tests dito,” sabi ni Liveta.

Hindi kailangang kumuha ng mga pribadong institusiyon ng approval mula sa CHEd kapag magsasagawa ng random drug tests dahil nabigyan ito ng five-year autonomous status noong 2016. Magtatagal ang autonomous status hanggang 2021.

“Magiging automatic ang implementasiyon pero bibigyan pa rin kami ng notifications, ‘yon ang benepisyo ng autonomous grant,” ani Liveta.

Unang inilunsad sa UST ang implementasiyon ng random drug tests noong ikalawang semester ng Akademikong Taon 2006-2007, alinsunod sa Republic Act (RA) 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

‘Confidentiality ng mag-aaral’

Sa gitna ng lumalaking bilang ng mga pinapatay dahil sa pagiging sangkot sa operasiyon laban sa ipinagbabawal na droga, kailangang mas pangalagaan ang confidentiality ng bawat mag-aaral na mapatutunayang positibo sa resulta ng drug test, wika ni Raymond John Naguit, tagapangulo ng Youth for Mental Health Coalition.

“Kailangan nating siguraduhin na ang confidentiality ng resulta ng mandatory drug tests ay binibigyan ng prayoridad. Dapat may katiyakang hindi magiging instrumento ang ating Unibersidad sa ruthless war on drugs at sa human rights violations nito,” sabi niya.

Tiniyak naman ng inilabas na memorandum ng CHEd na may “confidentiality at integrity sa resulta ng drug test” ng bawat mag-aaral.

Papatawan ng parusa ang bawat miyembro ng fakultad, tagapangasiwa o empleyadong lalabag sa confidentiality ng resulta ng drug test ayon sa RA 9165.

Sinabi ni Tetsuya Makino, pangulo ng UST Medicine Student Council, na kailangan lamang pakinggan at hindi husgahan ang mga problema ng estudyanteng gumagamit ng ipinagbabawal na droga.

“Bago bigyan ng rehabilitasiyon ang mga mag-aaral na gumagamit ng ilegal na droga, kailangan nating malaman ang kanilang kalagayan at imulat sila sa mga pinsalang dulot ng paggamit ng ilegal na droga,” ani Makino.

 

To investigate and expose unspoken issues and anomalies, send confidential news tips to the Special Reports team of the Varsitarian at specialreports.varsitarian@gmail.com or at THE VARSITARIAN office, Rm. 105, Tan Yan Kee Student Center, University of Santo Tomas, España, Manila.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.