“MAGTRABAHO nga kayo! Apat kayo rito sa bahay pero ’di ko man lang kayo nakikitaan ng pagkukusang loob. Nakakapagod magtrabaho mag-isa!” sigaw na naman ni Mama mula sa kusina habang kaming apat na magkakapatid ay nanonood ng telebisyon sa sala. Sumabay naman ang kalampag ng kaldero at pinggan sa ingay ng programa sa aming harapan.

“Hayan na naman ang litanya ng isang sirang plaka,” ang naisip ko. Ganyan talaga siya tuwing nawawalan kami ng kasambahay, wala kasi siyang mautusan.

Nahiga na lamang ang kapatid kong si Allison sa sofa, na tila walang naririnig. Ganyan rin ang naging reaksyon niya tuwing naghihimutok si Mama. Si Kuya naman at ako ay aakyat na lang sa kuwarto. Tanging si Hans, na siyang pinakabunso sa amin, ang tatayo at kikilos. Tulad ng dati, agad siyang sumunod sa utos ni Mama.

“Allison, kumilos ka. Punasan mo ‘yang mesa, at ayusin mo itong mga gamit mo sa sofa. Ikaw Yani, hinayaan mo na namang matambakan ka ng labahin!” pasigaw na utos niya na narinig ko hanggang sa aking kuwarto.

Mahirap talagang mag-ayos sa bahay namin. Tamad kasi ang mga kapatid ko, kabaligtaran ni Mama na sobra magpahalaga sa kalinisan, na maya’t maya ay naguutos sa amin na ”ayusin ang ganito at ligpitin ang ganyan.” Dahil nga wala sa amin ang madaling mautusan, kumuha na rin si Mama ng katulong.

Ngunit wala rin sa kanila ang nagtagal sa amin. Nagpaalam si Ate Lenlen na uuwi sa probinsya para doon mag-Pasko pero hindi na siya bumalik. Ganyan rin ang ginawa ni Ate Ana. Noong Disyembre pa siya umalis, lumipas na ang bagong taon, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya bumabalik.

Madalas nang uminit ang ulo ni Mama ngayon. Sa pagkakatanda ko, nag-umpisa ito noong natanggal siya sa kompanyang pinagtatrabahuan niya sa loob ng higit na dalawampung taon dahil sa kinailangan nitong magbawas ng mga empleyado. Dahil dito, nawalan na rin kami ng mga benepisyo na mula noong pagkabata ay aming napapakinabangan. Nariyan ang mga regalo at pagkaing ibinibigay nila tuwing Pasko. Hindi lang yon, nagbibigay rin ang kompanya ng dalawang sakong bigas at isang basket ng mga produktong sabon, shampoo at iba pa. Kaya bagama’t maliit lang ang suweldo nila Mama at Papa, kahit papaano ay naging maginhawa ang buhay namin noon. Nakakatuwa ring isipin na kahit maliit lamang ang baon namin ay nakapag-aral kaming magkakapatid sa isang pribadong paaralan. Nakabili pa nga kami ng segunda-manong kotse, at nakapunta pa si Mama sa Thailand para magbakasyon. Kahit wala kaming sariling bahay, umuupa naman kami sa isang maayos na apartment sa Maynila.

READ
DepEd taps Educ to train teachers

Pero maraming nagbago mula nang nawalan ng trabaho si Mama. Dahil sa problema namin sa pera ay nagiging madalas na ang pag-aaway nila ni Papa hanggang sa tuluyan na silang maghiwalay. Bukod sa pagbenta namin sa kotse, kinailangan ko ring magtrabaho kasabay ng pag-aaral para matustusan ko ang aking mga sariling pangangailangan.

Matapos ang ilang buwan ng paghahanap ng trabaho ay nakalipat naman si Mama sa isang mas maliit na kompanya sa Pasig. Kailangan nga lamang niya na bumiyahe ng halos dalawang oras mula Lunes hanggang Sabado. Tuloy, pagod na pagod siya pagdating sa bahay. Dahil abala siya sa trabaho, umaasa na lamang siya kay Ate Ana upang ayusin ang lahat, tulad ng pag-paplano kung ano ang kakainin sa buong maghapon.

Madali akong naghanda para pumasok. Habang itinatali ko ang sintas ng aking sapatos sa paanan ng hagdanan, nakita kong papalapit si Mama.

“Ano’ng oras ka na naman uuwi?” tanong niya.

“May aayusin lang ako sa school,” ang tugon ko.

“Magdi-dinner kasi kami mamaya. Birthday ko bukas, kaya hindi ko na kayo mailalabas,” aniya.

“Sige po, ite-text ko na lang kayo kung makakasunod ako.”

Oo nga pala, kaarawan niya bukas. Nakalimutan ko dahil abala ako sa maraming gawain sa eskuwela.

Dali-dali akong tumayo at lumabas ng bahay. Habang naglalakad ako papunta sa sakayan ng dyip, pinag-iisipan ko kung uuwi nga ba ako nang maaga para sumama sa kanila. Parang mas nakahiligan ko na kasi ang lumabas na lamang kasama ang mga kaibigan ko sa kolehiyo kaysa sa kapamilya ko.

Lumipas ang buong umaga sa paaralan tulad ng dati. Pagkatapos kong pumasok sa klase sa umaga, sumakay na ako ng dyip papunta sa aking part-time job.

READ
Words, images go hand in hand

“O Yani, late ka na naman,” ang pangiting bungad sakin ni Jon. Nasanay na rin siyang huli akong dumarating sa opisina.

“Pasensya na, ang tagal kasing magpauwi ng aming prof namin eh,” ang nakasanayan ko nang sagot.

“O sige, uwi na ko. Humanap ka na ng kapalit mo sa Huwebes ah, ayokong mag-overtime,” aniya.

“O sige sige,” tugon ko.

Umupo ako sa aking puwesto sa opisina at pinihit ang dial ng radyo. Wala na namang magandang mapapakinggan. Unti-unti na rin akong nakakaramdam ng antok ngayong kalagitnaan ng hapon. Ipinatong ko ang aking noo sa mesa at pumikit sandali. Naramdaman ko ang kalam ng tiyan, tanda ng kaunting pagkagutom.

“Siguro, sasama na lang akong kumain sa labas mamaya,” ang sabi ko sa sarili.

Maya-maya’y biglang tumunog ang telepono.

“Good afternoon ma’am, may I help you?” masigla kong sinabi ang mga salita, sa kabila ng matinding pagkaantok.

“Yani, si Kim ’to,” sagot ng boses sa kabilang linya.

“O Kim, bakit napatawag ka?”

“Magpapaalam lang ako. Pakisabi naman kay Ma’am Soriano at sa iba pang prof natin na hindi na ako makakapasok dahil malapit na ang transplant ko,” sagot ni Kim.

“O? Kailan ba ’yan?”

“Baka sa Pebrero na, kung hindi ngayong buwan. Sige ha, wag mong kalimutan. Paalam.”

“Sige, mag-iingat ka.”

Nanghihinayang ako para sa kaklase kong si Kim. Sabay sana kaming magtatapos ngayong Marso, kung hindi lamang siya nagkasakit sa bato. Ngayon, kailangan niya munang tumigil sa pag-aaral para magpagaling. Gayunpaman, suwerte pa rin siya at mayaman ang kanyang pamilya, kaya’t hindi na problema sa kanila ang pagpapagamot kay Kim. Ngunit hindi nga lamang tiyak kung talagang gagaling na siya pagkatapos ng kanyang operasyon.Alas-sais na nang tumunog ang aking celfone. ”One message received,” basa ko sa screen.

READ
Lest we take to the streets again

“Dito na lang kami sa fastfood restaurant sa kabilang kalye, para hindi malayo,” saad ng text ni Mama.

Naalala ko tuloy ang isang kaarawan niya dati, na kung saan sa Kimpura Japanese Restaurant pa kami kumain kasama ang iba niyang mga kaibigan. Napakaganda ng mga kimonong suot ng mga waitress, parang totoong mga Haponesa. Mayroon pa silang ibinibigay sa amin na tuwalyang maliliit at mainit na pamunas ng kamay pagkatapos naming kumain. May isa ring pagkakataon na pinuntahan namin ang naipatayo niyang bahay sa Cavite bago kami dumiretso ng Tagaytay kasama ang halos buong mag-anak namin para mamasyal. Ngayon, sa isang fastfood restaurant na lang kami kakain, at kasama lamang ang tatlo kong kapatid.

Wala akong imik pagdating ko sa restawran. Bihis na bihis si Allison at Hans, na para bang pupunta sa kung saang mall. Bakas naman sa mukha ni Mama ang pagkatanda at pagkapagod. Inakbayan niya ako at sinubukang ngitian. Sabay kaming lumakad sa counter upang pumili ng makakain.

“Sa tingin mo, saan tayo mas makakatipid, ’yung kanya-kanyang order, o ’yung bucket meal na lang?” aniya.

“’Yung kanya-kanyang order. Kung tig-isangdaan lang tayo, P500 lang.” ang sabi ko.

“Sige, ibibili ko na lang kayo ng extrang mashed potato at ice cream.”

Matapos naming makabili, binitbit ko ang mga pagkain papuntang mesa. Kitang kita ko ang pagngiti ni Hans na mukha namang sabik na sabik kainin ang spaghetti at manok na in-order niya. Pinangunahan ni Mama ang pagdarasal. Nakaramdam naman ako ng pagkaawa sa aking nakita, marahil dahil ito ang kauna-unahang pagdiriwang ni Mama ng kanyang kaarawan na napakasimple lamang.

Muli na namang kumalam ang aking tiyan, na para bang nagpapaalalang kanina pa ako nagugutom. Sumubo ako ng malaking bahagi ng manok at napangiti. Napakasarap nito.

“O Yani, bakit ka napapangiti mag-isa diyan?” ani Mama.

“Wala po, mabuti na lang at konti na lang ang labahin para bukas,” pa-ngiti ko namang sagot.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.