Tiger jin, numero uno sa mundo

0
370

HINIRANG ng Taekwon.net si Tiger jin at World Cup silver medallist Tshomlee Go bilang pangunahing flyweight sa buong mundo.

Tinalo ni Go ang ilan sa mga pinakasikat na jins sa buong mundo, kasama na ang Sydney Olympic gold medallist na si Michalis Mouroutsos ng Greece. Nilamangan ni Go ang 2000 European Championships gold medallist ng siyam na ranking points sa pamamagitan ng kanyang 116 na pinagsamang ranking points.

“Hindi ko rin ine-expect. Nabalita lang sa akin. Masaya rin siyempre,” sabi ni Go na inaasahang papalit kay Roberto “Kitoy” Cruz bilang pambato ng national team.

Ibinase ang rankings mula sa resulta ng mga torneo na may pahintulot ng World Taekwondo Federation (WTF), ang tanging Taekwondo governing body na kinikilala ng International Olympic Committee (IOC). Walang sariling opisyal na ranking system ang WTF.

Tumaas ang total ranking ni Go sa flyweight division (58 kilograms) dahil sa pagkapanalo niya ng medalyang pilak sa 2001 World Cup na idinaos noong Mayo sa Ho Chi Minh City, Vietnam.

Kasama rin sa mga nilampasan ni Go sina Gabriel Estareza Perez ng Espanya at Chih Hsiug Huang ng Taiwan, na siyang nanalo ng medalyang pilak at tanso sa Olympics.

“He really deserves it. At 20, he still has a lot to go. Sobrang sipag mag–training. Two years time, number one kaagad. Ganun siya katindi,” sabi ni UST Taekwondo head coach Dindo Simpao.

Kasama ni Go sa world rankings ang kanyang kapatid na si Jefferthom, na nagtapos ng ika–18 na puwesto sa bantamweight division. Natamo naman ni dating Tiger jin at Olympian Donald Geisler ang ika– 17 puwesto sa lightweight division.

Sa women’s division, nasama si Tiger jin at 2000 UAAP Women’s Valuable Player Daleen Cordero bilang ika–20 sa flyweight rankings.

LEAVE A REPLY