Tiger Spikers patuloy na humahataw

0
718

MABILIS na nakabangon ang UST Tigers Spikers sa maagang pagkadapa upang tisurin ang rumaragasang Adamson University Falcon Spikers sa limang hitik sa aksyon na set, 27-25,25-20,23-25,2426 at 5-15, noong Agosto 25 sa UP-College of Human Kinetics gym.

Binulaga ng Falcons ang UST matapos itong magsimula ng agresibong atake sa unang bahagi ng laro. Nanagasa sa opensa ng Adamson sina Mike Ronillo Alinsunurin at Aldrin Magsino upang lumpuhin ang malamig na Spikers ng España.

Itinapat ng Falcons kay Tiger setter Anthony Irvin Guiao si Alinsunurin sa mga atake upang mamiyesta sa pag-iskor. Hindi rin nakabuti ang maraming receiving errors ng UST. Nagresulta ito sa pagkuha ng Adamson sa unang dalawang set at magtangka ng isang upset sa pamamagitan ng three-set sweep.

Subalit hindi natinag ang UST at dahan-dahang bumalik sa laro.

Nagbunga ang pagtitiyaga ng Tigers nang makuha nila ang hinihintay na break sa crucial call sa kritikal na bahagi ng ikatlong set. Angat ng dalawa, 21-23, pumalo ng isang lumalagapok na kill si Alinsunurin kasabay ang tawag na net violation laban sa Adamson. Napunta ang puntos sa UST at inangkin na rin nito ang naturang set.

Sa ikaapat na set, patuloy na nagpalitan ng mga smash at quick kills ang dalawang koponan. Subalit sa likod ng magandang laro ng rookie na si Louie Lloyd Magpoc, muling naka-ungos ang Tigers upang makapuwersa ng ikalimang set.

“Sabi ko kay Father (de Sagon), hindi na nila kaya, atin na itong fifth set,“ ang sabi ni Men’s Volleyball coach Emiliano Lontoc.

Idinagdag pa ni Lontoc na nakita niya ang ginawang atake ng Falcons kaya gumamit siya ng four-two na kombinasyon sa huling set. Sa ganitong sistema, mayroong dalawang setter sa loob ng court, kasama ang tatlong spiker sa harapan para sa depensa. Pinalitan si Guiao ni sophomore Christian Fernandez para makatapat si Alisunurin sa depensa.

Sa pamamagitan nito, nilapa ng walang awa ng Tiger Spikers ang naghihingalong Falcons, 15-5, upang nakawin ang kanilang ikapitong panalo sa walong laro.

Sa muling paghaharap ng mortal na magkaribal sa tunggaliang volleyball sa UAAP, hindi pa rin nagpadaig ang Tiger Spikers matapos nilang ibaon ang Far Eastern University Tamaraws Spikers sa apat na dikdikang set, 25-20,21-25,26-24 at 25-23, noong Agosto 19 sa UP College of Human Kinetics gym.

Mahusay na pagsasagawa ng plays sa opensa at nakasasakal na blocking sa depensa ang naging kasangkapan ng Tigers ang kanilang pagdodomina sa Tamaraws.

Muli na namang nagtagumpay ang inaasahang suwabeng kombinasyong baguhan at beterano ng UST Spikers nang bigyan ng mga taga-España ng iba’t ibang tingin sa opensa at depensa ang kalaban sa pamamagitan ng isang balanseng atake.

Pinaapoy ng beteranong team captain ng Tigers na si Emilio Reyes at Rico de Guzman ang net at kamay ng FEU blockers sa rumaragasa nilang mga smash na nagdulot ng sigawan sa mga manonood tuwing bumabaon ang dumadagundong na hataw sa sahig.

Samantala, matiyaga namang nag-ayos ang mga plays si Guiao upang kontrolin ang opensa at hiluhin ang depensa ng Tamaraws sa nakalilinlang na atake ng Tigers. Pinaghalinhinan ni Guiao ang pagbigay ng bola sa rookies at mga beterano upang hindi madaling mabasa ng FEU ang opensiba ng UST.

Nagkaroon ng maraming option si Guiao sa pagpili ng papalo dahil sa husay na ipinakita ng mga baguhang sina Magpoc at Jake Lagar, kasama pa ang malaking pagtaas ng laro ng sophomores na si Fernandez at Nimrod Ruelos.

Nahirapan ang 2000 runner-up na Tamaraws sa depensa dahil masyadong maraming kumbinasyon ang opensa ng Tigers at masyadong maraming manlalaro ang puwedeng pumukpok sa iba’t ibang bahagi ng laro.

Tulad noong first set, ibinigay ni Guiao ang plays kina Lagar, Ruelos at Magpoc sa pag-iisip na alam na ng kalaban ng UST na sina Reyes at De Guzman ang pumapalo sa opensa. Subalit sa kalagitnaan ng set, binigyan na rin ng Tiger playmaker ng open spikes si Reyes na naging epektibo naman upang madali nilang makuha ang unang set, 25-20.

Humigpit naman ang depensa ng FEU sa sumunod na set nang nabasa nila ang paboritong play ng Tigers kay Reyes at napigil ang atake nito. Binaligtad ng Tamaraws ang mesa at sila naman ang nanalasa sa pangunguna nina Mark Anthony Pre at Arieto Canlas na sinamantala sa maluwag na depensa ng UST.

Mula sa 9-9 na pagkakatabla, nagpasabog ang Tamaraws ng 8-1 na bulusok upang tuluyan nang umarangkada at kunin ang ikalawang set, 25-21.

Tulad ng naunang mga set, naging dikitan pa rin ang labanan sa ikatlong at ikaapat na set subalit ang pagputok ni Ruelos sa ikatlong set at ang pmumuno nina Reyes at de Guzman sa pantapos na ikaapat na set ang naging susi ng kasawian ng FEU.

LEAVE A REPLY