Unang hagupit

0
428

SA UMPISA ng kompetisyon ng UAAP Taekwondo sa Setyembre, matinding paghahanda at depensa ang kailangan ng UST Tiger Jins upang mapanatili ang kanilang pamamayani sa pinaka-premyadong collegiate taekwondo competition ng bansa.

Noong nakaraang taon, nag-reyna ang Lady Jins matapos matagumpay na maidepensa ang koronang nakuha nito noong 1999.

Pinangunahan nina Daleen Cordero at Kalindi Tamayo ang opensiba sa pananalasa ng Lady jins sa UAAP sa pangalawang sunod na taon.

Samantala, matapos hindi makapaglaro ang ilan sa mga inaasahang magbibigay ng inaasam na ginto, nahulog sa ikalawang puwesto ang UST Male Jins laban sa nagkampiyong De La Salle Green Jins.

“Hindi nakalaro ‘yung mga inaasahan ko na mananalo gaya nila Jefferthom at Tshomlee Go dahil sa grades. ‘Yung iba naman, naglalaro ng may injury. So what I had last year was a makeshift men’s team. Very satisfied nga ako sa performance nila dahil kahit hindi kami kumpleto, naka-second place pa rin,” wika ng Coach ng UST Taekwondo na si Dindo Simpao.

Ngayong taon, umaasa pa rin si Simpao sa lakas ng Lady jins at sa progreso ng mga bagitong Male jins upang patuloy na patunayan na UST ang hari ng taekwondo sa UAAP.

Mga bagong mukha

Habang walang naalis sa line-up ng Lady Jins, patuloy namang nababawasan ng mga importanteng manlalaro ang Male Jins.

Hindi na makatutulong sina Luis Lanier De Leon, Mark Marquez, at Ronald Arreza sa kampanya ng UST na mabawi ang korona laban sa La Salle.

Nakatapos na ng kolehiyo sina De Leon at Marquez samantalang lumipat na ng paaralan si Arreza.

Sa kabila nito, hindi nababahala si Simpao. Ang mga bagong mukha na kanyang aasahan para sa darating na kampanya ang kapalit ng mga nawalang Male jins. Sina Alex Briones, Greg Gregorio, Nicky Bondoc, at Terrence Boteja ang ilan sa mga bagong male jins ni Simpao. Samantala, si Nancy Remollena naman ang naidagdag sa powerhouse line-up ng lady jins.

“Definitely, magagaling ang mga bagong players ko. Halos lahat, member ng National junior team kaya handpicked talaga sila. ‘Yung iba naman, very promising. ‘Yan ngang si Greg (Gregorio), parang si Tshomlee na kung maglaro. Kailangan lang ng kaunti pang time,” dagdag pa ni Simpao.

Bilang patunay sa galing ng mga bagong jins, maganda ang ipinakita ng mga ito sa katatapos lamang na Asian Junior Championships sa Chinese Taipei.

Nagkamit si Remollena ng pilak samantalang nag-uwi naman ng tanso si Briones sa kompetisyon ng pinakamagagaling na junior jins sa mundo.

National Taekwondo Open

Ang Milo National Taekwondo Open ang isa sa pinaka-aabangang kompetisyon ng taekwondo sa bansa. Dito nagtatagpo ang pinakamagagaling na jins sa buong Pilipinas. Isang tradisyon na rin na inaasahan ang magandang pagpapakita ng UST Jins sa taunang kompetisyon.

Ngayong taon, ipinagpatuloy ng UST jins ang kanilang dominasyon matapos humakot ng tatlong ginto, limang pilak, at isang tanso sa National Taekwondo Open.

Sinimulan ni Male jin Mark Rivero ang ratsada ng UST jins nang makaharap niya si Willie Ngo ng Philippine Air Force (PAF) sa finals ng men’s welterweight division.

Matapos ang palitan ng matinding opensa ng dalawa, natapos ang unang yugto na tabla, 2-2. Agresibong simula naman ang ginawa ni Rivero sa ikalawang yugto upang lamangan si Ngo, 4-3, papasok ng huling yugto. Sa huling yugto, ginamit ni Rivero ang malalakas niyang side kicks upang tuluyang talunin si Ngo at makuha ang ginto, 8-6.

Sumunod namang sumabak sa laban si Lady jin Kalindi Tamayo nang makaharap niya si Sylvia Hacopia ng Philippine Navy sa finals ng women’s featherweight division.

Sa unang yugto, nagpalitan ng matitinding 45 degree kicks ang dalawang jins upang umpisahan ang laban. Lumamang si Tamayo matapos ang unang yugto, 2-1. Sinubukang makabawi ni Hacopia sa UAAP gold medallist subalit matinding depensa ang iginanti ni Tamayo para sa 6-3 na kalamangan. Sa huling yugto, nagpatuloy ang eksplosibong opensa ni Tamayo upang tuluyang makuha ang ginto, 8-4.

Sumunod namang sumabak para sa Male jins si bantamweight Arnold Valenzuela, na nakasagupa si Manuel Trugan ng De La Salle sa men’s finals.

Maagang ratsada ang ginamit ni Trugan para maunahan si Valenzuela, 2-0, sa pagtatapos ng unang yugto. Sa ikalawang yugto, agresibong atake ang isinalubong ni Valenzuela sa kanyang kalaban subalit magandang depensa naman ang iginanti ni Trugan para patuloy na lumamang, 4-1, patungo sa huling yugto. Eksplosibong mga side kicks naman ang gumulat kay Valenzuela sa simula ng huling yugto upang tuluyan nang yumuko, 1-7, at makuntento na lamang sa pilak.

Sa finals ng women’s finweight division, nakaharap ng baguhang Lady jin na si Nancy Remollena ang Sydney Olympics campaigner na si Eva Marie Ditan ng Las Piñas Gym. Matapos ang palitan ng mabibilis na sipa at punches, lumamang si Ditan, 3-1, sa unang yugto. Hindi naman nagpakita ng pagkasindak si Remollena sa kanyang mas beteranong kalaban upang magbigay ng dikit na laban, 2-3, sa ikalawang yugto. Subalit inilabas ni Ditan ang malawak niyang opensiba upang tuluyang talunin si Remollena, 8-3, at makuha ang ginto.

Itinaas naman ng Lady jins na sina Daleen Cordero at Diorlyn Papelera ang karangalan ng UST matapos magharap sa finals ng women’s flyweight division.

Matinding palitan ng side kicks ang ipinamalas ng parehong Lady jins para itabla ang unang yugto, 3-3. Kombinasyon ng magandang sa ikalawang round upang lumamang, 5-3. Sa pagpapalitan ng mahigpit na depensa ng dalawang Lady jins sa huling yugto, tuluyan ng naubusan ng oras si Papelera at nanaig si Cordero para makuha ang ginto.

Sa huling laban, humarap si Lady jin Josephine Strachan laban kay Twinkle Catalan ng UP para sa women’s bantamweight finals.

Maagang opensa ang isinalubong ni Catalan laban sa UST Lady jin upang pangunahan ang unang yugto, 2-0. Pinilit makabawi ni Strachan subalit matinding depensa ang ginamit ni Catalan para tuluyang manalo, 8-4, at makuha ang ginto.

Sina lightweight Alex Briones at featherweight Rodolfo Valenzuela ang iba pang nagkamit ng medalya para sa UST. Nanalo si Briones ng pilak samantalang nagkamit ng tanso si Valenzuela.

Bagamat humakot ng medalya ang UST Jins sa National Open, hindi pa rin kuntento si Simpao sa ipinakita ng kanyang mga manlalaro.

“I’m really not satisfied sa performance nila kasi mga veterans ang humakot ng mga medalya. Expected ko na ‘yun. I was expecting more from my new players. Sayang nga si Greg (Gregorio). May pag-asa sana sa medal pero nakalaban agad si Tshomlee,” ani Simpao.

Pagkatapos ng Milo Taekwondo Open, muling mahahasa ang galing ng UST jins sa kanilang pagsabak sa Southeast Asian (SEA) Games sa Setyembre. Kasama sa Philippine team na aalis papuntang Malaysia sina Simpao, Lady jins Kalindi Tamayo at Daleen Cordero, at Male jin Mark Rivero. Kasama rin ang mga Tomasinong sina Jefferthom at Tshomlee Go, Jasmin Strachan, at Donald Geisler sa mga lalaban para sa bansa.

“Magandang preparasyon na naman ito para sa UAAP. Mahirap din magka-medal dito pero siyempre we’ll do our best,” dagdag pa ni Simpao.

Ang Taekwondo Interschool competitions at Best of the Best tournament sa Setyembre ang iba pang sasalihan ng UST jins bilang preparasyon para sa darating na UAAP season. Habang nahahasa ang UST Jins sa mga nasabing tournaments, maingat naman si Simpao para sa kaligtasan ng kanyang mga manlalaro.

“Although magandang pasalihin sila (jins) sa mga iba’t ibang pre-season tournaments para mahasa, siyempre we also have to protect them from injuries,” sabi ni Simpao.

Mga makakalaban

Kagaya ng nakaraan, De La Salle ang pinakamahigpit na makakalaban ng UST Male jins para sa dominasyon ng UAAP. Pinatunayan ng mga Green jins ang kanilang bagsik nang magwagi sila ng tatlong ginto sa National Open. Subalit hindi nababahala si Simpao.

“Si Alejandrino na lang naman ang makakalaro na beterano para sa kanila. Wala na rin yung ibang magaling nila gaya ni Dax (Morfe). May magandang laban pa rin ang mga bata ko,” wika ni Simpao.

Bukod sa La Salle, ibinibilang din ni Simpao ang UP, na maganda rin ang ipinakita sa National Taekwondo Open, bilang mahigpit na kalaban ng UST sa korona ng taekwondo.

Samantala, halos sigurado naman ang kampeonato ng UST sa women’s division. Muling makakalaro ang beteranang sina Tamayo, Cordero, Papelera, at Strachan para pangunahan ang ratsada ng UST Lady jins.

“Wala akong nakikitang problema sa mga babae. Sobrang lakas pa rin. UP at FEU might give us a good fight pero, ‘might’ lang ‘yon,” dagdag pa ni Simpao.

Habang matinding paghahanda ang ginagawa ng UST Male Jins para maibalik ang korona sa UST, makaaasa naman na isa pang siguradong dominasyon ang ipapamalas ng UST Lady Jins laban sa kanilang mga katunggali.

Subalit hindi pa rin nagpapakasiguro si Simpao dahil malayo pa ang UAAP at marami pang maaaring mangyari.

“Kung ngayon na ang UAAP, we’re already good for the titles. Pero it really depends on the UAAP line-up. They (jins) need to study well to be eligible for UAAP competition. Kailangan muna asikasuhin ‘yung pag-aaral nila para hindi na maulit ‘yung last year,” wika ni Simpao.

LEAVE A REPLY