Volleybelles bagsak sa Tamaraws

0
691

MULING ipinakita ng defending champions, ang Far Eastern University Lady Tamaraws, ang kanilang patuloy na pamamayani sa UST Lady Spikers matapos nilang umulit sa huli sa pamamagitan ng 25-22, 25-21, 28-26, na panalo noong Agosto 26 sa UP Diliman gymnasium.

Matapos hawakan ang 6-5 na kalamangan sa unang set, naging biktima ang UST ng isang 13-5 na ratsada na pinakawalan ng FEU upang lumamang ng pito, 18-11.

Bumawi ang UST at nagawang makalapit sa kalamangan ng FEU, 20-22.

Ngunit hindi maitatanggi sa FEU ang panalo matapos nilang paulanan ng matitinding kills ang UST upang makuha ang unang set.

Mabilis namang pinangunahan ng UST ang FEU sa ikalawang set sa likod ni veteran spiker Joyce Capati upang makuha ang 18-15 na kalamangan.

Isang mabilis na spike ni Lady Tamaraw Monica Aleta ang nagpatabla sa iskor sa 20.

Sariling mga pagkakamali ang nagpabagsak sa UST upang hayaang lumapit ang FEU sa panalo.

Sa huling set, nauna naman ang FEU na kinuha ang 15-9 na kalamangan sa pamumuno ni Aleta.

Isang service error mula sa FEU ang nagpalapit sa UST sa 22-21 na kalamangan ng Lady Tamaraws.

Isang kill mula kay Lady Tamaraw Ailyn Ege ang nagpausod sa FEU papalit sa panalo, 24-23.

Ngunit sinagot naman ito ng isang kill mula kay veteran spiker Jocelyn Calapan. Matinding depensa ng FEU ang nagbalik ng isang puntos na kalamangan para sa Lady Tamaraws.

Sinagot naman ito muli ni Calapan at sinundan ng isang magandang depensa ng rookie ng UST na si Anna Fulo upang ilapit ang Tigresses sa isang puntos sa panalo.

Nagpahinga sa depensa ang UST na ginamit namang pagkakataon ni Lady Tamaraw Maricor Martinez upang makapuntos at itabla ang score, 26-26.

Isa pa muling error ng UST at puntos mula kay Lady Tamaraw Beverly Benin ang nagbigay ng panalo sa FEU na pinatiling malinis ang kanilang hawak na 8-0 na karta habang bumagsak naman ang Tigresses sa 5-3.

Samantala, nagtulong ang mga beteranong sina Joyce Calapan at Jocelyn Capati upang dalahin ang UST Lady Spikers sa 25-20, 25-19, 23-25, 25-22 panalo kontra sa Adamson Lady Falcons noong Agosto 19 sa UP Diliman gymnasium.

Sa ikalawang pagkakataon, hindi masyadong ginamit ni UST head coach Augusto Santamaria ang tatlo sa kanyang magagaling na manlalaro na si rookie Anna Fulo at ang mga beteranong sina Joyce Pano at team-captain Kimberly Racaza.

Nagtrabaho agad sina Calapan at Capati sa unang set matapos tulungan ang UST na maposte ang 21-9 na kalamangan.

Ngunit sunud-sunod na error naman sa parte ng UST at makailang ace ni Lady Falcon Jennifer Catungal ang nagpaliit sa kalamangan ng Tigresses, 24-20.

Isang kill mula sa rookie ng UST na si Karen Macasaet ang tumapos sa paghahabol ng Adamson.

Pareho ang naging istorya sa ikalawang set. Halos hindi nagpakita ng laban ang Adamson nang malamangan ng UST ng anim, 20-14.

Hindi na muling nakabangon ang Lady Falcons na nahuling natutulog depensa ni Capati na tumira ng isang kill upang makuha ng UST ang ikalawang set.

Kakaibang laro naman ang ipinakita ng Adamson sa ikatlong set. Nakaharap sa maaaring pagwalis sa UST, inilabas ng Lady Falcons ang talas ng kanilang opensiba at higpit ng depensa upang makuha ang ikatlong set.

Anim na sunod na error mula sa UST ang nagbigay ng 8-5 na kalamangan para sa Adamson. Nagpalitan ng lamang ang dalawang koponan hanggang sa makuha ng UST ang isang puntos na kalamangan, 20-19, sa likod ng magkasunod na kill nina Capati at Calapan.

Dalawang sideouts ng UST at isang kill mula kay Lady Falcon Mercedita Matira ang nagbigay ng dalawang puntos na lamang para sa Adamson.

Tumabla muli ang UST, 23-23, matapos pumuntos ni Capati mula sa likod. Ngunit dalawang error pa muli ng UST ang nagbigay ng kaunting buhay para sa nanganganib na Adamson.

Bahagyang hawak ang momentum, nakipag-gitgitan ang Adamson sa ikaapat na set sa UST at hindi hinayaang makalayo ang Tigresses.

Isang kill galing kay Lady Falcon Ailane Quina ang nagpatabla sa score, 10-10. Lumapit sa panalo ang UST matapos makapuntos ni Calapan sa pamamagitan ng isang ace.

Nailapit muli ni Quina ang Adamson sa kalamangan ng UST, 23-21, ngunti isang kill ni Capati at magandang set-up play nina Teresa Palomo at Bing Judan ang nagbigay ng importanteng panalo sa UST.

LEAVE A REPLY