Shuttlecockers, namayagpag

0
293

NAGHAKOT ng parangal ang UST Shuttlecockers bilang delegasyon ng Pilipinas sa Inter-Religious Peace Sports Festival noong Hulyo 21-27 sa Seoul, South Korea.

Nagkamit sila ng tig-iisang silver at bronze na mga medalya para sa men’s at women’s doubles.

Maluwalhating nakaabot sa finals ang mga national players ng UST Men’s Badminton team na sina Ricky Bartolome at Alfredo Mailon ngunit nabigo silang makamit ang gold na napunta kina Wang Chih-Chuan at Ting Kung-Ming ng Taiwan. Sa iskor na 6-15, 9-15, naiuwi nina Bartoleme at Mailon ang silver.

Kaugnay nito, naunang dinaig nina Bartolome at Mailon ang koponan ng Malaysia, 15-8, 17-14, upang makakuha ng puwesto sa semifinals. Naging mahigpit naman ang labanan kontra sa isa pang lahok mula sa Malaysia na pinagwagian din ng Tiger Shuttlecockers, 15-6, 9-15, 6-15, upang makarating sa kampeonato.

“May pressure during the game pero before mag-start, nung paalis pa lang kami, wala naman, masaya lang,” pahayag ni Bartolome.

Samantala, nakapag-ambag ng bronze ang dalawang manlalaro ng UST Women’s Badminton team na sina Kathleen Añasco at Lyka Leonor matapos ang 4-15, 6-15 desisyon sa laban kontra kina Chen Yi-Ching at Lee-Tai-an ng Taiwan sa semifinals.

Bago pa rito, nalusutan nina Añasco at Leonor ang doubles team ng India sa quarterfinals upang makakuha ng puwesto sa semis laban sa Taiwan.

Bukod sa Pilipinas, India, Taiwan, at Malaysia, kabilang din sa torneo ang mga bansang Korea, Sri Lanka, at Estonia.

Ayon sa mga manlalaro, ang Pilipinas at India ang may pinakamaliit na delegasyon sa torneo dahil tig-apat na kalahok lamang ang ipinadala para sa torneo.

“Yung ibang bansa, seven o eight players yata yung pinadala. Pero nothing to lose naman dahil wala naman kaming hinahawakang record at ever since behind naman talaga ang Pilipinas sa Badminton,” ani Añasco.

Kung matatandaan, kinailangang lisanin ng apat na manlalaro ang semifinals ng JVC Open Badminton Championships noong Hulyo 18-25 upang makilahok sa internasyonal na kompetisyon. “Paminsan-minsan lang kasi ‘to. Kumbaga parang it’s now or never,” sabi pa ni Añasco.

Hindi man lubusang nakamit ang kampeyonato, positibo naman ang naging reaksiyon ng Tiger Shuttlecockers sa katatapos na laban.

“Makikita mo yung level ng skills at aggressiveness mo, na medyo kaya naman pala natin,” ani Bartolome.

“At least nabigyan namin sila ng magandang laro,” dagdag pa ni Añasco na ngayon pa lamang nagkaroon ng pagkakataon makalabas ng bansa para sa isang internasyonal na torneo. Icy M. Luzano

LEAVE A REPLY