Tiger Cubs, wala pa ring talo

0
529

KASALUKUYANG bitbit ng UST Tiger Cubs ang nakamamanghang 9-0 win loss tally matapos nitong umpisahan ang kampanya sa pangalawang round at ipanalo ang tatlong sunud-sunod pang laban sa Universities Athletic Association of the Philippines junior basketball division.

Tiger Cubs, pinulbos ang Bullpups

Walang-awang ginisa ng Tiger Cubs ang National University Bullpups, 65-52, sa Cuneta Astrodome noong Agosto 21.

Mula sa opening buzzer, hindi na hinayaang makapalag ng Tiger Cubs ang Bullpups sa loob ng apat na hati ng laro. Agad nagpakita ng ngipin ang depensa ng UST nang limitahan nito sa apat na puntos lamang ang NU matapos ang unang kanto, kumpara sa 18 puntos ng Tiger Cubs.

Walang sinabi ang depensa ng Bullpups laban sa rumaragasang opensa ng Tiger Cubs, dahilan upang makakuha ang UST ng 15 puntos sa fastbreak, habang nakagawa lamang ng tatlo ang NU.

Tila pinaglaruan lang ng Tiger Cubs ang kalaban nang pinasok ni Coach Bernie David ang kanyang mga reserba na umani naman ng 39 puntos sa kabuuan. Nagawa rin ng Tiger Cubs na itala ang kanilang pinakamagandang record sa field goal ngayong season, 57.15 porsiyento, kung saan naibuslo nila ang 20 sa 35 nilang mga tira.

Sumalok si Oscar Crisostomo at Hector Badua ng tig-12 puntos habang tig-11 naman ang tinalam nina Eric dela Cruz at Marlowe Reverezasa Tiger Cubs.

Tiger Cubs, ginulantang ang Eaglets

Matapos manahimik sa unang tatlong hati ng laro, buong-tapang na hinabol ng Tiger Cubs ang Ateneo de Manila Blue Eaglets sa huling kanto ng laro ng kanilang sagupaan sa Philsports Arena noong Agosto 15 upang maitala ang 53-50 na pagkapanalo.

Sinira ng Cubs sa huling hati ng laro ang kalamangan na pinaghirapang itayo ng Eaglets matapos ang ikatlong kanto, 27-40.

Humataw ang Cubs sa pang-apat na kanto nang gumawa sila ng sunud-sunod na puntos sa kamay nila Panahon, Basa, at Badua.

Nagpasiklab ng isang matinding 14-4 na ratsada ang Tiger Cubs sa simula ng huling quarter upang idikit ang laban, 41-44. Nang makuha ang kalamangan, hindi na ito hinayaang mawala ng Tiger Cubs.

Ang three point ni Crisostomo sa 3:18 mark ng huling kanto ang siyang nagbigay ng kalamangan sa Tigercubs, 48-46.

Sumikip bigla ang mundo ng Eaglets sa loob ng matinik na depensa ng Cubs nang magtala lamang ito ng 10 puntos laban sa 26 na ipinukol ng Cubs sa huling bahagi ng laro.

Pinangunahan ni Panahon ang Tiger Cubs sa kanyang 17 puntos, pito mula sa fourth quarter, at 11 rebounds.

Tiger Cubs, lusot sa Preps

Muntik nang madiskaril sa unang puwesto ang Tiger Cubs nang magtala ng overtime laban sa University of the Philippines Integrated School Preps, 69-68.

Sa huling bahagi ng laro, naibuslo ni Badua ang isang ungergoal stab kasabay ng pagtunog ng buzzer upang mailusot ang Tiger Cubs sa tiyak na pagkatalo.

Halos mabahiran ng pagkatalo ang record ng Cubs nang bumira si Dexter Oliveros ng dalawang puntos na dapat sanang magagarantiya sa Preps ng pagkapanalo, 11 segundo na lang ang nalalabi sa laban at lamang ang UPIS, 68-67.

Matapos magmintis si Oliveros, nakuha ni Panahon ang bola siyam na segundo na lang ang nalalabi sa OT na nagbigay daan sa buzzer-beater ni Badua.

Isang buzzer beater din mula naman kay Darryl Basa sa fourth quarter ng laro, na nagtabla sa laban sa 57, ang nagligtas sa UST sa pagkatalo.

Mga kahinaan at kalakasan

Bagaman maganda ang pinakita ng mga Cubs, mayroon pa ring mga pangamba si David.

“Nagko-collapse minsan ang mga player dahil sa overconfidence,” pahayag ni David.

Sa laban ng Tiger Cubs kontra Blue Eaglets, hinayaan nilang tambakan sila sa loob ng tatlong quarter, bago pa bumawi sa huling yugto ng laban.

Sa pangkabuuang tally noong unang round, nasa ikatlong puwesto ang mga Tiger Cubs sa steals at turnover points allowed kada laro. Dinagdag naman ni Panahon na malaki ang naitutulong ng kanilang teamwork.

“Wala sa aming star player, lahat kami nagko-contribute,” aniya.

Pagkatapos ng unang round ng sagupaan, nanguna naman ang mga Tiger Cubs sa team offense dahil sa kanilang 73.3 puntos kada laro.

Ngunit dinagdag ni Panahon na kailangan pang pag-igihan ng grupo ang kanilang pasahan.

“Minsan, humihina kami sa passing,” aniya.

Bagaman nanguna sa opensa, hindi naman masama ang ipinakita sa depensa ng hinayaan lamang nilang makapagtala ng 67.3 puntos kada laro ang kanilang mga katunggali, na ika-apat sa buong liga.

“Sana mag-improve pa, alam ko kasi may ilalabas pa,” dagdag niya. Jose Bimbo F. Santos

LEAVE A REPLY