Tiger Judokas, bumawi

0
425

MATAPOS mapahiya nang makuha ng Ateneo de Manila University (AdMU) ang kampeonato ng Judo sa UAAP, pinatumba ng Tiger Judokas ang oposisyon sa ika-18 Polytechnic University of the Philippines (PUP) Invitational Open Belt Tournament noong Hulyo 10 sa PUP Gym.

Bagito man ang karamihan sa kanila, pinatunayan ng Judokas na kaya nilang magwagi laban sa mga beteranong koponan.

Sumungkit ng tig-iisang gintong medalya sa torneo sina Joana de Castro, Mary Jane Jaylo, at Camille Hipolito. Gintong medalya rin ang naipanalo ni team captain Francis Lim, habang bronze naman ang kay Jordan Carpio.

“Gusto naming makuha muli ang respetong nawala sa amin. Ito ang nagtulak sa amin para manalo,” ani Lim.

Kuntento si head coach Jojo Arce sa ipinamalas ng kanyang mga manlalaro.

“Humusay sila at nabawi nila ang pagkatalo nila noong nakaraang UAAP Season,” pahayag ni Arce.

Unang taon lamang ng UST sa torneo ng PUP ngunit hindi ito naging hadlang para patunayan ng Judokas ang kanilang dominasyon sa mat.

Nagpasyang sumali ang koponan ngayong taon matapos palampasin ito noong 2004 upang mabigyan ng pagkakataon ang mga bagito na ipakita at linangin ang kanilang mga laro.

Tinalo ng Tiger Judokas ang mga katunggali mula sa University of the Philippines-Diliman, De La Salle University, UP-Los Baños, AdMU, at PUP.

LEAVE A REPLY