Tiger Spikers umarangkada

0
1446

MATAPOS mabigo sa unang araw ng torneo, bumawi ang ang UST Senior Volleyball teams matapos magtala ng kani-kanilang panalo sa UAAP Season 68 Volleyball tournament.

Pinatunayan ng Tiger Spikers, na may 3-1 na kartada, ang kanilang dominasyon sa net nang patumbahin nila ang Adamson University (AdU) Falcons, 25-22, 25-21, 25-15, noong Hulyo 31 sa University of the Philippines (UP) Human Kinetics Gym.

Nagtulungan sina Carlo Lubi, Jake Lagar, at Reny John Balse sa kabuuan ng laro upang makamit ang straight-set na tagumpay.

Ipinakita ng Tiger Spikers ang kanilang bagsik nang butasin nila ang depensa ng mga spikers mula sa San Marcelino. Tila hindi mabasa ng AdU ang opensa ng UST na tuloy ang pagpuntos mula sa iba’t ibang bahagi ng court.

Iniwan ng Tiger Spikers ang Falcons sa huling set matapos ang palitan ng puntos sa unang bahagi. Umiskor ang Tiger Spikers ng walong sunud-sunod na puntos sa pamumuno ni Lubi. Hindi na ulit nakaporma ang AdU.

“Nahanap na namin ang mali at kulang sa team,” ani coach Emiliano Lontoc. “Patunay na pataas na ang level ng aming laro ang sunud-sunod naming panalo.”

Naghiganti ang Tiger Spikers sa kanilang karibal at defending champion Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 25-22, 25-12, 22-25, 25-13, noong Hulyo 27.

Matapos ang dikit na unang set, halos hindi na naka-iskor sa ikalawang set ang Tamaraws dahil sa depensang ipinakita ng Tiger Spikers.

Bagaman kinapos sa ikatlong set dala ng limang service errors, bumawi ang Tiger Spikers sa koponang kanila ring tinalo sa Home and Away League finals noong Mayo upang hindi na umabot ang laro sa ikalimang set.

Natikman ng FEU ang bagsik ng UST sa ikaapat na set nang agad umungos ang Tiger Spikers mula sa magkasunod na service aces ni Reny John Balse at open hits ni Carlo Lubi at Jake Lagar, na umiskor ng pitong puntos sa naturang set.

Nakabawi ang Tiger Spikers sa kanilang pagkatalo sa unang araw ng kompetisyon ng pulbusin nila ang Ateneo de Manila University (AdMU) Blue Eagles, 25-10, 25-15, 25-8, noong Hulyo 24.

Halos hindi makaatake ang Blue Eagles sa tindi ng depensa nina Lagar at Glenn Boongaling sa labang hindi man lang tumagal ng isang oras.

Naging masalimuot naman ang opening day ng torneo para sa koponan ni Lontoc na yumuko sa UP, 15-25, 25-18, 20-25, 19-25, noong Hulyo 17.

Nagmistulang bangungot ang 73-minutong engkwentro ng UST sa koponang nagpatalsik sa kanila sa UAAP semifinals noong nakaraang taon.

Arangkada

Balanse ang opensa at depensa ng koponan na nagtapos sa ikaapat na puwesto noong nakaraang taon.

Malaki ang itinaas ng antas ng laro ng mga sophomore Tiger Spikers. Nagpasiklab sina center spiker Robertly Boto, open hitter Reny John Balse, at libero Charles Reyes sa kanilang unang apat na laro sa torneo.

Nakatulong ang paglahok ng Tiger Spikers sa mga off-season tournament tulad ng Home and Away League, kung saan inuwi nila ang kampeonato, upang masanay ang mga baguhan at batikan.

Sinabi ni Lontoc na ang Tiger Spikers ang team to beat ngayong season bagamat nangapa sila sa dilim sa pagbukas ng torneo.

Lady Spikers

Kinailangan namang sumandal ng Lady Spikers, na may 2-2 kartada, sa mas magandang ipinakikita ng Tiger Spikers sa torneo.

Nagtala ng kanilang ikalawang sunod na panalo ang Lady Spikers kontra AdMU, 25-19, 25-22, 18-25, 25-21, noong Hulyo 31 sa UP Human Kinetics Gym.

Tinakot ng Lady Eagles ang koponan ni coach August Santamaria sa ikatlong set ng magtulungan sina Patricia Ann Taganas at Ma. Rosario Soriano na patumbahin ang depensa ng UST.

Nakatanggap ng tulong sina Mary Jean Balse at Venus Bernal sa baguhang si Lilet Mabbayad.

“Hindi ko pa rin maipapangako na tuluyan na kaming makakabawi,” ani Santamaria na aminado na masyado pang bata ang koponan.

Lumusot ang Lady Spikers sa butas ng karayom nang talunin nila ang University of the East (UE) Red Skirts, 25-19, 23-25, 25-23, 25-22.

Nag-init ang laban sa ikalawang set nang makabawi koponan FEU, ngunit umungos muli ang Lady Spikers sa pangunguna nina Mary Jean Balse at Venus Bernal upang hindi na umabot sa deciding set.

Naubusan naman ng gasolina ang mga Lady Spikers sa kanilang laban kontra sa UP Lady Maroons, 25-22, 25-16, 10-25, 17-25, 15-10, noong Hulyo 24.

Naghalinhinan ang mga beteranong sina Balse at Bernal, na nagsama para sa 39 puntos, upang gulatin ang UP sa ikatlong yugto ng laro.

Ngunit nawalang parang bula ang laro ng UST sa huling set. Walang sinayang na oras ang UP na sunud-sunod na pumuntos sa pamumuno nina Jolina Hernandez at Katrina de Lara na nagkamit ng 13 at 10 puntos.

Bumulaga sa Lady Spikers ang isang upset sa kamay ng FEU Lady Tamaraws, 25-13, 25-20, 25-15, sa unang araw ng bakbakan sa Women’s Volleyball.

Pinangunahan ni Genelyn Alemania ang opensa ng Lady Tamaraws habang nangapa naman ang mga bagito ng UST sa 56-minutong engkwentro.

Mga pagbabago

Sa paglisan ng mga beteranong setter na sina Lourdes Palomo at Karen Co Yu Kang, na tapos na ang eligibility years sa UAAP, humina ang opensa ng Lady Spikers at nagkaroon ng malaking butas na kailangang takpan ng rookie setter na si Denise Tan.

Hindi pa rin maayos ang kalagayan ni open hitter Kate Co Yu Kang na inoperahan sa tuhod noong nakaraang buwan. Hindi lamang ang opensa, kundi pati ang court leadership ni Co Yu Kang ang kailangan ng Lady Spikers upang bumalik ang dating bangis ng kanilang laro.

LEAVE A REPLY