Tigresses, nanganganib sa UAAP

0
389

PATULOY pa ring hinahanap ng UST Tigresses ang pormula ng panalo matapos matalo sa unang dalawang laban nito sa UAAP Season 68.

Matapos yumuko sa De La Salle University (DLSU) sa una nilang pagkikita noong Hulyo 17, hindi nagbago ang kapalaran ng mga bata ni Elizabeth Tan sa kanilang pagtutuos sa University of the Philippines, 49-63, noong Hulyo 31 sa Adamson Gym.

“Sinubukan naman ng mga bata ko, maaga lang kasi nagka-foul trouble at na-injure ‘yung key player namin kaya nahirapan kami,” ani Tan.

Maagang namaalam sa laro si team captain Nerissa Noscal, matapos siyang mahampas pababa ni Joan Roma ng UP sa isang fastbreak lay-up attempt.

Lamang ang Tigresses sa pagsisimula ng fourth quarter, 42-39, ngunit nabiktima sila sa matinik na depensa ng mga bata ni Eric Castro.

Matapos maibuslo ni UST forward Camille Viñas ang isang freethrow sa 7:51 mark, nagpakawala ang UP ng isang matinding 8-0 na ratsada na siyang nagpalobo sa kalamangan ng koponan mula sa Diliman, 59-43. Nakapuntos lamang muli ang UST, 2:20 na lang ang natitira, nang maipasok ni Risha Vargas ang isang tres. Ngunit umungos muli ang UP sa isang 6-0 na ratsada upang tuluyan ng tapusin ang laro.

Umiskor si Vargas ng 23 na puntos kasama ang limang three-pointers para pangunahan ang UST.

Tigresses, pinatulog ng DLSU

Hindi nakapalag ang UST sa puwersa ng DLSU, matapos nitong sumuko, 56-66, noong Hulyo 17 sa Adamson gym.

Matapos matabunan ng 10 puntos sa pagtatapos ng unang kanto, 6-16, nakuhang idikit ng UST ang laban sa pagsasara ng ikatlong yugto, 47-48. Ngunit lubos na nahulog ang UST sa mahigpit na depensa ng DLSU, na siyang naglimita sa mga Tigresses sa siyam na puntos lamang kontra sa 18 ng Lady Archers sa fourth quarter.

“Sayang talaga nung fourth quarter kasi sabay-sabay na nagka-cramps ang mga starters namin,” pahayag ni Noscal.

Nagtala si Vargas ng 18 na puntos, samantalang nagsama naman si Jhocelyn Hagedorn at Joanne Gregorio para sa 25 puntos.

LEAVE A REPLY