UST Spikers, matagumpay sa unang round

0
460

TINAPOS ng UST Senior Volleyball squads na may kambal na tagumpay ang unang round ng Universities Athletic Association of the Philippines (UAAP) Volleyball tournament.

Bagaman magkaiba ang mga naging panimula ng dalawa, kampanteng nasa sa solong ikalawang puwesto ngayon ang Lady Spikers ni coach Augusto Santamaria na may anim na panalo at isang talong kartada sa likod ng defending champion De La Salle University (DLSU) Lady Archers na wala pa ring talo at nasa ikaapat na puwesto naman ang Tiger Spikers ni coach Emiliano Lontoc na mayroong apat na panalo at tatlong talong kartada.

Lady Spikers

Hindi naging balakid sa Lady Spikers ang pagkatalo sa kamay ng Lady Archers noong panimulang araw upang ipamalas ang tunay na bagsik at dominasyon sa court at matamo ang anim na sunod-sunod na panalo.

Pinangunahan nina Mary Jean Balse at Venus Bernal ang opensiba ng UST laban sa University of the East (UE) Amazon Spikers sa iskor na 25-12, 23-25,25-20, 25-18, noong Agosto 22 sa University of the Philippines (UP) Human Kinetics Gym.

Agad umarangkada ang Lady Spikers sa unang yugto, habang napako sa limang puntos ang Amazons. Nadagdagan ang puntos ng UE mula sa mga service errors ng UST ngunit hindi ito naging sapat para makabawi.

Kinapos sa ikalawang set ang UST nang sinimulang umatake ng Amazon open spiker at team captain na si Suzanne Roces. Tumirada ng sunud-sunod na smash si Roces upang dumikit sa UST, 20-19, at nagawang angkinin ang set.

Bumalik ang bangis ng Lady Spikers sa ikatlong set nang bumanat muli ang tambalang Balse at Bernal ng mga kills.

Muling nakahabol ang Amazons sa UST, 20-22, subalit hindi na hinayaan ng UST, sa likod ni team captain Kate Co Yu Kang, na lumapit pa ang UE.

Sinimulan ng Lady Spikers ang huling set sa isang matinding 9-0 run sa tulong ng palabang set at service aces ni Ma. Lourdes Palomo. Halos sarhan ng blockers ng UST ang kanilang court upang hadlangan ang mga atake ng kalaban at nagtapos sa pagkapanalo ng UST.

Hindi binigyan ng spikers ng España ng pagkakataong makasungkit ng unang panalo ang Ateneo de Manila University Lady Eagles noong Agosto 15 sa iskor na 25-20, 25-19, 25-16. Nalimitahan ang opensiba ng koponan mula sa Katipunan dahil sa mala-pader na depensa ng frontline ng UST.

Pinaglaruan naman ng mga open hitters ng UST ang mahinang depensa ng UP Lady Maroons sa isang mabilis na straight-set match, 25-16, 25-23, 25-15, noong Agosto 8.

Tinalo rin nila ang National University (NU) Lady Spikers, 25-10, 25-8, 25-17, noong Agosto 4, Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 25-20, 25-17, 25-12, noong Agosto 1 at ang Adamson University (AdU) Lady Falcons, 25-23, 25-18, 25-21, noong Hulyo 29.

Tiger Spikers

Samantala, matapos matalo ng tatlong sunod, naghiganti ang Tiger Spikers sa UE Warriors sa iskor na 18-25, 25-23, 25-22, 25-22, noong Agosto 22, upang umangat sa ikaapat na puwesto.

Bagaman mahina ang naging simula, bumangon sa ikalawang set ang Tigers na pinangunahan ng bagitong open hitter na si Renyjohn Balse. Tulad ng kapatid na si Lady Spiker Mary Jean, nagpakitang gilas siya sa pagpalo ng matitinding spike upang sirain ang depensa ng UE.

Dikit ang labanan sa ikatlong set, hanggang sa 14-all mark. Umarangkada ang opensiba ng UST sa tulong ni open hitter Carlo Lubi at baguhang center spiker Robertly Boto.

Bagaman napako sa 23 puntos ang UST dahil sa mga spike ng Warriors, hindi na hinayaan ni Lubi na makahabol pa ang UE matapos tumirada ng magkasunod na down-the-line smash na tumapos sa set.

Humakot ng puntos para sa UST ang beteranong quicker na si Nimrod Ruelos sa huling yugto ng laro.

Namayani naman ang UP Fighting Maroons laban sa Tiger Spikers sa loob ng straight sets, 25-17, 25-20, 25-22, noong Agosto 15.

Mistulang naparalisa ang frontline ng UST sa pagkawala ng beteranong si Ruelos na napilayan sa kanang kamay.

Magkatulad ang naging enkwentro ng UST laban sa FEU at Adu. Matapos magupo sa unang set, nalamangan ang Tiger Spikers ng FEU Tamaraws sa mga sumusunod na set upang makuha ang panalo, 19-25, 25-14, 25-23, 25-19, noong Agosto 8.

Napabayaan ng UST ang 2-0 na kalamangan laban sa AdU Falcons ni coach Domingo Custodio noong umpisa, na nauwi sa pagkapanalo ng Falcons, 22-25, 19-25, 25-14, 25-21, 15-7 noong Agosto 4.

Sa kabilang banda, positibo ang naging resulta ng pagtatagpo ng UST sa AdMU Eagles at DLSU Archers. Mabilis na pinabagsak ng UST ang AdMU, 25-13, 25-18, 25-21, noong Agosto 1.Ginulat ng batang koponan ng España ang defending champions nang tapusin nila ang enkuwentro sa iskor na 25-18, 26-28, 25-17, 29-27, noong Hulyo 29.

Matapos ang unang yugto, inaasahan ni coach Emiliano Lontoc na unti-unting aangat ang lebel ng laro ng kanyang koponan.

“Kailangan maging motivated sila na kaya nila maglaro tulad ng mga senior players,” aniya.

Kapag tuluyan ng mapunan ang kani-kanilang pagkukulang, hindi na malayong marating ng mga Senior Volleyball squads ang inaasam na kampeonato.

LEAVE A REPLY