UP nilapa ng Growling Tigers

0
433

2 Agosto 2014, 8:06 p.m. – PATULOY ang pagragasa ng UST Growling Tigers matapos tambakan ang UP Fighting Maroons, 73-57, sa unang round ng UAAP Season 77 men’s basketball tournament sa Smart-Araneta Coliseum, Sabado.

Itinala ng UST ang kanilang ikatlong sunod na panalo upang umangat sa 3-1 na kartada katabla ang Ateno at FEU sa ikalawang puwesto.

Nagpakawala ang Growling Tigers ng isang 20-3 run sa huling yugto upang ibasura ang Fighting Maroons.

Ito na ang ika-dalawampu’t anim na sunod na talo ng UP na huling nakatikim ng panalo noong 2012.

Pinangunahan ni Karim Abdul ang UST sa pamamagitan ng 18 puntos at 8 rebounds. Nagtala naman si Louie Vigil ng 17 puntos, tatlong steals at tatlong blocks.

Lamang ang UP matapos ng first half, 36-39. Ngunit nagsimulang manalasa ang UST sa ikatlong yugto sa pangunguna nina Vigil at Abdul.

Nagpakawala ang Growling Tigers ng isang 10-0 run at nang naungusan ang UP, 51-45.

Muling nabawi ng Fighting Maroons ang kalamangan, 53-54, sa panimula ng fourth quarter.

Ngunit agad na nagpakawala ang Tigers ang isang 19-0 run sa pangunguna ni Aljon Mariano at tuluyan nang iniwan ang UP, 72-54.

“’Yung shooting namin sa first three quarters hindi nagki-click. Tinyaga lang namin. We practiced hard going to this game. Nag-payoff naman sa fourth quarter,” ani Tigers head coach Bong dela Cruz.

Sa kabila ng kanilang panalo, naniniwala si Dela Cruz na mas may ibubuga pa ang kanyang mga manlalaro sa mga susunod na laban.

“Hindi pa kami satisfied sa nilalaro namin. As long na lagi kaming hard work sa practice, sa tingin ko mas magiging okay pa kami,” ani Dela Cruz.

Maganda ang naging simula ng Fighting Maroons sa first half.

Lumamang pa sila ng 11 puntos, 35-24, sa kalagitnaan ng second quarter matapos kumana ng apat na sunod na puntos si Kyles Lao.

Ngunit hindi nagpatinag ang Growling Tigers at ibinaba ang kalamangan sa tatlo, 36-39, sa pamamagitan ng free throws ni Abdul at ang three-pointer ni Vigil bago matapos ang first half.

Susubukin ng UST na mabuslo ang kanilang ika-apat na sunod na panalo kontra sa Ateneo Blue Eagles sa Miyerkules, Agosto 6, sa Smart-Araneta Coliseum.

***

 

BOX SCORES:

UST 73 – Abdul 18, Vigil 17, Mariano 10, Ferrer 9, Daquioag 7, Subido 5, Sheriff 4, Lao 2, Gayosa 1

UP 57 – Moralde 15, Gallarza 10, Asilum 10, Reyes 8, Lao 6, Amar 5, Dario 2, Vito 1

Quarter Scores: 14-19, 36-39, 53-50. 73-57

LEAVE A REPLY