UST Shuttlers pinadapa ng UP, La Salle

0
525

NAUNGUSAN ng University of the Philippines ang UST Female Shuttlers, 3-2, habang hindi naman pinaporma ng De La Salle University ang Male Shuttlers, 5-0, sa pagpapatuloy ng UAAP season 77 badminton tournament sa Rizal Memorial Stadium, Linggo.

Laglag ang rookie na si Airish Macalino kontra kay national team member Jessie Francisco ng UP, 16-21, 7-21.

Sa ikalawang doubles match, namayani ang tambalang Ana Patricia Barredo at Steffie Aquino ng UST laban kina Marina Caculitan at Maru Maranon, 21-17, 22-20, upang itabla ang laban, 2-2.

Nauna nang nakasungkit ng panalo si Barredo para sa Female Shuttlers sa unang singles match kontra Maranon, 21-17, 21-16. Ngunit nabigo naman si Aquino laban kay Paola Bernardo sa ikalawang singles match, 15-21, 11-21.

Hindi rin pinalad sina Kristine Gaspar at Elainne Vinluan ng UST laban sa tambalang Elisha Ongcuangco at Jessie Francisco sa unang doubles match, 14-21, 10-21.

Bumaba sa 3-2 na kartada ang UST habang nanatiling walang talo ang UP sa loob ng limang laro.

“Happy na ako kahit hindi natalo ‘yung women’s [dahil] maganda ‘yung laro nila. Hindi ko in-expect na magiging threat pala kami sa malalakas na teams,” ani UST head coach Noli Cajefe.

Sa kanilang naging paghaharap kahapon, Agosto 16, kontra Far Eastern University, nakalusot ang Female Shuttlers sa bisa ng isang 3-2 na panalo sa likod ni Barredo sa ikatlong singles match.

Samantala, hindi nakaporma ang UST Male Shuttlers laban sa De La Salle University tungo sa isang 0-5 na pagkatalo.

Lumagapak sa 2-3 na kartada ang Male Shuttlers.

Naungusan ang UST rookie na si John Paul Yabut ni Gerald Sibayan ng La Salle sa unang singles match, 14-21, 18-21. Nilampaso naman sa ikalawang singles match si Male Shuttler Alcaed Sabanal ni John Kenneth Monterubio, 8-21, 15-21.

Minalas rin sina Paul John Pantig at Edgard Reyes kina Carlos Cayanan at Sibayan ng La Salle sa unang doubles match, 14-21, 21-14, 15-21. Hindi naman pinalad sina Jan Mark Sotea at Patrique Magnaye ng UST sa ikalawang double match kontra sa magkapatid na Kenneth at Joshue Monterubio, 19-21, 21-16, 9-21.

Kinumpleto ng La Salle ang kanilang sweep sa pamamagitan ng isang 21-18, 19-21, 21-16 na panalo ni Elijah Boac kontra Pantig sa ikatlong singles match.

Ayon kay Cajefe, ito ang unang pagkakataon na na-blanko ang UST sa La Salle na mayroong walong national team players.

Susunod na makakaharap ng Male Shuttlers ang FEU habang La Salle naman ang makakabangga ng Female Shuttlers sa susunod na Sabado, Agosto 23, sa parehong lugar.

LEAVE A REPLY