Varsitarian editor, muling UAAP courtside reporter

0
419

MULING magbabalik ang isang pamilyar na mukha upang maging tinig ng Growling Tigers mula sa sidelines para sa UAAP Season 77.

Sa kaniyang ikalawang taon, si Kristelle-Ann Batchelor, dating Special Reports editor at kasalukuyang Circle editor ng Varsitarian, ang muling magbabalita bilang courtside reporter ng UST.

Ayon kay Batchelor, nanaig ang kaniyang pagiging madasalin at malapit sa Diyos kaya nalagpasan niya ang hindi birong proseso ng pagpili sa mga courtside reporters para sa ika-77 na taon ng UAAP.

“Sa St. Jude, kapag daw nag-novena ka, matutupad [‘yung gusto mo]. So sinubukan ko siya. Sakto, noong ninth day, tinawagan ako ng ABS-CBN na ako ulit [ang courtside reporter para sa UST],” ani Batchelor.

Inamin din ng Journalism senior na ginusto niyang manatili sa kaniyang trabaho bilang courtside reporter dahil para sa kaniya, hindi sapat ang isang taon para magamit ang kanyang mga natutunan sa kanyang unang taon bilang courtside reporter.

“’Yung sa first year mo, it’s a period of walking blindfolded. Parang nasu-surprise ka pa sa mga nangyayari. ‘Yung second year mo, maa-apply mo na lahat ng natutunan mo,” aniya.

Dagdag pa ng 19-year-old na half-Puerto Rican at half-Filipina, natutuwa siyang maturing na isang “ate” ng mga bagong courtside reporter.

Sinabi rin niya na masaya siya na makapagbahagi ng payo at mga karanasan sa mga baguhan tungkol sa pagkakaroon ng lakas ng loob sa harap ng kamera.

Sa walong courtside reporter, tanging si Batchelor at si Tricia Robredo lang ng National University ang magbabalik mula sa Season 76.

Para kay Batchelor, malaki ang naging bahagi ng pagiging Varsitarian Special Reports editor niya noong nakaraang taon upang makuha ang tiyansa na maging courtside reporter ng UST kapalit ng modelong si Tina Marasigan.

Aniya, napakinabangan niya ng husto ang kasanayan sa pagsusulat at sa paghahanap ng magandang anggulo sa balita noong unang sabak niya sa UAAP kaya naman mas naging madali para sa kaniya ang magsulat at mag-report ng mabilisan.

“Feeling ko mas nagwo-work yung utak ko kapag pressured na. Ginagawa ko lang ‘yung report minutes before mag-live ng air. At saka kapag pre-game report, mental outline lang [ang ginagawa ko] kasi mas kaya kong i-deliver kapag ganun,” aniya.

Bilang isang courtside reporter, nagbukas ng iba’t ibang oportunidad ang kanyang trabaho na kakailanganin niya upang linangin pa ang kanyang kakayahan.

Sa kabila nito, kaakibat ng pagiging kilala ang mga tugon ng publiko, maganda man o hindi.

Batid ni Batchelor na hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng mga taong hindi siya nagugustuhan at inamin niya na naapektuhan siya sa mga negatibong puna ng ibang tao sa unang taon niya sa sidelines.

“Sa first few games ko last year, sine-search ko sa Twitter ‘yung feedback ng tao tungkol sa akin, so nape-pressure ako lalo,” ani Batchelor. “Natutunan ko one day na masaya talaga ako sa ginagawa ko lalo na kapag nandoon ako sa game, sobrang fulfilling.”

Sa kabila ng mga narating niya, aminado si Batchelor na nais niyang ipagpatuloy ang kanyang career bilang reporter at manunulat sa loob o sa labas man ng bansa. Angelica P. Abello at Delfin Ray M. Dioquino

LEAVE A REPLY