UPIS taob sa UST Junior Tiger Spikers

0
629

24 Agosto 2014, 10:35 p.m. – WALANG kahirap-hirap na pinatumba ng UST Junior Tiger Spikers ang University of the Philippines Integrated Schools, 25-20, 25-19, 25-20, sa UAAP season 77 high school volleyball tournament sa Adamson gym, Linggo.

Kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto ang UST tangan ang 5-3 na kartada. Nanginginig naman a ng 10-time defending champion University of the East, kasunod ang Ateneo at National University.

Bagaman winalis ng Tiger Spikers ang UPIS, naging problema naman ang kanilang naitalang 41 errors.

Matapos maunahan ng Junior Maroons sa unang set, 10-6, nagpakawala ang UST ng isang 8-0 run sa likod ng limang service ace ni Armil Lahara upang ipanalo ang set.

Sa ikalawang set, pinagsamantalahan ng UPIS ang errors ng Tiger Spikers para sa 14-13 na kalamangan bago nakabawi ang UST sa bisa ng isang 11-2 run para ibulsa ang panalo, 25-19.

Hanggang sa huling set, errors ang nagpahirap sa UST kung saan 19 sa 20 puntos ng UPIS ay galing sa mga pagkakamli ng Tiger Spikers.

Sa pagdikit ng Juior Maroons, 20-23, naging mas agresibo si team captain Mark Pangan at Alrim Lajara na tuluyang sinelyuhan ang ikalimang panalo ng koponan gamit ang magkasunod na quick hits.

Sa kabila ng panalo, magkahalo ang naging pananaw ni assistant coach Rommel Abella sa nilaro ng koponan.

“Masaya ako kasi nanala pero nawala ‘yung aggressiveness namin kasi naging overconfident sila,” aniya. “Kailangan namin ibalik ang pagiging aggressive namin.”

Susunod na makakalaban ng UST ang National University sa Linggo, Agosto 31, sa parehong venue. Delfin Ray M. Dioquino

LEAVE A REPLY