UST Growling Tigers panalo kontra UP

0
399

UPDATED 27 Agosto 2014, 6:04 p.m. – NAGPAKITANG gilas ang rookie na si Regie Boy Basibas upang tulungan ang UST Growling Tigers na pataubin ang University of the Philippines Fighting Maroons, 77-65, sa ikalawang round ng UAAP season 77 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena, Miyerkules.

Nagtala si Basibas ng career-high na 16 puntos at 18 rebounds, habang nagtapos naman si Karim Abdul nang may 21 points at 12 rebounds.
Nagpakawala ng 12-2 run ang UST sa kalagitnaan ng ikaapat na yugto sa pangunguna nina Basibas at Louie Vigil para kumawala sa UP, 67-56.

Kapwa kumamada ng tig-walong puntos sina Basibas at Abdul sa huling sampung minuto para pigilan ang paghahabol ng Fighting Maroons.

Isang slam dunk ni Abdul ang tuluyang tumapos sa laban, 77-65, at panatilihin ang tiyansa ng Growling Tigers na makapasok sa Final Four.

Tinambakan ng UST ang UP sa fourth quarter, 23-12.

“Kailangan ang lamang natin ay ang pusong manalo, ang pusong Tomasino. Ang wish ko lang ay madala nila every game ‘yung puso na ‘yun,” ani UST head coach Bong dela Cruz. “Battlecry namin ngayon is ‘one possession at a time.'”

Naging mainit ang UP sa pagbubukas ng second half sa pangunguna ni guard Mikee Reyes na tumapos ng may siyam na puntos sa ikatlong yugto para sa 49-45 na kalamangan.

Ngunit nakabalik ang Tigers at naipasok ni Aljon Mariano ang malayong tres sa pagtatapos ng yugto, 54-53. Nagtala ng 13 puntos si Mariano, siyam sa second half, para makabawi sa naging masamang laro niya kontra FEU kung saan hindi siya naka-iskor.

 

Natapos ang third quarter na lamang ang Tigers, 54-53, bago unti-unting iniwanan ng UST ang UP sa ikaapat na yugto.

Nanguna si Reyes para sa UP gamit ang kanyang 22 puntos.

 

Susubukin ng Growling Tigers sa ipagpatuloy ang kanilang misyong makapasok sa Final Four sa kanilang muling paghaharap kontra Ateneo Blue Eagles sa Sabado, Agosto 30, sa Araneta Coliseum. D. R. M. Dioquino

***

BOX SCORES:

UST 77 – Abdul 21, Basibas 16, Mariano 13, Vigil 11, Subido 7, Sheriff 4, Lo 2, Gayosa 2, Lao 1

UP 65 – Reyes 22, Gingerich 9, Dario 9, Vito 8, Gallarza 7, Moralde 4, Lao 3, Juruena 3

Quarter Scores: 20-11, 36-29, 54-53, 77-65

LEAVE A REPLY