Junior Golden Tigresses lusot laban sa UE

0
267

30 Agosto 2014, 9:21 p.m. – NAKATAKAS ang UST Junior Golden Tigresses laban sa University of the East, 25-22, 16-25, 20-25, 25-21, 15-11, sa pagpapatuloy ng UAAP Season 77 girls’ volleyball tournament sa Adamson gym, Sabado.

Kahit isang set na lang ang kailangan ng Junior Lady Warriors para manalo, 2-1, hindi sumuko ang Tigresses at nagpamalas ng tikas para makabawi at iuwi ang panalo.

Nanguna para sa Tigresses sina Majie Mangulabnan at team captain Pauline Gaston na tumipa ng pinagsamang pitong puntos upang makalayo sa simula ng ikalimang set, 9-2.

Hindi na pinagbigyan ng UST ang Junior Lady Warriors matapos ang magkasunod na spike at block nina Alyssa Teope at Eya Laure para makarating sa match point, 14-11.

Natapos ang laro sa error ni Kate Acuzar ng UE, 15-11.

Tangan ng UST ang impresibong 8-1 na kartada.

Ikinatuwa ni assistant coach Yani Fernandez ang nilaro ni reserve Audrey Bolintiam na pumutok sa ikaapat na set para panatiling buhay ang UST.

“Malaking bagay talaga kapag nakakalamang kami sa simula at si Bolintiam ang nagsimula nung rally namin,” ani Fernandez. “Attitude nalang talaga sa laro ang kailangan bigyan ng tuon.”

Ang service ace ni Bolintiam ang tumapos sa ikaapat na set para ma-puwersa ng Tigresses ang huling yugto.

Sa ikalawang set, nabaon sa sariling errors ang UST dahilan upang tambakan ng Lady Warriors, 10-21.

Pagdating ng ikatlong set, mas naging dikit ang naging bakbakan ng dalawang koponan matapos buhatin ni Eya Laure ang UST para makalapit sa UE, 20-23.

Ngunit bigo ang Tigresses matapos ang dalawang magkasunod na errors, 20-25.

Nanguna para sa UST si Laure na may 23 puntos.

Sa kanilang naging laban kontra University of the Philippines noong nakaraang linggo, pinataob ng UST ang Junior Lady Maroons sa loob ng tatlong set para sa kanilang ika-pitong panalo. J. D. G. Saynes

LEAVE A REPLY