MAKARAANG bumaba sa katungkulan ang direktor ng UST Institute of Physical and Athletics na si Fr. Jannel Abogado, O.P, nagwika ng panghihinayang ang ilang miyembro ng men’s at women’s volleyball team.

Sa kaniyang Twitter account, nagpahayag ng simpatiya si Eya Laure sa pamamagitan ng pagpalit ng profile photo kasama si Abogado. “Si Father J ang isa sa mga dahilan kung bakit ako/kami nasa UST ngayon,” wika ni Laure sa kaniyang tweet.

Ibinahagi rin ng miyembro ng Tiger Spikers na si Vantracy Prudenciado sa Varsitarian ang kaniyang saloobin.

“Ang lungkot kasi kung hindi dahil sa kanya, walang mangyayari sa akin dahil siya ang sumagot at pumirma ng mga expenses ng mga athletes at kailangan ng mga atleta, lalo sa akin sa pagpaopera ko sa [ACL injury] ko,” aniya.

Dagdag pa ni Golden Tigress Janna Torres, “Nakita at na-experience kasi namin mismo ‘yong kabaitan ni Father Janel. Pinaramdam niya din po na may malasakit siya samin, hindi lang basta player lang. Pero gano’n pa man, ni-remind naman po kami na walang magbabago sa suporta ng UST.”

Ang dating athletics director na si Fr. Ermito de Sagon, O.P. ang napiling kapalit ni Abogado. Nangyari ito matapos mapabalita ang “Sorsogon bubble” ng UST Growling Tigers at tuluyang pag-alis ni CJ Cansino sa koponan.

LEAVE A REPLY