ISANG BUWAN matapos ilunsad ang kampaniyang “Huwag Kang Papatay,” muling nanindigan ang Simbahang Katolika na ipagpapatuloy nito ang nasimulang proyekto upang pigilan ang dumarami at lumalalang kaso ng pagpatay sa mga hinihinalang kriminal sa bansa.
Inilunsad ang “Huwag Kang Papatay” ng Arkidiyosesis ng Maynila noong ika-25 ng Hulyo, sa pamamagitan ng pag-alay ng Banal na Misa para sa mga hinihinalang drug pushers na pinatay sa ilalim ng administrasyong Duterte. Idinaos ang kampanya kasabay ng unang State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay P. Atilano Fajardo, direktor ng Public Affairs Ministry ng arkidiyosesis at tagapagtaguyod ng kampanya, patuloy na magdaraos ng buwanang Misa ang parokya ng San Vincente de Paul para sa mga biktima ng extra-judicial killings.
“Ang kahalagahan ng pagmimisa natin sa kaluluwa ng pinaslang ay bigyan ng pagkakataong magsisi ang bawat isa,” ani Fajardo sa isang panayam sa Varsitarian.
Mayroon umanong mabuting maidudulot ang pagmimisa sa mga pamilya ng namatayan.
“Kapag nagmimisa, natutugunan ang mga paghihirap na dinaranas ng pamilya. Nararamdaman nila na handang sumuporta sa kanila ang Simbahan. Napapawi `yung hatred, revenge, at vengeance na nasa puso nila,” wika ni Fajardo.
Bukod sa pagmimisa, nilalayon ng Simbahan na mag-organisa ng isang forum na maaaring maglabas ng hinaing ang mga pamilyang namatayan.
Bukas din umano ang Simbahan sa pagtulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship at kabuhayan sa mga kaanak ng mga biktima.
‘Sacrificial victims’
Mariing iginiit ni Fajardo na hindi lahat ng napapaslang ay tunay na nagkasala. Dagdag pa niya, “sacrificial victims” lamang ang ilan sa mga ito.
“Orchestrated” din lamang umano ang ilang crime scenes na ipinapakita sa telebisyon, base sa kaniyang panayam sa mga kaanak ng mga biktima sa programang “Barangay Simbayanan” ng Radio Veritas.
Ayon kay Fajardo, posibleng “magka-ubusan tayo ng lahi” kung magpapatuloy ang mga ganitong pangyayari. Kinuwestiyon niya ang pahayag ng pulisya na bumababa diumano ang kriminalidad sa bansa.
“You know, the statistics are as bright as the sun. Sa dami ng pagpatay, paano bababa ang krimen? Kaya `yung pangako ng pagbabago, hindi ko alam kung paano iyon,” ani Fajardo.
Mahigit 1,700 katao na ang namatay at halos 600,000 na gumagamit ng ilegal na droga ang sumuko mula nang maupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong katapusan ng Hunyo.
‘Masahol pa sa ISIS’
Muli namang kinondena ni Fajardo ang kawalan ng pangkalahatang pagtutol ng mga Pilipino sa walang awang pagpatay sa mga pinaghihinalaang drug pushers at inihambing ang mga pagpatay sa gawain ng teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
“Mas masahol pa tayo sa ISIS. Kinakain natin araw-araw ang kamatayan ng kapwa natin Filipino, pero walang gustong magsalita,” ani Fajardo.
Dagdag pa niya, walang silbi ang pagka-Katoliko kung hindi ipaglalaban ang utos ng Diyos.
“Hindi tayo stumping mark ng isang presidenteng hindi naniniwala sa tamang pamamaraan ng batas,” wika ni Fajardo.
Alternatibong paraan
Sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa hiwalay na panayam sa Varsitarian na hindi kamatayan ang solusyon sa problema sa droga ng bansa.
“Hindi lamang ito labag sa doktrina ng Simbahan, labag din ito sa ating pagkatao. Katoliko ka man o hindi, bawal ang pumatay nang walang due process,” ani Pabillo.
Ayon sa obispo, karapatan ng lahat na dumaan sa tamang proseso ng batas. Hinimok niya ang mga kabataan na ilakas ang kanilang mga boses upang maiparating sa kinauukulan ang kanilang mga reklamo.
“Dapat ay maging seryoso tayo to fight drugs in our families and in our communities,” dagdag ni Pabillo.