HINIKAYAT ng Papa Francisco ang mga kabataan na manalig sa Birheng Maria at sundin siya bilang ehemplo ng pagiging misyonero at disipulo sa ika-7 Asian Youth Day sa Yogyakarta, Indonesia noong ika-2 hanggang ika-6 ng Agosto.
“His Holiness invites them to look to the Mother of the Lord as a model of missionary discipleship, to speak to her as they would to a mother, and to trust always in her loving intercession,” wika ni Cardinal Pietro Parolin, kalihim ng estado ng Holy See, sa isang telegramang ipinadala para sa mga kalahok sa Youth Day. “He prays that young people from across Asia will listen ever more attentively to God’s call and respond with faith and courage to their vocation,” dagdag pa ng kardinal.
Binigyang-diin naman ng isang arsobispo ang pagkakaisa ng mga kabataang Katoliko sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang kultura at nasyonalidad. Wika ni Ignatius Suharyo Hardjoatmodjo, arsobispo ng Jakarta, ang pananampalataya ang dahilan ng pagkakaisa ng mga kalahok sa Youth Day.
“In this event, we do realize and experience that those differences cannot separate us, but the differences show the richness of the united humanity instead. It proves that the power of faith, hope and love unites us,” wika ni Suharyo.
Pinaalalahanan din ni Suharyo ang mga kabataang Katoliko na isabuhay at ibahagi ang kaligayahan ng Ebanghelyo. “If we really live the Gospel in our day-to-day life and experience the joy of the Gospel, our life will reflect the glory of the Lord,” ani Suharyo sa pagtatapos ng Misa ng taunang Youth Day.
Wika niya, isang paraan upang maibahagi ang pananampalataya sa kapuwa ang pagsasabuhay ng Ebanghelyo sa pang-araw-araw na buhay. “God’s glory is powerful to renew the life. It shines from individuals who are united by love,” wika niya.
Para kay John Kit Estuya, regional youth leader ng Central Luzon Regional Youth Ministry, pagkakataon ang Youth Day upang makisalamuha sa kapuwa Katoliko at mga kapatid na Muslim sa kabila ng mga pagkakaiba ng kultura at pananampalataya.
“Hindi natin magagawang tanggapin ang ating mga kapatid sa pananampalataya kung hindi tayo magiging bukas sa katotohanang nilikha tayong may iba’t ibang kultura at pinangagalingan,” wika ni Estuya sa isang panayam sa Varsitarian.
Wika niya, isang pagkakataon ang youth day upang magbalik-loob at mapalapit sa Panginoon sa kabila ng “spiritual dryness.” Wika niya, nagtutulak ito sa kaniya upang patuloy na ibahagi ang pananampalataya sa kapuwa bilang isang kabataang lider.
“Natagpuan kong muli `yung init ng pagmamahal ni Kristo na siyang nagsilbing inspirasiyon ko noon upang maging isang kabataang lider sa aking parokya. Nabuksan ang aking mata para muling makita ang kahanga-hangang paggalaw Niya sa buhay ko,” wika ni Estuya.
Maayos na paggamit ng social media
Tinalakay ni Obispo Joel Baylon ng Legazpi, sa isang plenary session, ang lenguwahe ng mga kabataan, kung paano gamitin nang tama ang social media at paano ito maging isang instrumento upang maibahagi ang Ebanghelyo at pananampalataya.
“Ito ay nag-iwan sa akin ng hamon na huwag matakot maging kakaiba sa panahon ng modernisasyon at matutong tumayo sa sariling paa nang may paninindigan gamit ang mga turo ni Hesus bilang gabay,” wika ni Kevin Macandile, youth coordinator ng Diyosesis ng San Pablo.
Para kay Macandile, ipinapaalala ng Youth Day sa mga kabataan na ipalaganap ang Ebanghelyo sa harap ng mga pagbabago sa lipunan.
“Sa panahon ng materyalismo, modernisasyon at pagkakaiba-iba ng kultura, ito ay masasabi kong mahirap o ‘suntok sa buwan’ ngunit ang pagiging ganap ng hamon na ito ay magbibigay ng kaligayahang tanging ang Panginoon lamang ang makakapagbigay sa atin,” wika ni Macandile.
Ayon naman kay Estuya, hinikayat ang mga kalahok ng AYD na maging “online missionaries of God” sa panahon ng social media at fake news na sabi niya ay nagdudulot ng pagkakawatak-watak.
“Sa panahon ngayon na inaabuso ang paggamit ng social media, napapanahon ang naging session – workshop upang bigyang-diin na marapat na gamitin ang social media ayon sa kung bakit nga ba ito ginawa, at ito ay ang maghatid ng pagkakaisa at pagtatagpo,” wika ni Estuya.
Dinaluhan ng mahigit 2,000 kabataan mula sa 22 bansa sa Asya ang Youth Day na may temang “Joyful Asian Youth! Living the Gospel in Multicultural Asia.” Pinamunuan ito ng Federation of Asian Bishops’ Conferences Laity and Family Office Youth Desk.
Una itong ginanap sa Hua Hin, Thailand noong 1999 habang ginanap naman ang ika-5 na Youth Day sa Imus, Cavite noong 2009. Gaganapin ang susunod na Asian Youth Day sa India sa 2020. Naghahanda na rin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth sa National Youth Day na gaganapin sa Zamboanga City sa ika-6 hanggang ika-10 ng Nobyembre.