Mabilis na tinugunan ng lokal na Simbahan ang kaso ng human trafficking na isinampa sa isang 55-anyos na pari na nahuling may kasamang 13-anyos na dalagita sa isang motel sa Marikina noong ika-28 ng Hulyo, ayon sa isang miyembro ng Pontifical Commission on Protection of Minors.
Wika ni Gabriel Dy-Liacco, psychotherapist sa Emmaus Center for Psycho-Spiritual Formation, na nagbibigay serbisyong psychotherapy, pastoral counseling at konsultasiyon sa mga lider ng simbahan, relihiyoso, propesyonal at laiko, naging mabilis at mahigpit ang pagtugon ng mga obispo sa kaso ni Msgr. Arnel Lagarejos alinsunod sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Pastoral Guidelines on Sexual Abuses and Misconduct by Clergy o protocols.
“Our bishops readily saw the need to be proactive in their fight against the scourge of abuse against minors and vulnerable adults in all its forms, and especially child sexual abuse by clerics and church personnel,” wika ni Dy-Liacco sa isang panayam sa Varsitarian.
Una nang naglabas ng pahayag ang Diyosesis ng Antipolo na hindi na maaaring magsilbi bilang kura paroko si Lagarejos ng St. John the Baptist Parish at magsilbi bilang pangulo ng Cainta Catholic College habang iniimbestigahan ang kaniyang kaso.
Itinalaga ng Diyosesis ng Antipolo, na may hurisdiksyon sa kaso ni Lagarejos, ang dating arsobispo ng Lingayen-Dagupan na si Oscar Cruz upang pamunuan ang imbestigasiyon para sa ipapasang report sa Vatican.
Nilinaw ng lokal na Simbahan na aktibo silang makikipagtulungan sa Estado sa mga kaso ng pang-aabuso na sangkot ang mga pari.
Isinasaad rin sa dokumentong ito na walang pari na may nakabinbin na kaso ang papayagan na lumabas ng diyosesis, at mananatili siya sa ilalim ng hurisdiksyon ng obispo.
Sa kabila ng kritisismo na pinagtatakpan diumano ng Simbahan ang mga ganitong kaso, nilinaw sa dokumento na sadyang confidential ang imbestigasyon upang protektahan ang biktima at iba pang sangkot.
“Throughout its history, the Catholic Church has viewed slavery as an evil that is directly against the dignity of the human person. I cannot emphasize enough how dehumanizing this modern form of slavery is both to the victims of the crime and its perpetrators, but most especially, to the victims,” wika ni Dy-Liacco.
Matatandaang inilabas ng CBCP ang protocols nito sa mga kasong pang-aabuso noong 2003, kasunod ng paghingi ng tawad ng Papa Juan Pablo II sa pang-aabuso sa mga menor de edad.
Desisyon ng Vatican
Nakatakdang maglabas ng desisyon ang Congregation for the Doctrine of Faith sa Vatican tungkol sa kaso ni Lagarejos.
Itinuturing ng Canon Law na “pedophilia,” “grave” at “serious offense” ang isang kaso na mayroong biktimang 13-anyos pababa.
Makatatanggap ng “just penalties” ang mga paring mapatutunayang sumira sa kanilang vow of celibacy kasama na rito ang pangmomolestya sa menor de edad.
Paliwanag Dy-Liacco, sa oras na mapatawan ng just penalties si Lagarejos, hindi na maaaring magpakilala si Lagarejos bilang pari at mamuno sa mga sakramento tulad ng misa at pangungumpisal.
“The legal status of the priest or deacon changes. He now has the status of a lay person, not a cleric,” wika niya.
Ayon kay P. Jim Achacoso, executive secretary ng Canon Law Society of the Philippines, nananatiling inosente si Lagarejos habang nasa imbestigasiyon pa ang kaniyang kaso at hindi siya napapatunayang may sala.
“It is wrong that Fr. Lagarejos is being pilloried in the forum of public opinion instead of being given due process—which should include respect for his good name,” wika niya.
Ayon sa isang imbestigador mula sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Marikina City police, sinampahan si Lagarejos ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act na nauugnay sa Sec. 13 ng RA 1034 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Noong ika-1 ng Agosto, nakapagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan si Lagarejos sa halagang P120,000. Kung mapatunayang may sala, maaari siyang makulong hanggang 12 taon.
Bagaman nagpiyansa ang pari, nilinaw ni Cruz na walang ginastos ang Simbahan dito.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development ang biktima at ang 16-taong gulang na bugaw na tinaguriang “children in conflict with the law” dahil sa paglabag sa RA 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Ang kaso ng bugaw ay may P1 milyon hanggang P2 milyon na multa, at parusa na habangbuhay na pagkabilanggo.
Tumangging magbigay ng karagdagang detalye ang Marikina WCPD dahil sa pagiging confidential ng kaso.
Hamon sa mga layko
Bagaman naging mabilis ang pagtugon ng Simbahan sa kaso ng human trafficking laban kay Lagarejos, ikinalungkot ni Dy-Liacco ang pagkukulang sa pakikiisa ng mga layko laban sa nasabing isyu.
“[They have acted] according to the protocol, offering assistance immediately to the victim and her family, immediately withdrawing the accused from public ministry and placing him on strict restrictions,” wika ni Dy-Liacco.
Dagdag pa niya, kung may pagkukulang sa aksiyon ang Simbahan sa mga ganitong isyu, kinakailangang tumulong din ang mga layko dahil mas marami sila kaysa sa mga lider ng Simbahan.
“I think we, as laity, can do more, and more active and concrete contributions from more of us will strengthen the fight against human trafficking,” wika ni Dy-Liacco.