PINATUNAYAN ni Blessed Justus Takayama Ukon na walang kultura o lahi ang magiging balakid sa pagsunod kay Hesus.
Naging samurai, daimyo at master ng tea ceremony man siya, tinalikuran niya ang lahat ng kayamanang dala ng mga titulong ito upang ipagpatuloy ang kaniyang buhay bilang Katoliko noong panahon na ipinagbawal ang Kristiyanismo sa Japan.
Ipinatapon siya kasama ang 300 na Kristiyanong Hapon at tumungo sa Pilipinas upang manirahan dito.
Pagkatapos ng 44 na araw ng pamamalagi ni Takayama sa Filipinas, namatay siya sa edad na 63 dahil sa mataas na lagnat. Sa nalalabing araw niya, pinagtulay niya ang Filipinas at Japan gamit ang pananampalataya.
Itinuturing si Takayama na simbolo ng pagkakaibigan ng Filipinas at Japan dahil sa pagsisilbing alaala na nagkasundo ang mga Pilipino at Hapon bago ang trahedyang idinulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Filipinas.
Noong ika-7 ng Pebrero, ginanap ang kaniyang beatificatio—ang huling hakbang sa pagiging santo —ni Takayama sa Osaka, kung saan siya ipinanganak. Pinamunuan ito ni Cardinal Angelo Amato, prefect ng Congregation for the Causes of Saints.
Matatandaang pinangunahan ng Arkidiyosesis ng Maynila ang unang petisiyon sa pagiging santo ni Takayama noong 1630 bilang pagkilala sa hindi niya pagtalikod sa pananampalataya sa kabila ng nakagisnang yaman at titulo sa lipunan. Si Takayama rin ang unang nirekomenda ng arkidiyosesis para sa pagkasanto sa Vatican.
Ito naman ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng simbahan sa Japan na mag-isa ang pagproseso sa pagka-santo ni Beato Takayama Ukon. Kadalasang hinahati ng Vatican sa apat na pangkat ang mga kandidato sa pagiging santo. Ang beatification ni Takayama ang ika-lima sa Japan mula nang 1627.
Paninindigan sa pananampalataya
Wika ni Yoshihiro Shintani, alkalde ng Toyono, naging tapat si Takayama sa kaniyang pananampalataya kasabay ng mabuti niyang pamumuno bilang isang daimyo.
“He was not just a samurai but also a good leader. He gave up everything because of the religion, Christianity. I think that is the best thing that he [had] done because he was a samurai and he was living in a castle,” wika ni Shintani sa isang panayam sa Varsitarian.
Nang iutos ng “great unifer” ng Japan na si Toyotomi Hideyoshi na kailangang talikuran ni Takayama ang pagiging Kristiyano upang ipagpatuloy ang pagiging daimyo, pinili ni Takayama na umalis ng Japan.
Kasama ang kaniyang asawa na si Doña Justa Takayama, dumaong sila sa Intramuros kung saan dating matatagpuan ang Santo Domingo Church, para ibigay ang imahen ng La Japona ng Our Lady of Rosary.
Galing ang imahen ng La Japona sa dating gobernador heneral na si Luis Perez Dasmariñas, na nagbigay din ng imahen ng Our Lady of La Naval sa mga Pilipinong Dominikanong misiyonaryo.
Nakapagtayo ang mag-asawang Takayama ng nihon-machi, ang komunidad ng Hapones sa timog-silangang Asya. Pumasok sa seminaryo ang ilan sa mga kasama nila na Kristiyanong Hapon. Hindi kalaunan, naging mga pari sila at tinawag na mga paring dilao.
Una nang itinayo ang rebulto ni Takayama sa Plaza Dilao sa Paco, Maynila noong 1977 bilang pag-alala sa humigit kumulang 300 na Katolikong kasama niya na piniling mangibang-bayan dahil sa kanilang pananampalataya.
Takayama bilang samurai
Wika ni Ken Nakamura, direktor ng Japan Information and Cultural Office, bunga ng mga desisyon ng mga matatapang at matapat na tao ang kasalukuyang pagtanggap ng pagkakaiba ng bawat isa at kalayaan sa pananampalataya.
“Religious freedom, tolerance for diversity were consequences of crucial decisions made. Guided by the lives of the brave and upright such as that of Lord Takayama, it is my sincere hope we will continue to uphold what is right, just and true,” wika ni Nakamura nang ipagkaloob sa UST ang “Toyonocho marker” ng mga kinauukulan mula sa bayan ni Takayama sa Toyono, Osaka, Japan noong ika-29 ng Hulyo.
Nang maipit si Takayama sa agawan ng teritoryo sa Osaka ng mga daimyo na sina Araki Murashige at Oda Nobunaga, pinagbantaan ni Nobunaga si Takayama na ipapapatay niya ang lahat ng Kristiyano at sisirain ang lahat ng simbahan sa Tatsuki kung hindi niya isusuko ang kaniyang kaharian.
Bilang isang samurai, kinailangan ni Takayama na sumunod sa kaniyang daimyo na si Araki. Ngunit alam niya na ang pagsunod niya sa pagbibigay ng kaniyang palasyo kay Nobunaga ang magiging mitsa ng isang digmaan at kapahamakan ng kaniyang nasasakupan.
Dahil dito, nagpakalbo si Takayama – ang tanging paraan na hindi niya susuwayin ang code of honor ng mga samurai at upang sagipin ang mga kapuwa niya Katoliko. Naging tanda ito ng kaniyang pagtalikod sa pagiging samurai.