Alejo: ‘Pagiging makatao, ‘di natatapos sa pagiging mabuti’

0
4342
Nagbibigay si P. Albert Alejo ng pangwakas na pananalita sa isinagawang solidarity Mass at candle lighting para sa 36 na indibidwal na nahaharap sa kasong sedisyon noong ika-6 ng Agosto sa Shrine of Jesus the Divine Word sa Lungsod Quezon. (Kuha ni Arianne Maye D.G. Viri/ The Varsitarian)

BINIGYANG-DIIN ng Tomasinong Heswita na si P. Albert Alejo na hindi dapat natatapos sa pagiging mabuti ang pagiging makatao kung hindi pati sa pagiging totoo.

“Hindi sapat ang hayaan mo ang mga biktima ng pagpatay, kailangan usisain kung sino ang mastermind ng pagpatay. Hindi sapat ang pag-rehabilitate ng mga drug addicts, kailangan usisain natin kung sino ang utak ng sindikato ng droga,” wika ni Alejo sa pangwakas na pananalita sa isinagawang solidarity Mass at candle lighting para sa 36 na indibidwal na nahaharap sa kasong sedisyon.

Dagdag pa ni Alejo, isa sa mga paring nahaharap sa kasong sedisyon, maliban sa pagpanig sa katotohanan, marapat din na sugpuin ang mga huwad sa lipunan.

Iginiit din ni Alejo na hindi sapat ang pakikiisa lamang sa mga biktima ng karahasan dahil mayroon ding pangangailangan sa pag-usisa sa katotohanan sa likod ng mga ito.

It is not enough that we take care of those who are dead. We have to investigate who led the act of killings. [W]e must resist the temptation of disconnecting doing good and seeking the truth,” giit ni Alejo.

Winika naman P. Daniel Franklin Pilario na ang kawalan ng katarungan sa mga taong tinutuligsa dahil sa pagsisiwalat ng saloobin ng lipunan ang malaking hamon sa bansa sa kasalukuyan.

The real challenge today is not on the mountain high, but on the plain, [W]here victims suffer and cry [and] elect for their lives but still die,” wika ni Pilario.

Dagdag pa niya, kung sino pa ang mga taong may pakialam na “nagsalita, tumulong at tumutol,” sila pa ang tinutugis.

Ayon kay P. Angelo Cortez, executive secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMSRP), walang dapat ikatakot ang mga taong tinutuligsa sa pagpanig sa katotohanan.

“Tayo ay nakikiisa sa kanila, at binabasag natin ang ating katahimikan upang ipakita hindi lamang ang ating pagbubuti kundi ang ating pakikiisa na tama ang lahat ng ito,” wika ni Cortez.

Hinimok naman Sr. Elenia Belardo, mula sa Rural Missionaries of the Philippines, ang pamahalaan na ihinto ang pag-uusig sa mga lingkod ng Simbahan na nagtatrabaho lamang para sa katarungan at kapayapaan.

Sina Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, P. Flaviano Villanueva, P. Robert Reyes at Padre Alejo ang ilan sa mga sinampahan ng kasong sedisyon.

Sinampa ang kaso sa mga sinasabing sangkot sa “Ang Totoong Narcolist” na serye ng video na ikinalat ni Peter Advincula alyas “Bikoy.”

Inorganisa ng AMSRP ang solidarity Mass at candle lighting noong ika-6 ng Agosto sa Shrine of Jesus the Divine Word sa Lungsod Quezon para sa mga sinampahan ng kaso. with reports from Malic U. Cotongan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.