ISANG manananggal ang humahayo mula sa isang manunulat sa tuwing babagtasin ng huli ang mundo ng hindi pangkaraniwan.

Ganito ang pagsasalarawan ni Edgar Calabia Samar sa kaniyang mula sa pagsulat sa kaniyang librong “Halos Isang Buhay: Ang Manananggal sa Pagsusulat ng Nobela” (UST Publishing House, 2013), ang nag-iisang kandidato ngayong taon para sa Isagani R. Cruz Prize for Literary Criticism/Literary History in a Philippine Language sa National Book Awards.

Aniya, ang kathang-isip ay maaaring maging inspirasyon sa pagsusulat lalo na isang nobela.

Nahahati ang akda sa limang kabanata na tumatalakay sa iba’t ibang karanasan ng isang manananggal—simula sa gabi ng pagkakapunit ng kaniyang laman, paghihiwalay ng kaniyang katawan hanggang sa pagbalik sa nahating bahagi ng katawan sa naiwang katauhan, at ang koneksiyon ng nilalang na ito sa mundo ng pagsusulat.

Sa unang kabanata na “Pagbabasa, Pag-iisa, at Pagiging Iba,” isinasalaysay ni Samar na nakikita niya ang kaniyang sarili sa isang manananggal na namumuhay at nakikipagsalamuha sa mundo ng mga tao ngunit nananatili pa ring mag-isa sa sarili nitong mundong walang sinuman ang nakapapasok. Ayon sa kaniya, ganito ang kaniyang mundo bilang isang manunulat at mambabasa. Pagbabasa ang nagtulak sa kaniya upang maging isang manunulat sapagkat sa pagbabasa nagkakaroon ang manunulat ng maisusulat.

Mas pinipili raw ni Samar magbasa at mapag-isa kaysa makihalubilo sa iba. Tulad ng isang manananggal, kinakailangan niyang lumayo upang “humanap ng espasyo’t panahon” na makapagbasa para mahikayat siyang magsulat ng mga akda.

Sa sumunod na kabanatang “Pagkatha at Pagbabagong-Anyo,” ikinukuwento niya ang mapait na katotohanang kailangang harapin ng isang manunulat: ang mga manananggal na “hindi nauunawaan nang lubos, sinasaktan at kung maaari’y pinapaslang” ay tinutugis ng mga mamamayan na may hawak na bawang, asin, at rosaryo. Ang manunulat at ang kaniyang katha ay nakararanas din ng ganito, ang tawag nga lang sa mga humahabol at nagnanais pumaslang sa kanila at sa kanilang akda ay tinatawag na kritiko.

READ
On how to swim

Humaharap sa maraming batikos ang manunulat kasama ng kaniyang isinulat. Bukod sa mga kritiko, nariyan din ang mga mambabasa pati na rin ang mga taong hindi naman nakapagbasa ngunit hindi nakaiwas at tinamaan ng akda.

Sa ikatlong kabanata, “Pagpapailanlang at Pagsisiyasat,” binanggit ni Samar ang tuluyang pagkakahati ng katawan ng isang manananggal. Ang itaas na bahagi ay patuloy na lilipad sa madilim na kalangitan samantalang ang mga paa nito ay mananatiling nasa lupa na maghihintay sa pagbabalik ng kabiyak.

Lumilipad ang malikhaing isipan ng manunulat gaya ng itaas na katawan ng manananggal sa mundo ng malikhaing kaisipan ngunit maiiwan ang kaniyang katawan sa realidad at mundo ng pangkaraniwang katotohanan. Kailangan ang paglayo upang magkaroon ng ibang pananaw upang makasiyasat at masiyasat.

Pagpaslang upang mabuhay naman ang pahiwatig ng ikaapat na kabanata na “Pagpaslang at Paghihimagsik.” Binabanggit niya ang tauhang si Elias sa nobela ni Jose Rizal na “Noli Me Tangere” bilang foil ni Crisostomo Ibarra, pangunahing tauhan sa nobela.

Ayon kay Samar, pinagsisihan ni Rizal ang pagpaslang kay Elias sa huling bahagi ng nobela. Isa mang interesanteng karakter ng nobela, siya ay nagluluwal ng maraming pagsisiyasat kung kaya kinailangan siyang paslangin dahil “nagwawakas ang anumang posibilidad ng pagsisiyasat sa kamatayan.”

Gaya ng manananggal, kinakailangang paslangin ng manunulat ang anumang magdudulot ng pagsisiyasat sa kaniyang akda.

Sa pagtatapos ng madilim at mahabang gabi, babalik ang manananggal upang hanapin ang katawang naiwang naghihintay sa lupa. Ito ang nilaman ng huling kabanatang “Pagpapakatao at Paninindigan.” Dito winika ni Samar na matatagumpay man o bigo ang manunulat sa “layuning pagpailanlang at pagsisiyasat, pagpaslang at paghihimagsik,” kinakailangang bumalik ng manananggal sa kaniyang katawan at ng manunulat sa buhay na kaniyang kinagisnan.

READ
Poinsettia

Matapos ang pagdayo sa ibang mundo na hindi abot ng sangkatauhan, sinabi ng may-akda na patuloy at hindi siya magsasawa. Patuloy niyang papangaraping “maging tao muli, umaasang matagpuan ang ganap na pagpapakatao sa paninindigan para sa mga katotohanang sa nobela maisasanaysay,” at sa “nobela magkakaroon ng saysay.”

Malinaw ang pagkakasalaysay at paghahambing ni Samar sa manananggal at manunulat ng isang nobela. Malikhain ang paggamit niya sa kathang-isip na nilalang upang ihalintulad sa paglikha ng katha.

Sinasalamin ni Samar ang isang aral ng buhay na kadalasang nalilimutan—ang pagbabalik, paghaharap at muling pagpapatuloy ng buhay sa kabila ng pagtugis, pagbatikos, pagpaslang at pagkabigo sa ilalim ng madilim na kalangitan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.