BAKYA.

Ito ang karaniwang persepsyon sa Tagalog romance pocketbooks. Ilan-ilan na rin ang nagsasabi, partikular na sa akademya, na nakakapurol ng kasanayan sa pagbasa at panlasa sa “mas mataas na sining” ang pagkahumaling rito.

Gayon man, bakas pa rin sa mga mukha ng mga mambabasa ang kilig at kasiyahan sa pagbabasa ng mga nobelang tila pabalat at pangalan lamang ng mga karakter ang nagbabago. Hindi rin maikakaila na sa kabila ng pagdaan ng panahon at paglabas ng mga alternatibong libangan, nananatiling malakas ang industriyang ito.

Masayang negosyo

Maraming tagalimbag ng mga romance pocketbooks ang matagal nang nakatayo at naglilimbag hanggang ngayon.

Isa sa mga ito ang Bookware Publishing, tagalimbag ng seryeng My Special Valentine Romance, na nasa pamilihan na mula pa noong 1992.

Ayon kay Lanze Diomampo, tagapamahalang patnugot ng Bookware, naglilimbag sila ng 12 titulo na may 10,000 na sipi sa isang buwan na nagkakahalagang 20 hanggang 35 piso bawat kopya.

Ayon naman kay Malou Medina, isa ring patnugot sa Bookware, sinusuri nila ang istorya base sa kung ano ang pinakamabili.

“Dapat romantiko at madaling basahin ang istorya dahil ang Tagalog romance ay paraan ng pag-aaliw at kadalasan pagtakas din sa tunay na buhay,” ani Medina.

“Gusto ng mga mambabasa ang mga boy-meets-girl na tipo ng istorya.”

Subalit habang tumatagal, nagbabago ang pormulasyon ng Tagalog romances, ayon kay Medina. Kung noon uso pa ang mga boss-secretary at maid-boss na kwento, ngayon, mas tinatangkilik na ng mga mambabasa ang mga “upscale” na tauhan gaya ng mga young urban professionals. Ginagamit na rin nila ang kaswal at modernong tagalog sa halip na makaluma.

READ
Tomasinong rebelde ng panulaang Filipino

Ayon kay Diomampo, dala ng tumataas na antas ng pamumuhay ang pagbabago sa panlasa ng masa.

“The market now would want to imagine themselves in a higher state,” aniya.

“Kailangan lang matukoy kung ano ang gusto ng target market at ibigay ‘yon,”

Pang-aliw lamang

Hindi rin mababang klase ang lahat ng awtor ng Tagalog romance na nagsusulat lamang upang kumita. May ilan na rin sa mga sumubok magsulat nito ang nakahanap ng kasiyahan rito.

Isa rito si Michelle Rinosa, dating mag-aaral ng advertising sa UST College of Fine Arts and Design, na sumulat ng dalawang libro para sa AQL Publishing, tagalimbag ng Twin Hearts Romance.

Dating freelance book cover designer sa AQL, napasok ni Rinosa ang pagsusulat ng Tagalog romance dahil sa pagbabasa niya ng mga complimentary copies ng nagagawan niya ng disenyo.

Tinapos niya sa loob ng isang linggo ang una niyang nobela samantalang inabot lamang ng tatlong araw ang pangalawa.

“Masaya ang pakiramdam kapag nakakatapos ka ng ganitong uri ng panitikan lalo na’t kinaaaliwan ito ng mga mambabasa kahit na hindi ito pam-Palanca,” aniya.

Ayon sa Bookware, bagaman hinulma ang kanilang mga libro para sa masa, isinasaisip din nila ang intelektuwal na kapakanan ng kanilang mga mambabasa “kahit sa mababaw na antas lamang.” Aniya, kung hindi man kayang sahugan ng Tagalog romance ng bagong sangkap ang panitikang Filipino, nakapagtuturo naman ito ng mga praktikal na bagay sa pang araw-araw na pamumuhay gaya ng basic social skills pati na rin ang wastong paggamit ng Ingles.

Idiniin din ni Diomamapo na bago maimulat ang masa sa “mas mataas” na panitikan, kailangan mabuhay muna ang interes nila sa pagbabasa.

READ
Parola: Gabay ng kasaysayan

“Gaya sa ibang nasyon, mahalaga ang pagbabasa. Dahil kung nais nating pataasin ang panlasa ng mga Pilipino, kailangan muna natin silang turuan. Likas na mababaw ang masa. Nandoon kasi ang buhay, nandun ang saya,” aniya.

Mataas na Panitikan

Sa paningin ng nakararami, nakasasagabal ang uri ng panitikang ito sa pag-usad ng panulatang Filipino sapagkat nakukulong ang mga mambabasa, sa “paulit-ulit na takbo ng istorya” at “magaspang” na istilo ng pagkukuwento sa halip na mabuksan sila sa mga ideya at pilosopiya ng mainstream literature o panitikan ng mga nakapag-aral.

Ang pangingilang na ito ng akademya at ng mga edukado, ayon kay Eros Atalia, mananaliksik ng UST Center for Creative Writing and Studies, ang sanhi ng kakulangan ng imersyon at pagtanggap sa literaturang ito.

“Hindi siya nababasa sa classroom kaya nababansagan siyang hindi maganda,” aniya.

Bilang dating manunulat ng Tagalog romance, isinaad niya na naging bunga ng simpatya ng manunulat sa karaniwang sentimiyento ng masa ang mga akdang ito. Aniya, nagmula naman sa kanonikal na pamantayan ng panitikan ang dominasyon ng akademya sa pagdikta ng mga dapat babasahin.

“Ano ba ang mataas na panitikan? Sinasabing mataas ang panitikan dahil mataas ang teorya at pamimilosopo. Samakatwid, hinahanap mo ang standard mo, ang cognition at mundo mo,” ani Atalia.

Dahil mababaw lamang daw ang napag-aralan ng masa, mababaw rin ang pamantayan at sakop ng kanilang imahinasyon, ani Atalia.

Dahil dito, iminungkahi niya sa mg mag-aaral, partikular na sa mga kumukuha ng kursong panitikan at peryodismo, na magbasa kahit paano ng ganitong uri ng panitikan. Aniya, isa itong paraan upang makapasok sila sa sikolohika ng karaniwang tao.

READ
'80s contraceptive pill returns

“Bakit hindi natin unawain kung bakit nila ito binabasa? Ano ‘yong nakikita nila na hindi mo nakikita? Malamang ito ang sasagot para mapaunland pa natin ang kultura ng pagbabasa,” aniya. Czeriza Shennille S. Valencia

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.