TILA binabagyo na rin ng mga suliranin ang Pagasa.
Ang kasalatan sa badyet na nakalaan para sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang itinuturong dahilan ng dalawang malaking problemang hinahaharap ngayon ng ahensiya—ang kakulangan sa mga bihasang weather forecaster at modernong kagamitan sa pag-uulat ng panahon.
Sa mga nakalipas na buwan, ilan sa mga beteranong forecaster ng Pagasa ang nagbitiw kapalit ng mas magandang trabaho sa ibang bansa.
Kabilang na rito ang dating administrador ng Pagasa na si Nathaniel Servando na ipinagpalit ang 23 taong panunungkulan sa ahensiya upang maging propesor sa isang unibersidad sa Qatar. Dumagdag din sa listahan si Ricky Fabregas na lumipat sa Republic of Congo.
Ayon kay Mario Palafox, officer-in-charge ng Weather Forecasting section, maituturing na nagkakaroon na ng brain drain sa ahensiya sapagkat patuloy na nangingibang-bansa ang mga dalubhasang forecaster upang doon ipagpatuloy ang propesyon.
Dagdag pa niya, ang mga natitirang forecaster ng ahensiya ay kakaunti at limitado pa lamang ang karanasan, kaya naman napakalaking kawalan ang pag-alis ng mga beteranong weather forecasters.
“Iyong mga natitira dito, karamihan mas mababa sa sampung taon pa lang ang karanasan, kalahati nito ay wala pang limang taong naninilbihan sa Pagasa,” ani Palafox. “Kakaunti na lang talaga iyong experienced at senior na matatawag.”
Ang pangunahing kwalipikasyon upang maging weather forecaster ng Pagasa ay ang kursong Meteorology, na inilunsad lang sa anim na unibersidad sa Pilipinas—University of the Philippines, Rizal Technological University, Mariano Marcos State University, Western Visayas State University, Bicol University at Central Luzon State University.
Binigyang-diin ni Palafox na ang kakulangan sa sweldo at benepisyo ang kadalasang dahilan ng paglisan ng maraming forecaster sa ahensiya.
“Hindi mawawala na may aalis at aalis, dahil kung ikukumpara iyong kita dito sa Pilipinas sa kinikita ng mga meteorologist sa ibang bansa, malaki talaga ang pagkakaiba,” aniya.
Bukod sa pagkawala ng mga bihasang forecaster ng Pagasa, nakaaapekto rin ang kakulangan ng badyet sa paghahatid ng mga eksaktong ulat ukol sa lagay ng panahon.
Sinabi ni Palafox na kakailanganin ng malaking pondo upang makabili ng mga modernong teknolohiya, gayundin ang mga kagamitang ginagamit upang mapanatili ang maayos na kondisyon ng kanilang mga instrumento.
“Kailangan pang gawing mas moderno ang mga kagamitan ng Pagasa, ngunit kapag maraming equipment, kailangan din ng mas malaking pondo para ma-maintain ang mga iyon,” ani Palafox. “Ang tugon diyan ay mabigyan kami ng sapat na pondo para ma-maintain ang mga kagamitan at makakuha ng mas moderno pang mga kasangkapan.”
Ayon kay Palafox, ang Doppler radar, isang weather surveillance radar, ang pinakabagong aparato na ginagamit ng Pagasa ngayon. Ito ay nakatutulong makapagbigay ng mas mabilis at mas akmang prediksyon sa kalagayan ng panahon sa paglalabas ng mga rainfall at thunderstorm warnings, na siyang napapakalat sa social networking sites.
“Binabantayan [ng Doppler radar] ang mga aktibidad ng ulap at hangin at nakapagbibigay ng magandang tantiya ng dami ng ulan na dala ng isang ulap,” aniya.
‘Not an exact science’
Ayon kay Palafox, hindi madaling tantiyahin ang pagbuhos ng thunderstorm dahil mabilis itong mabuo, dahilan kung bakit nahuhuli at nagkakamali ng ulat ang ahensiya, ngunit giniit niyang sinisikap ng Pagasa na mabilis na makapagbigay ng mga babala ukol sa galaw ng panahon matapos makita ang posibilidad na magkaroon ng isang thunderstorm.
“Sa loob ng isang oras, maaaring makabuo ng ulap at maaari na kaagad nitong ibuhos ang taglay na ulan,” aniya. “Napakahirap i-forecast noon kaya nagbibigay kami ng warning sa loob ng 30 minuto.”
Itinuro ring dahilan ni Palafox sa mga “pagkakamali” sa prediksyon ng panahon ang pagiging isang tropikal na bansa ng Pilipinas.
“Ang tropics kasi ay isang lugar na napakahirap bigyan ng forecast. Hindi tulad ng mga high latitude areas tulad ng America, dahil iyong weather system nila ay slow-moving, mabagal mabuo at [madaling] makikita ang galaw nila,” aniya. “Sa tropics kasi, mainit ang tubig kaya madaling makabuo ng weather system.”
Samantala, dinepensahan niya ang Pagasa mula sa mga batikos na tinatanggap nito ukol sa mga pagkakamali sa mga ipinakakalat na prediksyon.
“Weather forecasting is not an exact science,” ani Palafox. “Kahit gaano pa kaganda ang kompyuter at mga aparatong ginagamit, may mga pagkakataon talaga na hindi magtutugma ang prediksyon sa aktuwal na mangyayari. Rainfall is very variable in terms of time and space.”
Sa kabila ng mga kakulangan, sinabi ni Palafox na patuloy pa rin ang pananaliksik upang maisaayos at mapabuti ang pagbabalita ng panahon.
“Iyong mga numerical weather prediction models ay patuloy na ina-upgrade. Naghahanap kami ng magandang modelong aangkop sa [isang] tropikal na bansa,” aniya. “Tinutulungan naman tayo ng iba pang ahensiya ng Department of Science and Technology sa pananaliksik sa mga ito.”
Ang weather prediction model ay mga mathematical equations na may kakayahang i-forecast ang mga susunod na galaw ng mga weather systems.
Sinabi niya na malaki ang maitutulong sa ahensiya kung maisasabatas ang Senate Bill No. 10, kilala rin bilang Pagasa Modernization Bill of 2012, dahil magbubunsod ito ng pagkakaroon ng mas makabagong instrumento sa pagtataya ng panahon.
Hindi nagawang maipasa ang bill sa Senado dahil sa kakulangan sa quorum na mag-aapruba nito, kung saan sampung senador lamang ang dumalo sa pagpupulong. Upang maisabatas ang Pagasa Modernization Bill, kinakailangan ang pagsang-ayon ng 11 na senador.
“Kung maaaprubahan ito, dadami ang mga [modernong] aparatong gagamitin ng ahensiya. Habang dumadami kasi ang datos na nakukuha mula sa iba’t ibang kagamitan, iyong accuracy ng weather forecast ay tumataas din,” ani Palafox. Altir Christian D. Bonganay