“Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat” – (Filipos 4:6)
Tila trumpong umiikot ang buhay ng tao, nakikisabay sa mabilis na pag-inog ng mundo, hindi alintana ang anumang mga bagay na nakapaligid, subalit nababalisa sa napipintong paghinto.
Madalas dahil sa sobrang pagka-abala sa trabaho, paaralan, at iba pang mga responsibilidad, hindi na natin pansin ang Diyos at kapag hindi na nakayanan ang mga gawain, natutuliro agad at para bang gusto nang sumuko.
Mareklamo ako sa tuwing nahaharap sa mga suliranin at mga responsibilidad. Natatataranta at hindi malaman ang gagawin. Saka ko lamang naaalala ang Panginoon kapag dumarating sa puntong nais ko nang sumuko. Puro na lamang mga problema ang aking ibinubulong o kaya’y mga tanong kung bakit Niya ako pinahihirapan o pinababayaan sa tuwing tumatawag ako sa Kanya. Hindi ko man lang naisip na mayroon palang mali sa pakikipag-usap ko sa Diyos.
Minsang parang naibsan na ako ng mga problema, napadaan ako sa adoration chapel upang magdasal. Pagkatapos kong manalangin, nagtungo ako sa loob ng simbahan para sa misa. Tungkol sa tamang pagdarasal ang sermon ng pari noong araw na iyon. Ang pagtawag sa Kanya, hindi lamang para humiling ng kung anumang bagay, sa halip bilang pasasalamat sa lahat ng mga biyaya.
Naisip ko na dahil sa aking sobrang pag-aalala sa mga mumunting bagay, nakalimutan ko nang magpasalamat at magdasal sa Diyos. May kalakip pala dapat na pasasalamat ang aking mga pagsusumamo. Dapat kong tignan sa magandang anggulo ang aking mga alalahanin.
Mula nang matapos ang misa ng pari, parang nagbago ang ikot ng aking mundo. Nagpaalam na ako sa aking pagiging isang tulirong trumpo sa tuwing hindi ko na kayang umikot. Nagdadasal na ako araw-araw hindi lamang upang humiling ng kung anu-ano kundi bilang pagbibigay-halaga sa mga biyayang aking natatamo. Sa ngayon, tuwing may mga alalahanin ako, nagdadasal ako sa Diyos, nagpapasalamat at idinudulog ang aking mga problema. Itinutuloy ko ang paglutas sa aking mga suliranin at kapag hindi ko kaya, tiwala ako sa tulong Niya, sapagkat siya ang taling kumokontrol sa isang trumpong kagaya ko.
Panalangin:Ama, Itulot po Ninyong maging malinaw ang aming paningin, upang aming makita ang Inyong mga biyaya, sa kabila ng pagiging balisa sa mga maliliit na bagay at sa tuwing nahaharap sa mga problema. Patuloy po Ninyo kaming patnubayan sa bawat araw at sa mga pagsubok na darating. Amen. R. A. R. Pascua