MAY NATATAGONG kuwento sa likod ng bawat mukha ng Pilipino, anuman ang panahong kaniyang pinanggalingan, tanyag man siya o karaniwan.
Sa Buhay Pinoy (UST Publishing House, 2007), isang kalipunan ng mga artikulong naisulat noong dekada 70, sinisikap ni Fanny Garcia na isalaysay ang buhay at saloobin ng mga Pilipino na hindi madalas naitatampok sa mga babasahin ng mga panahong iyon. Unang isinulat ni Garcia, isang premyadong manunulat at propesor ng Filipino sa De La Salle University, ang mga artikulo para sa seksiyong ”Taong-Bayan” ng magasing Sagisag. Ginamit niya rito ang estilong “modern journalism” na kung saan pinaghahalo ang estilo sa pamamahayag at pampanitikang naratibo.
Nahahati ang libro sa dalawang bahagi. Nakalaan sa unang bahagi ang pagtalakay sa buhay ng mga ordinaryong Pilipinong may makukulay na pagkatao at karanasan. Halimbawa nito ang “Mariang Hilot” na kung saan isinasalaysay ang patuloy na pagsunod ng isang hilot sa mga tradisyonal na paraan ng pagpapaanak at panggagamot. Bunga ito ng paniniwala ng hilot sa talentong namana raw niya mula pa sa kaniyang lola at ang kaniyang paniniwalang higit na mainam ang panghihilot kaysa mga makabagong teknolohiya at kaalaman sa medisina
Makikita rin ang kapangyarihan ng tradisyon sa “Sa Bayan ng mga Panata” kung saan inilalahad ang kuwento ni Mang Akin at ang kanyang pananalig sa penitensya. Ayon sa kaniya, naniniwala siya na gagaling ang anumang sakit niya o ng kaniyang pamilya kung mangangako siyang magpapasan ng krus tuwing Biyernes Santo. Paliwanag naman ni Garcia ukol dito, “Ayon sa kanilang paniniwala, may isang Diyos na didinig sa kanilang paghingi ng kalinga, kapalit ang pagsugat at pagpapahirap sa kanilang katawan.”
Inilarawan naman sa “Hospicio de San Jose” at “Mga Labi ng Panahon” ang kalagayan ng mga sanggol, bata, at matatanda na iniiwan ng kanilang mga kamag-anak sa mga bahay-ampunan. Ipinakita rin sa mga artikulong ito kung paano pinangangalagaan ang mga naulila at iniwan sa ampunan at sa bahay ng matatanda.
Itinatampok naman sa mga artikulong “Paglilibing sa Luntiang Bukid,” “Batilyo… Batilyo,” at “Buhay-Peryante” ang buhay ng mga magsasaka at manggagawa at paano sila naaapektuhan ng ilang proyekto ng gobyerno. Isang halimbawa mga ito ang pagkawasak sa mga bukirin ng mga magsasaka sa Sapang Palay, Bulacan dahil sa proyektong pabahay ng gobyerno para sa mga residente na mula sa Kamaynilaan. Dahil dito, nawalan din ng kita ang mga magsasaka sapagkat hindi na nila naisalba ang lupang kinatatamnan ng mga palay.
Itinatampok naman sa ikalawang bahagi ng libro ang mga personalidad na nag-iwan ng tatak sa kasaysayan ng bansa, tulad nina Lino Brocka at Victor Wood na nakatulong sa pagpapayabong ng industriya ng pelikula at musika ng Pilipinas.
Mahihinuha sa pakikipagpanayam ni Garcia sa namayapa nang si Jaime Cardinal Sin ang ugat ng kaniyang pakikisangkot sa politika. Tinalakay sa artikulong “(Kontrobersyal) Cardinal Sin” ang pagkakaibigan ng dating arsobispo ng Maynila kay Corazon Aquino at ang pananaw ng nauna hinggil sa pagpapanatili ng mga base militar.
Kabilang rin sa mga piling artikulo sa mga personalidad na napasama sa libro ang tungkol sa buhay sa hard court ng Tomasinong basketbolista na si William “Bogs” Adornado kung saan binigyang-pansin ang pagpapakumbaba niya sa paglalaro.
Gayunpaman, minumulat ng Buhay Pinoy ang mga mambabasa na sa kabila ng paglipas ng mga dekada, hindi pa rin nagbabago ang kaugalian ng mga Pilipino. Tanging mga pangalan ng tao at lugar lamang ang nag-iiba. Joseinne Jowin L. Ignacio