MULING nagpamalas ng kanilang mga talento sa pag-awit at pagsayaw ang Bayanihan sa pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng pangunahing grupo ng mga mananayaw.

Ang pagtatanghal na may temang Diversity Celebrated ay pinasimulan ng pagtatanghal ng Pasacat, isang Pilipino-Amerikanong pangkat sining-kultural na nagmula pa sa San Diego, California. Ang ilan sa mga ipinamalas ay ang Pigapir, sayaw-Maranao na may gamit ng pamaypay; Paujalay, kasal ng mga Yakan; at Lakan-silat, ang pagsasayaw gamit ang malong.

Ngunit naging pinakamaganda ang Kasunduyan. Nagsayaw ang magkapares na mga lalaki at babaeng nakasuot ng baro’t saya na talaga namang naging makulay dahil sa hawak na pamaypay ng mga babae. Kapansin-pansin ang koordinasyon ng bawat isa sa kanilang mga kilos at galaw. Si Ferdinand B. Jose ang direktor ng Pasacat.

Hindi rin naman nagpatalo si Joji Ramirez Castro sa pagdidirek ng Kayasig, sayaw ng mga taga-Cordillera. Ipinapakita nito ang kanilang pamamaraan ng pangangaso at pakikidigma. Nabigyan nito ng pokus ang gamit ng hawak nilang mga panaggalang.

Saliw naman sa tunog ng mga instrumentong kulintang, gong, kubing, tambol, lirang kawayan, at tangungguan ang maritwal at maliksing sayaw Bagobo at Tiboli. Buhay na buhay ang naging dating nito kasama pa ang tunog na naidudulot ng mga maliliit na kampana na nakatali sa tuhod ng mga kalalakihang sumasayaw.

Kahanga-hanga rin ang pagsasaliw ng mga boses ng koro na kumanta ng isang harana. Inawit din dito nang magiliw ng isang soprano, Sa Kabukiran na sinabayan ng pagpapakita ng buhay-probinsya sa paligid nito. Hindi rin nawala ang pagsayaw ng nakakakabang Tinikling at Bangko.

READ
Thomasians named Outstanding writers

Tinapos ang palabas sa isang orihinal na piyesa ng Bayanihan na nagwagi ng Gold Temple Award at Absolute Gold Award sa 57th Sagra del Mandorlo sa Fiore at 47th International Folklore Festival sa Agrigento, Sicily. Kahanga-hanga ang mistulang perpektong pagkilos ng bawat isa sa entablado. Ang kuwento nito ay nagsisimula sa pagpapakita ng pag-iibigan ng isang magkasintahan. Ngunit kinailangang umalis ng prinsipe upang lumaban sa isang digmaan. Sa pagbabalik ng prinsipe, wala na ang prinsesa at wala nang makapagsabi kung nasaan ito. Naglakbay ang prinsipe at sa paghahanap sa prinsesa, dumanas siya ng napakaraming pakikipagsapalaran. Sa huli, nakita na rin ng prinsipe ang kanyang prinsesa at muli silang naglayag patungo sa kanilang kaharian at namuhay nang masaya.

Nakalipas man ang apatnapu’t limang taon ng Bayanihan, wala pa rin itong kupas sa husay sa sining kultural.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.