ANG KAWALAN ng paniniwala ng mga tao sa paligid nina Lucia, Francisco at Jacinta ay hindi sapat para mawalan siya ng pananampalataya.
Ang The 13th Day, isang pelikulang gawa ng mga tanyag na direktor na sina Ian at Dominic Higgins, ay hango sa tunay na pagsasalaysay ng kuwento ng tatlong bata, si Lucia Dos Santos at ang mga pinsan niyang sina Francisco at Jacinta Marto, sa Aljustrel, Fatima kung saan naganap ang mga aparisyon ng Mahal na Birhen.
Ayon sa kasaysayan ng Simbahan na siyang naipakita sa pelikula, nagsimula ang kwento noong tagsibol ng 1916 sa Portugal. Sa mga panahong iyon, lumaganap ang komunismo sa bansa at sinimulang patumbahin ang Simbahang Katoliko sa bansa.
Sa mga kaguluhang nangyari, nakakita ang Mahal na Birhen ng mga batang busilak ang kalooban na siyang nagdala ng kaniyang mensahe mula sa langit. Noong Mayo 13, 1917, habang nagpapastol ang mga bata ay nagpakita ang Mahal na Ina sa kanila sa Cova. Sila ay tinuruang magdasal ng Ina para sa mga kaluluwang naliligaw sa landas ng Panginoon.
Pagkatapos ng unang aparisyon, inatasan silang bumalik kada ika-13 ng mga susunod na buwan upang makakuha ng mensahe ang mga bata.
Sa isang pagpapakita ng Ina ng Fatima, ipinagkaloob sa kanila ang tatlong sikreto. Ito ay ang bisyon ng impiyerno, ang pagdating ng isa pang digmaang pandaigdig at ang papel ng Russia sa digmaang ito, at ang pagtatangka sa buhay ng Santo Papa
Hindi naging madali ang kanilang layunin na ibalik sa Panginoon ang loob ng mga tao. Humarap sila sa maraming pagsubok na siyang nagpatatag sa kanilang pananampalataya. Umabot pa sa punto nang pagbantaan ni Senyor Santos ang buhay ng mga bata. Si Senyor Santos ang namamahala sa Aljustrel, kung saan issisiwalat ang sikreto ng Birhen ng Fatima. Ngunit hindi sila natinag ng kanilang mga kaaway at patuloy na nanalig sa Diyos. Hindi sila nagawang ikulong pa noong Agosto 13, 1917 at pinakawalan din sila makalipas ng anim na araw.
Nang lumaon, unti-unting nagbalik loob ang taumbayan sa Panginoon at ninais makita ang imahe ng Mahal na Ina ng Fatima sa Cova. May 70,000 katao ang dumagsa sa lugar ng aparisyon.
Pagkatapos ang mirakulo ng huling pagpapakita ng Mahal na Ina, kinuha rin sina Francisco at Jacinta Marto ng Panginoon noong sila ay nagkasakit dulot ng Spanish fever na laganap noon sa Portugal.
Bilang natitirang saksi sa mga mirakulo ng Mahal na Birhan ng Fatima, pumasok siya kumbento ng Sisters of St. Dorothy noong Oktubre 24, 1925 at naging madre noong Oktubre 3, 1934, kung saan binansagan siya sa pangalang Sister Mary of the Sorrowful Mother.
Ang pagsasagawa ng pelikula mula sa panig ni Lucia ang nagbigay daan sa mas malinaw na talambuhay ng mga pangyayari sa Fatima. Ayon sa Simbahan, pinasulat sa kaniya ang mga pangyayari noong panahon na sila ay bata pa sila sa Aljustrel.
Hindi man makabago ang visual effects na ginamit, epektibo ang pagpapakita ng mga pagbabago sa itsura ng mga tauhan sa pelikula tulad ng pagbibigay kulay sa mga mukha ng mga bata nang sila ay masinagan ng Mahal na Ina.
Ngunit, ang paggamit sa temang teatriko ang naging sagabal sa mahusay na paglatag ng kuwento sapagkat naging masyadong dramatiko ang pagsasalaysay. May mga eksenang hindi masyadong nalagyan ng diyalogo dahil ipinaubaya ng mga direktor sa mga manonood ang pagbibigay-kahulugan sa mga pangyayari.
Pagpapalabas para sa mga bata
Ang pagpapalabas ng pelikulang The 13th Day simula Setyembre 8 ay proyekto ng Hapag-Asa Integrated Nutrition Program sa tulong ng Pondo ng Pinoy at Assisi Foundation.
Nang magsimula ang Hapag-Asa noong 2005, nakapagpakain sila ng 120,000 na bata kung saan nailigtas nila ang 76,000 na bata mula sa malnutrition at iba pang sakit dulot ng pagkakulang sa nutrisyon. Kasama sa pagtulong sa Hapag-Asa ang Marian Solidarity for Pope Benedict XVI.
Ang perang malilikom nila sa pagpapalabas ng pelikula ay ibibigay sa Hapag-Asa para matupad ang kanilang layuning na mapakain ang mga batang hindi nakakakain ng tama.
Sa ngayon, nakapagpakain na ang Hapag-Asa ng mahigit kumulang 500,000 na bata sa nakalipas ng limang taon. Robin G. Padilla