ALAM ba ninyong mas naunang itinatag ni Sto. Domingo de Guzman ang kongregasyon ng mga babaeng mongheng Dominikano kaysa sa orden ng mga pari?

Itinatag ni Sto. Domingo ang Sisters of Prouilhe sa bayan ng Prouilhe, Pransiya noong 1206 bago pa itayo ang monasteryo ng Order of Preachers sa bayan ng Toulouse noong 1215.

Nitong Pebrero pinagdiwang ang ika-800 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng unang monasteryo para sa mga unang Dominikanong madre.

Nangyari ang pagtatatag matapos tipunin ni Sto. Domingo ang ilang babaeng nagbalik-loob sa Katolisismo. Mga dati silang Cathars mula sa Timog Pransiya, mga “ereheng” naniniwalang gawa ng demonyo ang materyal na mundo at kailangang magpakagutom o magpakamatay upang kumawala sa katawan na preso ng espirito. Dahil sa pagtatakwil ng mga babaeng ito sa Catharism, itinakwil din sila ng kanilang mga kamag-anak at pinalayas sa kanilang tahanan.

Dito naisip ni Sto. Domingo na ipagtayo sila ng isang monasteryo, kung saan hindi masyadong naiiba sa pamumuhay ng mga monghe ang naging buhay nila. Ngunit wala siyang mapagkunan ng lupang sapat para maging tirahan ng mga madre.

Ayon sa alamat, ibinigay ng Diyos ang senyales kung saan itatayo ni Sto. Domingo ang monasteryo. Isang gabi, habang nakatingin siya sa langit sa bayan ng Fanjeaux, nakita niya ang isang bolang apoy na bumulusok mula sa kalangitan patungo sa direksyon ng Prouilhe. Kinuha niya ito bilang tanda kung saan niya itatayo ang monasteryo para sa mga babae.

Sa tulong ng kanyang obispo na si Diego de Acebo ng Osma, itinayo ni Sto. Domingo ang monasteryong tinawag nilang Santa Maria ng Prouilhe. Si Sto. Domingo ang tumayong rektor at ama ng monasteryong ito. Itinakda niya ang mga batas sa monasteryo, pinangalagaan ang mga madre, binigyan sila ng espiritwal na gabay at tinuruang basahin ang mga ebanghelyo.

READ
Varsitarian outlines principles of Catholic 'truth vote'

Hindi lamang nagsilbing pamayanan ang monasteryong ito ng mga babaeng monghe, ito rin ang nagsilbing base ng mga Dominikano sa mga panahon pang darating. Lumaki ang komunidad, hanggang sa makapagtayo na ng mas malaking kumbento para sa mga madre noong 1212.

Sa ngayon, may 244 monasteryo ang mga madreng Dominikano, kabilang na ang Queen of Angels Monastery sa Bocaue, Bulacan at ang Monastery of the Our Lady of the Rosary sa Cainta. May 160 namang kongregasyon sa buong mundo ang Dominican Sisters International na nagkakawang-gawa sa mga mahihirap na mga tao. Kabilang dito ang dalawang kongregasyon ng mga madre sa Pilipinas: ang Dominican Sisters of St. Catherine of Sienna at ang Dominican Sisters of the Most Holy Rosary of the Philippines.

Dominikanong layko

Sa akala ng marami, kailangan mo munang magpari o magmadre upang mamuhay Dominiko. Ngunit sapat na ang matapat na pagsunod sa mga pangaral ni Sto. Domingo para matawag na Dominikong layko na naaayon sa patakaran ng ordeng Dominikano.

Nabuo ang unang grupo ng mga Dominikong layko noong ika-11 siglo na tinawag na “Ordo de Poenitentia” o Order of Penitence. Bukod dito, tinawag din sila bilang “The Secular Third Order of St. Dominic,” hanggang sa kasalukuyang pangalan nitong “Lay Fraternities of St. Dominic.”

Naakit ng Dominikong orden ang mga ordinaryong tao at ang mga mag-aaral sa mga unibersidad para sumama rito. Ang reporma sa pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga Ebanghelyo, panalangin at pagtuturo ang naging pangaral ng orden.

Naitatag ang Third Order of St. Dominic bago magtapos ang ika-13 siglo nang magsanib ang Order of Penitence at ang Militia Jesu Christi o Soldiers of Jesus Christ, dalawang grupo ng mga laykong nagpapalaganap ng Salita ng Diyos at nagtatangol sa Simbahan laban sa mga nagsulputang erehe. Kasama sa bokasyon ng Dominikanang layko ang pagninilay-nilay sa Ebanghelyo, pakikiisa sa mga misa, pangungumpisal palagi, at paggawa ng debosyon sa Birheng Maria.

READ
When opposites attack

Ayon kay Prop. Belen Tangco, dekana ng Faculty of Arts and Letters at ang pinuno ng International Council of Lay Dominican Fraternities na namamahala sa lahat ng sangay ng Third Order of Preachers sa buong mundo, isang uri ng pamumuhay ang pagiging isang Dominikano.

“Bilang mga Dominikano, ipinagkatiwala din sa amin ang pagpapalaganap ng Salita ng Diyos sa buong mundo para ang lahat ng tao ay makibahagi sa pagliligtas ni Hesukristo,” aniya. Ibinoto at itinalaga si Tangco bilang pangulo noong Hulyo 1. Siya rin ang unang Pilipinong pangulo ng Lay Dominican Fraternities.

Hindi balakid ang pagkakaroon ng pamilya o ang pagkasubsob sa trabaho upang paglingkuran ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsali sa isang orden. Iyan ang pinatunayan ng mga Dominikano, na hindi nagmaliw sa paghanap ng mga paraan para magsilbi sa Diyos at sa kapwa tao sa 800 taon nitong kasaysayan. C.G.F. at N.R.M.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.