SA PAMAMAGITAN ng makabagong teknolohiya na karaniwang gamit ng bagong henerasyon, maaari nang mapasiglang muli ang panitikang pambata sa bansa.
Noong 2011, naging hudyat ang pagbabagong-anyo ng mga aklat pambata nang inilunsad ng Vee Press, isang digital publisher ng Vibal Foundation, ang kuwento ng “Ibong Adarna” sa isang e-book application.
Ang naturang paglulunsad ay sinundan ng iba pang mga kuwentong nasa e-book, kabilang na ang mga gawa ni Eugene Evasco tulad ng “Kata-Kata: Paghahanap kay Ma’ajarat-Tornorka,” “Naglalakbay si Tulalang sa Araw at Buwan” at “Mahiwagang Kamiseta.”
Sa pamamagitan lamang ng pagpindot sa mga na-download na e-book application, makauusad sa susunod na pahina ang mambabasa. Bukod dito, ang mga ilustrasyon sa mga ito na sinamahan din ng tunog o musika ay nakalilibang sa mga batang mambabasa.
Ayon kay Sergio Bumatay III, kilalang ilustrador at alumno ng Unibersidad, ang pagbabagong-anyo ng panitikang pambata ay hindi maikakailang isang malaking hakbang upang maisakatuparan ang paglalayong muli itong pasiglahin.
“Ang transisyong ito ay exciting para sa industriya ng panitikang pambata dahil maraming posibilidad ang maaring gawin. Sa katunayan, may ilang publishers at creators na ang nagpupursigi para rito,” ani Bumatay.
Ayon naman kay Jomike Tejido, kilalang arkitekto at isa ring ilustrador ng naturang panitikan, ang pagbabagong ito ay isang magandang hakbang maging sa iba pang uri ng panitikan.
“Hindi lang ito basta children’s books. Mas maeengganyo magbasa bata man o matanda at mag-appreciate ng story at art ang mga kids.”
Dagdag pa ni Bumatay, makatutulong din ito upang ang mga batang Pilipino na nakatira o lumaki sa ibang bansa na nais isapuso ang kulturang Pilipino.
“Sa ganoong layunin ay mas epektibo ang librong digital dahil mas naaabot nito ang mga batang mambabasa saan mang sulok sa mundo,” aniya.
Sinabi rin ni Bumatay na bagaman mabilis ang pagdami ng mga e-books, hindi ito nangangahulugan ng biglaan at tuluyang pagkawala ng mga aklat na nalilimbag.
Aniya, patuloy man ang pagdami ng mga e-book, hindi lahat ay nakagagamit nito.
“Iilan pa lang naman ang nakaka-access nito (e-books) sa atin dahil hindi lahat ay may pribilehiyong bumili ng mga gadget kung saan maaring magbasa ng mga e-books at iba pang applications,” ani Bumatay. “Mas marami pa ring batang mambabasa ang gumagamit ng tunay na libro dahil ito ang mas accessible at mas abot-kayang bilhin.”
Ayon kay Bumatay, ang mga makabagong anyo ng panitikang pambata ay bubot pa na maituturing, ngunit hindi ito nangangahulugan ng pagkabigo at pagsuko.
“Kailangan nating umusad at makisabay sa pagsulong ng makabagong panahon,” aniya.
Dagdag pa niya, maaaring ang pagdami ng mga e-books ay mabilis, ngunit ang pag-usad at pagyabong ng panitikang pambata ay isang mahaba at matagal na proseso.
“Hindi kailangang baguhin sa isang iglap; dapat sa sigurado at mas epektibong paraan na maabot natin ang karaniwang mambabasang batang Pinoy.”
Panghikayat at panira
Naniniwala si Bumatay na ang pagkakaroon ng mga naturang e-book ay ang solusyon upang maengganyo ang mga batang magbasa at hindi lamang mahumaling sa mga laro sa mga naturang gadget.
“‘Di lang dapat bilang laruan ang tingin nila sa mga gadget,” ani Bumatay. “Sa pamamagitan ng mga e-book, mas mahihikayat ang mga bata ng mas masayang karanasan sa pagbabasa.”
Binanggit din niya na mas napabubuti ng mga e-book at mga application sa mga gadget ang paglalahad ng kuwento dahil sa multimedia nitong aspeto.
Bagaman maganda at positibo ang kasalukuyang pagtanggap sa anyong ito ng panitikang pambata, hindi pa rin maiiwasan na magkaroon ito ng negatibong dulot.
“Sa bahagi ng mambabasa, ang nakikita kong magiging negatibong epekto nito ay ang overstimulation o labis na pagkahilig dito,” aniya. “Isa pang epekto ng teknolohiya sa atin ay ang convenience ng pagkuha ng anumang bagay na kailangan at gusto natin sa isang click ng mouse, lumalaganap ang ‘instant’ na kultura at ang ‘self-entitlement’ na paguugali.”
Iginiit din niya na sa panahon ngayon, mas madaling mainip ang kabataan dahil sa bilis ng impormasyon at teknolohiya.
Para naman kay Tejido, ang makabagong anyo ng panitikang pambata ay maaring magdulot ng maagang paglabo ng mga mata ng mambabasa.
“Nakasisira ng mata para sa readers na exposed na sa tablets and phones habang bata pa,” aniya.
Sa opinyon naman ni Bumatay, ang pagdami ng e-books ay parang hindi paggalang sa mga lumikha nito.
“Ang negatibong epekto na nakikita ko lang sa ngayon ay ang hindi pagrespeto sa intellectual property rights ng isang creator dahil sa pangongopya at piracy,” aniya. Jonelle V. Marcos