Nagkasundo umano sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at presidente ng Tsina na si Xi Jinping noong Enero na mapayapang lulutasin ng dalawang bansa ang anumang tensyong mabubuo buhat ng hindi matapos-tapos na agawan ng mga isla sa West Philippine Sea. Pero tila bingi ang Tsina nang nakipag-usap ito sa Filipinas at walang balak tumigil mag-umpisa ng gulo.
Lantaran na namang pinagkalulo ng Tsina ang pangako nito nang bombahin ng tubig noong Agosto 5 ng isa nitong bapor ang dalawang barko ng Filipinas na magdadala lamang ng mga suplay sa mga sundalong naka-istasyon sa BRP Sierra Madre, ang barkong sadyang pinalubog sa Ayungin Shoal mula pa 1999 para magsilbing istasyon ng bansa roon.
Nagpadala na ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng note verbale sa Tsina upang i-protesta ang insidenteng tanging mailalarawan bilang pagdusta sa karapatan ng Filipinas sa mga pinag-aawayang teritoryo na iginawad ng Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 2016 matapos maghain ng kaso ang administrasyon ng yumaong si Benigno “Noynoy” Aquino III. Kahindik-hindik lang na ito na ang ika-36 na note verbale na ipinadala sa Tsina at ika-101 mula nang naluklok sa puwesto si Marcos.
Dahil sa pagbobomba ng tubig, pumutok na rin ang balitang ipinangako raw ng Filipinas sa Tsina na aalisin nito ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, kung kaya’t nanggagalaiti sila ngayon kapag pumupunta ang mga barko ng bansa para magpadala ng mga suplay. Ang problema, itinanggi ng mga nakaraang administrasyon na may ganitong kasunduan.
“Ilohikal” umano kung si dating pangulong Joseph Estrada ang nagpasimuno nito, giit ng anak niyang si Sen. Jinggoy Estrada, dahil sa panahon niya nilubog ang BRP Sierra Madre para magsilbing “simbolo ng soberanya” ng bansa. Itinanggi rin ni dating pangulo at ngayo’y kongresistang si Gloria Macapagal-Arroyo na siya ang may pakana. Maaaring si dating pangulong Rodrigo Duterte ang may sala dahil naging tuta siya ni Xi, pero walang ebidensyang makagpapatunay dito.
Kailangan nang mahimasmasan ng pamahalaan na hindi makikipag-usap ang Tsina nang may sinseridad dahil pinagpipilitan nitong sa kanila ang mga isla kahit pa maraming bansa na ang kumikilala na ang Filipinas ang tunay na may sakop nito. Gagamitin at gagamitin ng mga alagad ni Xi ang puwersa’t kapangyarihan nito upang bugawin ang mga maliliit na bansa tulad ng Filipinas.
Kung kaya’t dapat nang putulin ang anumang plano para sa bilateral talks kasama ng Tsina. Wala nang maitutulong ang paulit-ulit na mga pangakong pinapako. Bigo nang tuparin ng Tsina noon ang kasunduang iiwan nila at ng Filipinas ang Scarborough Shoal noong 2012. Hindi rin nila tinotoo ang kasunduang hindi na ookupahin ng militar nito ang Mischief Reef, na ngayon ay binubungkalan na ng mga Tsino para tayuan ng mga gusali at palakasin ang kanilang sandatahang lakas.
Dapat nang pag-isipan ng gobyerno na iakyat ang isyu sa United Nations, kung saan mapupuwersa ang Tsina na ayusin ang pakikitungo nito sa Filipinas kung makakakuha ng mayorya ng suporta sa mga miyembrong bansa.
Ilang dekada nang ipinaglalaban ng mga Filipino ang mga isla sa West Philippine Sea, pero paulit-ulit lamang silang itinataboy ng Tsina na parang mga dagang nagkalat sa isang pamamahay. Wala nang aasahang maski katiting na respeto at awa mula sa kanila. Kung kaya ng gobyerno ng Tsina na kitilin sa sarili nitong bansa ang mga boses na hindi nila gustong marinig, ano pa ang mga panaghoy ng ibang bansa na tigilan na ang pag-aangkin sa mga teritoryong hindi naman kanila.
Kaya pagkakataon na ito ng Filipinas na pumunta sa pandaigdigang entablado, tipunin ang mga bansang kumikilala sa karapatan nito at himukin ang mga hindi pa kumbinsido upang manawagan ng katarungan sa mga agresibong aksyon ng militar ng Tsina at resolusyon sa hidwaang nagdulot lamang ng sakit ng ulo sa bansa. Ito marahil ang tanging gala ni Marcos sa ibang bansa na tunay na may kapakinabangan sa sambayanang Filipino.