NAKAATANG na sa mga pamantasan at kolehiyo ang tuluyang paghinto ng “hazing” sa loob ng mga kampus mula nang maipatupad ang pinagtibay na Anti-Hazing Law, iginiit ng mga abogado.
Ayon kay Josalee Deinla, isang abogado ng karapatang pantao, nakasalalay ang pagiging epektibo ng bagong batas sa paraan ng pagpapatupad ng mga paaralan at unibersidad sa mga probisiyon nito.
“Ito ay depende pa rin kung mapapatawan ng parusa ang mga sumuway sa batas. Ang pagiging epektibo nito ay nakasalalay sa pagbabago ng sistema ng ating piyudalismo at kultura,” wika ni Deinla sa isang panayam sa Varsitarian.
Noong Hunyo, pinirmahan ng Pangulong Duterte ang Republic Act (RA) 11503 o Anti-Hazing Act of 2018 na nag-amiyenda sa naunang batas kontra hazing na ipinatupad pa noong 1995. Ito ay matapos ang matinding panawagan sa mga mambabatas na amiyendahan ang lumang bersiyon dahil sa pagkamatay ng UST law freshman na si Horacio “Atio” Castillo III noong Setyembre ng nakaraang taon sa mga kamay ng miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Mahigit 20 taon na ang nakalipas ngunit isa pa lamang ang nahatulan ng parusa sa ilalim ng nasabing batas.
Sa pagbigay tungkulin ng batas sa mga paaralan na tuluyan nang ipagbawal ang hazing, umaasa si Deinla na hindi na mauulit ang mga insidente o kaso ng hazing at mga namamatay dahil na rito.
“Ang naging palaging hangad namin ay magampanan ng batas na mapigilan ang hazing at huwag nang madagdagan at maulit pa ang mga karahasang dulot nito,” wika niya.
Ayon naman kay Teodoro Lorenzo Fernandez, isang abogado na nagtuturo sa Faculty of Civil Law ng UST, kahit anong unibersidad ay may kakayahang magpatupad ng disiplina sa kanilang mga estudyante dahil ito ang kanilang tungkulin.
“Kahit walang Anti-Hazing Law, kinakailangang i-angkop ng mga unibersidad ang mga tiyak na regulasiyon upang mahigpit na ipagbawal ang pananakit ng kapuwa estudyante, isa iyong basic requirement,” aniya.
Dagdag pa niya, mayroon mang bagong naisabatas na panukala laban sa hazing o wala, trabaho pa rin ng mga paaralan at unibersidad na magpataw ng mga parusa upang madisiplina ang kanilang mga estudyante.
“I-adopt man ‘yung bagong Anti-Hazing Law o hindi, walang magiging pagbabago dahil ang basic concept, lalo na sa isang Katolikong paaralan, ay kailangan natin sundin ang basic rules dito at bawal talaga mag-sakitan,” aniya.
Babala naman ni Deinla, maaari pa ring magkaroon ng mga patagong fraternity kung ipagbabawal ang mga ito sa paaralan.
“May mga eskuwelahan na mahigit nang ipinagbawal ang mga fraternities ngunit hindi nito nasisigurado na wala na talagang mga fraternities na mag-oorganisa nang patago,” aniya.
Sa inilabas na mga probisiyon ng Student Code of Conduct and Discipline sa simula ng taong akademiko, binigyang diin ang pagbabawal sa kahit anong uri ng initiation rites sa mga fraternities o sorrorities, mapapisikal o sikolohikal man.
Noong nakaraang taon, nabanggit lamang ang hazing sa UST Student Handbook sa ilalim ng seksiyon ng Maintenace of Peace and Order habang nakakabit ang Anti-Hazing Law sa appendix nito.
Ibang unibersidad
Nagkaroon na ng panukala sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na muling pag-aralan ang kanilang student handbook kasama ang mga grupo ng estudyante kasunod ng pagpapatupad sa bagong batas, ayon kay Jose Dalisay Jr., pangalawang pangulo ng Public Affairs sa UP.
“Ang bawat UP constituent university ay inaasahan na pag-aralan ang mga kaugnay na probisiyon sa kanilang kani-kanilang student code of conduct upang alamin ang mga patakaran at hakbang na kailangang baguhin,” wika niya sa isang panayam sa Varsitarian.
Dagdag pa niya, ano mang pagbabago sa kanilang student code ay pangungunahan ng mga student groups upang masigurong ang kanilang mga karapatan ay protektado.
“Magkakaroon ng consultations sa bawat Student Affairs unit ng mga campus at kahit anong pagbabago ay i-uulat sa UP System and the board upang ma-apbrubahan,” dagdag pa niya.
Wala pa namang pagbabago sa student handbook ng Pamantasang Ateneo de Manila, ayon kay Hyacenth Bendaña, pangulo ng Sanggunian ng mga Paaralang Loyola ng Ateneo.
Sa Pamantasang De La Salle, ang lahat ng mag-aaral ay kailangang pumirma sa isang “no-fraternity contract.”
Mga bagong probisiyon
Ang RA 11503 ay nagbibigay ng mas mahigpit na parusa sa mga nagplano at sumali sa hazing. Mapaparusahan ng reclusion perpetua o habang buhay na pagkakakulong mula 20 hanggang 40 na taon at multang P3 million ang mga sangkot, kung magreresulta ang hazing sa “death, rape, sodomy or mutilation.”
Ipinagbabawal na nito ang lahat ng uri ng hazing, kumpara sa znaunang batas na pinahihintulutan ang hazing kung ang mga fraternity, sorority o organisasiyon ay susunod ang kinakailangang proseso.
Ayon sa bagong batas, hindi na lamang pisikal na pananakit ang bawal ngunit pati rin ang emosiyonal at sikolohikal na pananakit. Dagdag pa rito, hindi na maaaring gawing requirement ang hazing upang makapasok sa kahit anong organisasiyon.
Ayon sa isa sa mga mambabatas tumulak sa pag amiyenda ng RA 11503 na si Senador Juan Miguel Zubiri, ang bagong batas na ito ay nagpapatunay na nabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Atio.