Abstinence, fasting, penitensiya, Pasyon—iyan ay ilan lamang sa mga salitang nagbibigay kahulugan sa panahon ng Kuwaresma o Mahal na Araw.

Kaakibat ng mga ito ay ang katakut-takot na hinaing sa naturang panahon: kung bakit bawal ang karne, kung bakit bawal kumain, at maging ang mga paniniwala ng mga nakatatanda na bawal mag-ingay at maligo pagsapit ng ika-3 ng hapon ng Good Friday. Bilang tugon, katakut-takot na paliwanag ang maaaring ilatag ng Simbahang Katolika kung bakit nararapat lamang gawin ang mga ito—ngunit, sa huli, tiyak na paulit-ulit na pakikipagtalo at pagdadahilan lamang ang magiging kasunod nito. ‘Ika nga, walang kahit anong paliwanag ang sasapat para sa isang taong hindi naniniwala.

Isang katotohanan na hindi relihiyon ang humuhubog sa pagkatao ninuman—ngunit isang katotohanan din na masarap mabuhay nang may pinaniniwalaan, nang may isinasakripisyo para sa isang paniniwala.

Tanong ng ilan: “Magiging mabuti ka ba kapag hindi ka kumain ng karne tuwing Biyernes sa panahon ng Kuwaresma?” Sa palagay ko, hindi naman; ikaw pa rin iyan, at hindi magbabago ang anumang inaakala mong mababago. Ngunit, ang hindi pagkain ng karne sa mga Biyernes ng Mahal na Araw ay hindi naman talaga itinakda upang maging tanda ng pagpapakabuti, kundi gawi ng pagsasakripisyo—sa paraang iiwasan mo ang isang bagay na iyong gusto’t nakasanayan, upang maialay ang nalalabing parte ng sarili para sa mas makabuluhang bagay.

Kung ang hindi pagkain ng karne ang siyang nagbibigay kahulugan sa abstinence, nariyan din ang fasting, o ang pagkain lamang ng isang full meal sa loob ng isang araw. Siyempre pa, magsusulputan ang mga matatabil ang dila—“Hindi ba’t masama sa kalusugan ang pagpapagutom?” o di kaya’y “Mabubusog ba ang mga taong nagugutom kung sadya akong hindi kumain?”

READ
Reliving the life of a geisha

Ang fasting ay ‘di tuwirang pagpapagutom; maaaring kumain basta’t kaunti lamang sa nakasanayang dami ng pagkain at, base sa nabanggit na kahulugan nito, isang full meal lamang ang maaaring kainin sa loob ng isang araw. Totoong hindi pa rin mabubusog ang mga taong nagugutom sa gawing ito; ngunit totoo rin na dahil sa fasting, sa ilang paraan, matututo ang sinuman na makisimpatya sa mga taong napagkaitan ng kakayahang makakakain ng humigit-kumulang tatlong beses sa isang araw.

Samantala, ibang tipo ng sakripisyo naman ang nais ipamalas ng ilang deboto. Nariyan ang pagsusugat sa sarili gamit ang palaspas, ang pagbubuhat ng krus na gawa sa kahoy, at ang pagpapapako sa krus—lahat ng ito’y nakapanlulumo’t nakasasakit nang pisikal, ngunit pinili pa ring akapin ng mga taong nagkataong naniniwala sa kung anumang dulot na kapanatagan nito sa kanila.

Nariyan din ang umaalingawngaw na tinig ng mga mang-aawit ng Pasyon. Mula bata hanggang matanda, pagbabalik-tanaw ng buhay ni Hesus ang nananaig sa bawat liriko ng awit. Para sa mga taong naniniwala sa Kaniya, milagro’t mas pinatibay na pananampalataya ang dulot ng bawat linya ng awit, samantalang dagdag na kaalaman at kasaysayan naman para sa mga taong kaiba ng paniniwala.

Pitong Biyernes mula ngayong Pebrero, at isang linggo sa darating na Marso—iyan lamang ang hinihingi ng panahon ng Kuwaresma upang iyong paglaanan ng karampatang pagninilay.

Ito ay hindi para sa mga sagradong Katoliko. Hindi rin ito para sa mga may relihiyon. Hindi rin ito para sa mga mistulang nakalimot na sa sarili’t para sa relihiyon na lamang nabubuhay. At mas lalong hindi ito para sa mga nahibang na’t inaakalang sila lamang ang may pananampalataya.

READ
Architect-artists display works in Metropolitan Museum

Ito ay para sa iyong may pinaniniwalaan—naniniwala ka man sa meron, o sa wala—at handang maglaan ng kaakibat na sakripisyo para sa napiling panindigan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.