MULA SA pagmulat ng mga mata sa umaga, pagkain ng pananghalian, hanggang sa pagtulog sa gabi, tila ba seremonyas na sa ilang Pilipino kumuha ng kanilang “selfie,” dahilan upang magkaroon na ito ng natatanging tatak-Pinoy.

Hinirang bilang salita ng taon ng Oxford Dictionaries Online, ang salitang selfie ay ang pagkuha ng retrato sa sarili na kadalasang ginagamitan ng kamera ng isang cellphone. Malimit itong isinusulat kasama ang “hashtag” (#selfie) sa mga social networking sites, particular na sa Twitter at sa Instagram.

Taun-taon, hinihirang ng Oxford Dictionaries Online ang mga salitang nagiging patok sa buong mundo sa pamamagitan ng pagsususuri ng humigit-kumulang 150 na mga salitang malimit ginagamit sa internet.

Malayo na ang narrating ng salitang selfie ditto sa bansa. Sa katunayan, may iba’t ibang bersiyon na nga ito rito tulad ng pagsasama ng ibang tao sa retrato ng sarili o ang paggamit nito upang mag-endorso ng iba’ tibang produkto o organisasyon.

Ayon kay Josephine Placido-Aguilar, isang propesor ng sosyolohiya sa Faculty of Arts and Letters, nakatulong ang pagsikat ng selfie dahil sadyang mahilig na kumuha ng mga retrato ang mga Pilipino—isang paraan upang balik-balikan ang kanilang masasayang alaala sa buhay.

“Nagse-selfie sila dahil kailangan nilang bumalik kung saan sila nagmula,” aniya. “Kailangan nilang balikan ang panahong kasama nila ang mga taong nagging bahagi ng kanilang mga buhay [at] upang makita [rin] ang pag-unlad ng kanilang mga sarili.”

Ani Aguilar, ang konsepto ng pagsasama ng ibang tao sa selfie ay “we feeling” na mentalidad ng mga Pilipino.

“Lagi nating gusto ng may kasama, hindi katulad ng mga dayuhang nagpasimula nito na nakatuon lamang sa‘I feeling,’” aniya.

READ
Derailed?

Samantala, ipinaliwanag naman ni Jose Wendell Capili, isang pop culture expert at propesorng Creative Writing sa University of the Philippines-Diliman, na nagging kasangkapan ang social media upang maging kilala ang selfie.

“Ang selfie, kapag ginagamitan ng makabagong teknolohiya, ay nakararating sa iba’t ibang panig ng mundo sa isang saglit lamang,” aniya.

Binaggit din ni Capili ang pagkawili ng mga kabataan na mag-post ng kanilang mga retrato sa mga social networking sites upang malayang maipahayag ang kanilang mga sarili. Ito ay naging madali dahil naging mas progresibo ang teknolohiya lalo na at karamihan ng mga Pilipino ay mayroon o hindi kaya ay nagpaplanong bumiling mga cellphone na may kamera.

Sa isinagawang pag-aaral noong 2011 ng Nokia, isang kilalang telecommunications brand sa bansa, 70 bahagdan ng mga Pilipino ang mahilig kumuha ng mga retrato gamit ang kanilang mga cellphone dahil ito ang mayroon sila. Kalahati rin sa mga Pilipino na ito ang nagsabing kumukuha sila ng kanilang mga retrato upang mailagay sa mga social networking sites.

“Paraan ito ng pakikihalubilo at pakikisama sa isang pamayanang online kung saan ang pag-like ay isang paraan upang maging ‘in’ sa isangpangkat,” ani Capili.

Aniya, isa rin itong self-projection kung paano nais ng isang tao na makilala siya ng buong mundo, lalo na sa isang taong nagsisimula pa lamang sa kaniyang karera o sa kaniyang social life.

Ang selfie ay unang binaggit noong 2002 sa isang talakayan sa Australia kung saan pinag-uusapan ang mga ginagawang katawagan o mga salitang pinaiikling mga Australyano. Noong 2004, una itong ginamit sa paglalagay nito sa isang hashtag hanggang tuluyan na itong sumikat noong 2012.

READ
Inst. of Religion heeds call for evangelization

Una naming ginamit ang selfie sa Filipinas nang mag-post ng isang retrato si Jennifer Lee, isang aktres sa bansa, sa kaniyang Instagram noong 2012.

‘Selfie’ para sa pagbabago

Ngunit hindi katulad ng nakararami na ang selfie ay isang senyales ng makasariling mundo, ginagamit din ito sa Filipinas upang tumulong o hindi naman kaya ay magpahayag ng kanilang protesta sa iba’t ibang problemang kinahaharap ng bansa.

Ilan sa mga malikhaing paraan naisip ng mga Pilipino ay ang paggamit ng selfie upang humingi ng donasyon at iba pang paraan ng pagtulong para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Ang konseptong “#unselfie” ay naisip ng BBDO Guerrero, isang kilalang advertising agency sa bansa, na naglalayong iparating sa mga taong isantabi ang sarili at tumulong sa mga taong naapektuhan ng bagyo.

Noong Agosto, ginamit din ang naturang salita bilang protesta sa malaking pagtaas ng pamasahe sa MRT at LRT.

Sa nakalipas na State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III, ginamit ng MovePH, isang sangay ng Rappler na isang online na pahayagan, ang “#SelfieoftheNation” na humihimok sa mga taong ipakita o isiwalat ang iba’t ibang problema ng bansa.

Sinabi ni Aguilar na nakikita ng mga tao ang pagbabago, partikular sa teknolohiya o sa mga nagiging uso tulad ng selfie, bilang midyum upang makatulong o mas buksan pa ang kamalayan ng pamayanang kinabibilangan nito.

“Nakikita natin nagyon ang social media o ang mga bagay na nagiging patok na may halaga at dapat gamitin upang mapaunlad ang lipunang kinagagalawan natin,” ani Aguilar.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.